Kailangan ba ng inyong anak na 0-5 taong gulang ang mga produktong may elektronikong screen?
Nagiging karaniwan sa ating pang-araw-araw na buhay ang mga produktong may elektronikong screen. Kabilang dito ang mga telebisyon, DVD, larong elektroniko, computer, smartphone at tablet computer, atbp. Ipinakita ng mga isinagawang survey ng Kagawaran ng Kalusugan ng Hong Kong na nagsimula na ang mga magulang na payagan ang kanilang mga sanggol na wala pang isang taong gulang na magkaroon ng ugnayan sa mga produktong ito. Ginagamit man ang mga ito sa paglilibang o pag-aaral, maaaring iniisip ng mga magulang na sa mas maagang paggamit ng kanilang mga anak ng mga produktong may elektronikong screen, mas magiging handa sila para sa pag-aaral sa hinaharap.
Impluwensya ng mga produktong may elektronikong screen
Kahit na maaaring matuto nang mabilis ang maliliit na bata tulad ng pagsipsip ng tubig ng espongha, wala pa ring pag-aaral na nagpapakita ng mga napananatiling epekto sa pagkatuto ng mga sanggol at mga nasa preschool sa paggamit ng mga produktong may screen. Nakumpirma ng mga mananaliksik sa buong daigdig na itong tinatawag na mga aktibidad ng 'oras sa screen' ay karaniwang nakaupo at magkakaroon ng mga negatibong epekto sa mga bata ang labis na mga aktibidad ng oras sa screen. Kabilang dito ang:
- Napalitan ang oras para sa mga pisikal na aktibidad, na nagdudulot ng labis na timbang
- Nakaaapekto sa pag-unlad ng buto at paningin
- Nakaaapekto sa pag-unlad ng kakayahang gumalaw at pag-unlad ng wika
- Pagkakaroon ng hindi malusog na gawi sa pagkain
- Paggaya sa hindi angkop na pag-uugali kabilang ang marahas na pag-uugali
- Naiimpluwensyahan ang pagtulog, konsentrasyon, mga kasanayan sa pakikisalamuha sa lipunan at komunikasyon
Pinakamainam na panahon ng pag-unlad
Ang pinakamainam na panahon ng pag-unlad para sa maliliit na bata ay bago ang anim na taong gulang, lalo na, mula pagsilang hanggang dalawa. Naglalaan sila ng 40% hanggang 60% ng kanilang araw sa pagtulog. Tinitiyak nila na kailangan nilang gamitin ang natitirang oras ng araw sa oras na de-kalidad upang makipag-usap at makipaglaro sa kanilang mga magulang, sumali sa malayang pagtuklas at mga pisikal na aktibidad upang mapahusay ang malusog at kabuuang pag-unlad. Lalong mahalaga ang mga de-kalidad na aktibidad na ito para sa kanilang pag-aaral, pag-iisip at pakikisalamuha sa hinaharap.
Mga payo
- Kailangan ng inyong anak ang napakaraming pakikipag-ugnayan ng magulang-anak bago ang dalawang taong gulang. Iwasang hayaan siyang makipag-ugnay sa anumang produktong elektronikong may screen maliban sa paggawa ng interactive na video-chat sa ilalim ng inyong paggabay. Kung sa palagay ninyo na maaaring may pakinabang sa kanyang pag-aaral at pag-unlad ang paggamit ng ilang aktibidad sa screen, lagi siyang samahan at gabayan at magtakda ng mga limitasyon para sa kanya.
- Para sa inyong dalawa hanggang limang taong gulang na anak, dapat limitahan sa isang oras ang kabuuang oras sa isang araw upang manood siya ng TV o gumamit ng computer, tablet computer o smartphone. Dapat na interactive at nagtuturo ang mga aktibidad sa screen, at isasagawa sa ilalim ng inyong patnubay.
- Maging huwaran para sa inyong anak at bawasan ang oras sa screen
- Dapat itago ng mga adulto ang mga produktong may elektronikong screen upang maiwasan ang mabilis na pag-access ng mga bata.
