Malusog na Pagkain para sa mga Batang 6 hanggang 24 na buwang gulang (2) Pagpapatuloy (6 – 12 buwan)
- Pagkain at diyeta ng sanggol
- Pagpapakilala ng bagong pagkain
- Pagsubok ng mga pagkaing iba't iba ang texture
- Pagkain at mga sustansya
- Paano ihahanda ang mga pang-araw-araw na pagkain para sa inyong sanggol
- Pagluluto ng mga lutuing para sa sanggol na may iba't ibang pagkain
- Pagkain sa labas
- Pagpapakain kapag maysakit
- Ang kapaligiran sa pagkain
- Paano pakainin ang inyong sanggol
- Pag-angkop sa isang bagong paraan ng pagkain
- Paano tulungan ang inyong sanggol na matutong pakainin ang kanyang sarili
- Paano tulungan ang inyong sanggol na matutong uminom mula sa tasa
- Misyon ng magulang sa pagpapakain
- Pagtataguyod ng Malulusog na gawi
- Paalaala sa mga magulang
Pagkain at diyeta ng sanggol
(Panoorin ang kaugnay na video: http://s.fhs.gov.hk/nx6tt)
Pagkatapos masanay ng inyong sanggol sa pagkain ng malambot na pagkain gamit ang kutsara, dapat ninyong ipakilala ang iba't ibang bagong pagkain nang paisa-isa. Piliin ang mga pagkaing mayaman sa iron.
- Subukan ang mga pagkaing may iba't ibang texture ayon sa kakayahan ng inyong sanggol na ngumuya;
- Ang gatas ng ina o ang gatas na pormula ang pangunahin pa rin niyang pagkain. Habang dumarami ang kinakain niyang matigas na pagkain, mas kaunting gatas ang kanyang kailangan.
- Tinatanggap nang mas handa ng mga sanggol na wala pang 1 taong gulang ang bagong pagkain. Samantalahin ang pagkakataong ito upang hayaan siyang maranasan ang malawak na hanay ng mga pagkain.
Pagpapakilala ng bagong pagkain
- Mag-alok ng bagong pagkain sa umaga o sa tanghali. Pinapayagan ka nitong bantayan ang anumang allergy sa pagkain;
- Magpakilala ng mga bagong pagkain nang paisa-isa. Magsimula sa 1 hanggang 2 kutsarita at hayaan ang inyong sanggol na subukan ang pagkain sa loob ng 2 hanggang 4 na araw;
- Idagdag ang bagong pagkain sa rice cereal o lugaw, o ialok ito nang direkta sa inyong sanggol.
Mga payo: Pumili ng pagkain para sa inyong sanggol mula sa basket ng pagkain ng inyong pamilya.
Hindi handang kainin ng aking sanggol ang bagong pagkain. Ano ang maaari kong gawin?
- Maaaring magpakita ang iyong sanggol ng ilang kakaibang ekspresyon ng mukha kapag tumitikim ng bagong pagkain. Hindi ito nangangahulugan na tinatanggihan niyang kainin ang pagkain;
- Kung ibinubukas niya ang kanyang bibig para sa pagkain, patuloy siyang pakainin;
- Kung ayaw niyang kumain, subukan muli sa loob ng 1 hanggang 2 linggo;
- Kailangang subukan ng ilang sanggol nang 8 hanggang 15 beses bago nila kainin ang isang bagong pagkain, kaya maging matiyaga. Huwag sumuko pagkatapos lamang ng 2 o 3 pagsubok.
Pagsubok ng mga pagkaing iba't iba ang texture
(Panoorin ang kaugnay na video: http://s.fhs.gov.hk/qq288)
Magsimula sa madulas na katas, pagkatapos ay lumipat sa niligis na pagkain na may malalambot na kumpol, at pagkatapos ay sa tinadtad o hiniwang pagkain. Tumutulong ang unti-unting pagbabago sa texture ng pagkain sa inyong sanggol na matutunang ngumuya.
Nag-iiba-iba ang mga sanggol sa kanilang paglaki. Dapat magbigay ang mga magulang ng angkop na texture ayon sa kakayahan ng mga sanggol na ngumuya.
Kapag nakakakain ang inyong sanggol ng hiniwang pagkain, maaari siyang sumalo sa pagkain ng pamilya.
Upang malaman pa ang tungkol sa mga texture ng pagkain, mangyaring sumangguni sa "Gabay sa Pagpaplano para sa 7-araw na Malusog na Pagkain para sa mga batang 6 hanggang 24 na buwang gulang".
Kaya ng mga sanggol na gawin ito!
- Kayang kainin ng karamihan ng sanggol na 8-buwang gulang ang pinong tinadtad na pagkain;
- Kaya nilang ngumuya gamit ang kanilang mga gilagid;
- Kung pinakakain lang sila ng mga katas, maaaring magkaproblema sila sa pagkain ng mga pagkaing magaspang ang texture sa hinaharap.
Ano ang reaksyon ng mga sanggol kapag una silang sumubok ng malapot o buo-buong pagkain?
- Sa simula, maaaring kaunti ang kainin ng mga sanggol o kumain nang mabagal;
- Kapag masyadong buo-buo at matigas ang pagkain na hindi ito manguya ng inyong sanggol. Iluluwa niya ito, o maaari ding ipasak sa bibig.
- Kung mangyari ito, ihanda ang pagkain sa mas pinong texture at hayaan ang inyong sanggol na masanay rito nang unti-unti.
Mag-ingat sa mga panganib na mabulunan
- Huwag bigyan ang inyong mga sanggol ng pagkaing maliit at matigas, gaya ng matatamis, o pagkaing malagkit, gaya ng mga dumpling na malagkit na kanin;
- Kapag binigyan ninyo ang inyong sanggol ng pagkaing maliit at pabilog, gaya ng mga ubas o cherry, alisin muna ang mga buto at hiwain ang pagkain sa maliliit na piraso;
- Maging maingat na alisin ang mga buto o tinik mula sa karne o isda.
Mga pagdumi ng mga sanggol
Habang kumakain ang inyong sanggol ng mas maraming matigas na pagkain, maaaring magbago ang kanyang pagdumi. Maaaring maging mas malagkit ang dumi at magkaroon ng maliliit na piraso ng pagkain dito. Kung dumumi ang inyong sanggol ng lusaw o mayroong dugo o uhog, dalhin siya upang magpatingin sa doktor sa lalong madaling panahon.
Pagkain at mga sustansya
Pagkain ng iba't ibang pagkain
Habang kumakain ang inyong sanggol ng mas maraming matigas na pagkain, dapat ninyong isama ang iba't ibang pagkain sa kanyang mga pagkain. Sinisiguro nito na masisiyahan siya sa mahusay na balanse ng nutrisyon.
Mga pangunahing pinagmumulan ng mga sustansya:
Mga butil (hal. Kanin, noodles, pasta, tinapay, oatmeal)
Nagbibigay ang butil ng mga carbohydrate, protina, ilang bitamina B (hindi kasama ang bitamina B12) at magnesium.
Nagbibigay ang mga pagkaing buong butil gaya ng brown rice at tinapay na gawa sa buong trigo ng mas maraming bitamina E at mga hibla na pandiyeta. Ialok ang mga pagkaing ito sa mga sanggol kapag mas mahusay na silang nakakanguya.
Mga itlog o karne (hal. isda, manok, karneng baboy, karneng baka, karne ng tupa, atay, pagkaing-dagat)
Nagbibigay ang mga itlog o karne ng protina, taba, kolesterol, iron, zinc, magnesium, bitamina B at B12. Nagbibigay ang isda ng mas maraming unsaturated fat; nagtataglay din ang matabang isda ng bitamina D. Iwasang kumain ng isda na mataas ang level ng methylmercury. Mayaman ang pula ng itlog at atay sa bitamina A at nagtataglay ng bitamina D (Iwasang kumain ng atay nang masyadong madalas).
Tuyong beans at iba pang produktong gawa sa bean (hal. Pulang patani, chickpeas, pulang beans, cowpeas, at iba pang produktong gawa sa bean)
Nagbibigay ang mga tuyong beans at iba pang produktong gawa sa bean ng protina, carbohydrates, ilang bitamina B (hindi kasama ang bitamina B12), iron, zinc at mga hiblang pandiyeta. Nagbibigay ng calcium ang tofu na ginawa sa tradisyunal na pamamaraan.
Mga gulay (hal. Mga berdeng madahong gulay: choy sum, bok choy, broccoli, Chinese kale, dahon ng mustasa, Chinese spinach, atbp.)
Mayaman ang mga gulay sa carotene, bitamina C, folic acid, mga hiblang pandiyeta, potassium at mga mineral. Mayamang pinagmumulan ng calcium, bitamina E at K ang mga berdeng madahong gulay.
Mga prutas (hal. Mga saging, peras, mansanas, ubas, pakwan)
Nagbibigay ang mga pruta ng bitamina C, folic acid, mga hiblang pandiyeta, potassium at mga mineral. Nagtataglay ng carotene ang mga matitingkad na dilaw na prutas, gaya ng papaya, mangga. Ang mga halimbawa ng mga prutas na mayaman sa bitamina C ang mga kiwi, strawberry, orange, papaya, persimmon.
Gatas at mga produktong gawa sa gatas (hal. Keso, yoghurt, gatas)
Nagbibigay ang gatas at mga produktong gawa sa gatas ng protina, saturated fat, calcium, bitamina A at bitamina B12.
Hindi dapat palitan ng gatas ng baka ang gatas ng ina o gatas na pormula para sa mga sanggol na wala pang 1 taong gulang bilang kanilang pangunahing pinagkukunan ng pagkain.
Tubig
- Pagkatapos kumain ng matigas na pagkain, alukin ang mga sanggol ng pinakuluang tubig upang inumin upang masanay sila rito;
- Kadalasang sumisipsip nang kaunting tubig ang mga sanggol sa bawat pagkakataon at sapat na iyon;
- Huwag palitan ang pinakuluang tubig ng glucose na tubig, juice o matatamis na inumin. Pinangangalagaan nito ang mga sanggol mula sa pagkakaroon ng masamang gawi ng pag-inom ng matatamis na inumin.
Kailangan ng mga sanggol ng mga pagkaing mayaman sa iron
Pagkatapos ng edad na 6 na buwan, kailangan ng mga sanggol ng mas maraming iron. Dapat silang kumain ng sapat na dami ng mga pagkaing mayaman sa iron araw-araw.
- Magandang pagpili ang kanin o wheat cereal na may dagdag na iron;
- Mas madaling masipsip ang iron sa karne, isda at pula ng itlog;
- Tumutulong ang bitamina C sa mga prutas upang masipsip ng katawan ang iron sa mga berde at madahong gulay at tuyong beans;
- Kapag kumakain araw-araw ang inyong sanggol ng karne o pula ng itlog at mga gulay, maaari ninyong palitan nang unti-unti ng lugaw ang rice cereal.
Mahalaga ang iodine para sa pag-unlad ng nervous system. Anu-anong pagkain ang nagbibigay ng iodine?
- Kelp, damong-dagat (Mayroon silang mataas na taglay ng iodine, kaya sapat na ang pagkain ng kaunti.);
- Iodised salt;
- Isdang mula sa tubig-dagat, hipong mula sa tubig-dagat, shellfish;
- Gatas, pula ng itlog.
Tumutulong ang DHA sa pag-unlad ng nervous system ng mga sanggol. Anu-anong pagkain ang nagtataglay ng DHA?
Isda ang pangunahing pinagmumulan ng DHA. Mayamang pinagmumulan ang salmon, sardinas at halibut. Nagbibigay rin ng DHA ang Golden thread, Bigeyes at Pomfret.
Vegetable oil
- Kapag nagluluto para sa inyong sanggol, magdagdag ng kaunting vegetable oil;
- Nagbibigay ito sa inyong sanggol ng enerhiya, at tumutulong din sa kanya na masipsip ang mga bitaminang natutunaw sa taba;
- Nagbibigay ang mga vegetable oil ng mga mahahalagang fatty acid na kailangan para sa paglaki at pag-unlad ng utak;
- Nag-iiba-iba ang iba't ibang uri ng mga vegetable oil sa kanilang komposisyon. Maaaring gamitin ang mga ito nang palitan o nang magkakahalo.
Tumutulong sa atin ang pagkain ng iba't ibang pagkain upang mapanatili ang magandang kalusugan.
Paano ihahanda ang mga pang-araw-araw na pagkain para sa inyong sanggol
Mga sanggol na 6 hanggang 8 buwan
Gatas ang pangunahing pagkain. Kailangan ng inyong sanggol ng halos 5 pagpapainom ng gatas kada araw.
Para sa 2 hanggang 3 ng mga pagpapainom na iyon, alukin muna siya ng matigas na pagkain at pagkatapos ay bigyan siya ng gatas.
Pagpapakain ng matigas na pagkain
- Sa simula, alukin ang mga sanggol ng 1 hanggang 2 kutsara ng matigas na pagkain;
- Habang nasasanay ngumuya at lumunok ang mga sanggol, kakain sila ng mas maraming matigas na pagkain;
- Mas interesado ang ilang sanggol sa pagkain ng matigas na pagkain sa simula ng isang pagkain. Maaari silang mapagod kaagad sa pagnguya at hindi na kakain ng marami. Kung gayon, bigyan sila ng gatas.
Pagpapasuso o pagpapainom ng gatas na pormula
- Painumin ang mga sanggol ng gatas ayon sa kanilang mga pangangailangan at ihinto kapag nagpakita sila ng mga palatandaan ng pagkabusog;
- Habang kumakain ang mga sanggol ng mas maraming matigas na pagkain, mas kaunting gatas ang kanilang iniinom at mas madalang na kailangan ang pagpapainom ng gatas.
Kailan angkop na palitan ang pagpapainom ng gatas ng matigas na pagkain?
Kung ibinibigay lahat ang butil, gulay, karne (o isda, itlog) at langis sa karamihang pagkain ng inyong sanggol, at ayaw niyang uminom ng gatas matapos kumain sa loob ng ilang araw, maaari niyang laktawan ang isang pagpapainom ng gatas.
Tandaan: Siguraduhing kinakain ng inyong sanggol ang kumpol ng karne upang makuha ang sapat na sustansya.
Mga sanggol na 9 hanggang 11 buwan
Kailangan ng inyong sanggol ng halos 5 pagpapakain sa isang araw. Sa 2 hanggang 3 pagkain, karaniwang kinakain niya ang matigas na pagkain.
Pagpapakain ng matigas na pagkain
- Maaaring palitan ng matigas na pagkain ang 1 hanggang 2 pagpapainom ng gatas para sa karamihang sanggol na 8 hanggang 9 buwan;
- Kumakain ang mga sanggol ng 2 hanggang 3 pagkain ng matigas na pagkain bawat araw;
- Maaari din ninyong bigyan ang inyong sanggol ng ilang prutas minsan o dalawang beses araw-araw bilang meryenda.
Pagpapasuso o pagpapainom ng gatas na pormula
- Ipagpatuloy ang pagpapasuso;
- Karaniwang kailangan ng halos 2 hanggang 3 pagpapainom ng gatas ng mga sanggol na pinaiinom sa bote at halos 500 hanggang 600 ml ng gatas kada araw;
- Maaaring mabawasan ang gana para sa ibang pagkain ng inyong sanggol sa pagpapainom ng napakaraming gatas at nang napakadalas.
Mga oras ng pagpapakain
- Sa edad na 6 na buwan, may regular nang pattern sa pagpapakain ang karamihan ng sanggol. Kailangan nilang pakainin halos tuwing 3 hanggang 4 na oras. Maaaring matulog nang diretso sa magdamag ang karamihan sa kanila, na hindi na kailangan ang pagpapakain sa gabi.
- Nagsisimula ang mga sanggol na kumain kasama ang kanilang mga pamilya. Unti-unti silang nakakaangkop sa pagkain ayon sa iskedyul ng pagkain ng pamilya.
- Sa halos 1 taong gulang, dapat magtakda ang mga magulang ng regular na iskedyul ng oras ng pagkain para sa kanilang mga sanggol.
Pagluluto ng mga lutuing para sa sanggol na may iba't ibang pagkain
- Ihalo at itugma ang mga gulay, karne, isda o mga itlog sa rice cereal, lugaw o malambot na kanin upang gumawa ng malasa at masustansyang pagkain;
- Bigyan ng prutas ang inyong sanggol pagkatapos ng pagkain o bilang meryenda;
- Makatutulong ang pagpili ng mga pagkain nang halinhinan at pagbabago ng mga kombinasyon ng pagkain sa inyong sanggol na masanay sa mga bagong pagkain.
Mga halimbawa ng mga pagkaing para sa mga sanggol:
- Rice cereal na may choy sum at pula ng itlog na inihaing may katas ng papaya para sa mga sanggol na 7 buwang gulang
- Malapot na lugaw na may manok, carrot at Shanghai white cabbage na inihaing may mga stick ng kiwi para sa mga sanggol na 8 buwang gulang
- ABC pasta na may kamatis, baka at bok choy na inihaing may mga cube ng orange para sa mga batang halos 1 taong gulang
Tandaan: Mangyaring sumangguni sa mga kombinasyon ng pagkain na nasa mga menu at recipe na nasa Gabay sa Pagpaplano para sa 7-araw na Malusog na Pagkain para sa mga batang 6 hanggang 24 na buwang gulang.
Pagkain sa labas
- Dalhin ang pagkain ng inyong sanggol, mga kubyertos sa pagkain, mga bib at gunting, atbp.
- Pumili ng restawran na malinis at nagbibigay ng upuan ng sanggol;
- Narito ang ilang mungkahing pagkain para sa inyong sanggol:
- Rice cereal, mga prutas;
- Nakapaketeng pagkain ng sanggol: tingnan ang petsa na “maaaring kainin bago”. Itapon ang anumang natira;
- Magbahagi ng mga pagkaing mula sa mga putahe ng matatanda na kaunti lang ang panimpla, gaya ng pinasingawan na isda, mga pinakuluang gulay, tofu, atbp.;
- Gatas ng ina o gatas na pormula.
T at S: Ligtas bang magdala ng lutong pagkain sa isang termos kapag lumalabas?
Sa pangkalahatan, hindi kaya ng maliit na termos na panatilihin ang pagkain sa ligtas na temperatura (ibig sabihin pananatiling mainit ang pagkain sa 60°C o mas mataas) nang mahabang panahon. Upang mabawasan ang panganib ng pagdami ng bakterya, dapat kainin ang pagkain sa loob ng dalawang oras matapos itong lutuin kung inilagay ito sa termos.
Pagpapakain kapag maysakit
Dagdagan ang pag-inom ng likido
Nawawalan ng mas maraming tubig ang katawan kaysa karaniwan habang may sakit.
- Alukin ng tubig ang inyong sanggol nang mas madalas;
- Maaari din ninyong bigyan ng sabaw ang inyong sanggol (gaya ng sabaw ng melon, sabaw ng kamatis.)
Matapos gumaling, magbabalik ang gana sa pagkain ng inyong sanggol. Maaaring kumain siya nang mas marami kaysa dati.
Magbigay ng pagkain na madaling lunukin
Maaaring mawala ang ganang kumain ng inyong sanggol at maaaring ayaw ngumuya.
- Magbigay ng mga pagkaing malambot tulad ng mga melon, isda, manok, tofu, malambot na kanin o congee;
- Maaaring uminom ng mas maraming gatas at kumain ng mas kaunting matigas na pagkain ang inyong sanggol;
- I-adjust ang bilang ng mga pagpapakain at ang dami ayon sa kanyang mga pangangailangan.