- Huwag madalas na iwanang naka-on ang mga produktong screen na makaaapekto sa pagsali ng mga bata sa iba pang aktibidad. I-off ang anumang elektronikong screen sa oras ng pagkain upang mapadali ang komunikasyon kasama ang mga miyembro ng pamilya
- Magtatag ng maginhawang rutina halos isang oras bago ang oras ng pagtulog sa paggawa ng mga nakakarelaks na aktibidad sa halip na mga aktibidad sa screen. Huwag ilagay ang anumang produktong may elektronikong screen sa kuwarto dahil makaaapekto ito sa pagtulog
- Magtatag ng mga patakaran at parusa sa pagkontrol sa oras sa screen ng inyong anak. Maging matatag sa pagpapatupad nito
- Iwasang gantimpalaan ang inyong anak ng dagdag na oras sa screen o parusahan siya sa pagbawas nito
- Maingat na pumili ng angkop na nilalaman ng mga aktibidad sa screen ayon sa edad ng bata. Iwasan ang mga programa at app na may maraming tunog at larawan na nakakagambala sa atensyon mula sa nilalaman
- Kapag nagsasagawa ang inyong anak sa mga aktibidad na gumagamit ng elektronikong screen:
- Samahan siya upang pag-usapan ang tungkol sa nilalaman at gabayan siya upang magamit ang layuning pang-edukasyon ng produkto
- Tiyakin ang wastong postura at panatilihin ang wastong distansya
- Magkaroon ng mga pahinga paminsan-minsan. Tumingin sa malalayong bagay upang irelaks ang mga kalamnan ng mata. Baguhin nang madalas ang mga postura upang marelaks ang mga kalamnan ng iba't ibang bahagi ng katawan
- Maaari ninyong isali ang inyong anak sa iba pang aktibidad kung humihiling siya ng mga aktibidad sa screen. Subukang gamitin ang de-kalidad na oras ninyo kasama ang inyong anak upang mapalitan ang oras sa screen. Mas mapadadali ng pakikipag-usap, pagbabasa, paglalaro at paggawa ng mga pisikal na aktibidad na kasama siya ang pag-unlad ng kanyang talino, wika, paggalaw at emosyon. Kung nais ninyong kumuha ng higit pang impormasyon tungkol sa pagiging magulang, mangyaring i-browse ang sumusunod na website: http://s.fhs.gov.hk/da3ph
Pag-awat sa ‘elektronikong tagapayapa’
Kung nakagawian na ng inyong anak ang panonood sa smartphone o tablet computer, maaari siyang umangal at umiyak kapag tinangghihan ninyo ang kanyang kagustuhan sa mga aktibidad sa screen. Maaaring mangyari ang ganoong mga sitwasyon sa hapag-kainan o kapag lumalabas. Maaari kayong mag-alala tungkol sa hindi niya pagkain o paggawa ng eksena sa publiko at patuloy na bigyan siya ng mga aktibidad sa screen, sa pag-asang makagiginhawa ang mga ito sa kanya tulad ng ginawa ng pacifier nang sanggol pa siya.
Sa katunayan, makagagambala ang panonood o paglalaro sa anumang produktong may elektronikong screen sa pagkasabik sa pagkain, nawawala ang kanilang motibasyon na matutong pakainin ang kanilang sarili, ginagawa silang umaasa sa pagiging pinapakain at nagiging dahilan din upang kumain sila ng sobra o kakaunti. Bukod dito, maaaring magdulot at mapanatili ang kanilang hindi angkop na mga pag-uugali tulad ng pag-angal o pagtangging kumain ng paggamit ng mga produktong ito upang aliwin ang mga bata. May mga epektibong estratehiya ng pamamahala para sa mga problemang pag-uugali. Kabilang dito ang nakaplanong hindi pagpansin sa inyong anak hanggang tumigil siya sa problemang pag-uugali, o hayaan siyang maging kalmado sa loob ng ilang oras, at hikayatin siya sa iba pang aktibidad upang mapalitan ang oras sa screen. Nagpapahusay ng malusog na pamumuhay ang pagpapanatili ng tiyak na oras at mga lugar na 'walang screen' para sa bata at sa mga miyembro ng pamilya.
Maaari kayong sumangguni sa mga polyetong
- Disiplinahin ang Inyong Anak na Nagsisimulang Humakbang sa Positibong Paraan
- Pamamahala ng Pag-uugali ng Inyong Anak na nasa Preschool I
- Pamamahala ng Pag-uugali ng Inyong Anak na nasa Preschool II
Para sa pagtatatag ng malusog na gawi sa pagkain, makikita ang mga detalye sa aming mga polyetong ‘Malusog na Pagkain para sa mga Batang 6-24 na Buwang Gulang (2) at (3)’
Kung may mga problema pa rin kayo sa paglutas ng pag-uugali ng inyong anak, maaari kayong makipag-ugnayan sa mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan sa mga MCHC. Magbibigay kami ng gabay at magsasaayos ng workshop sa pagiging magulang o ang Programa sa Positibong Pagiging Magulang nang naaayon.
Para sa higit pang impormasyon sa kalusugan at mga video sa paggamit ng internet at mga produktong may elektronikong screen, maaari kayong pumunta sa mga sumusunod na link sa mga web page ng Serbisyo sa Kalusugan ng Mag-aaral (Student Health Service), Kagawaran ng Kalusugan: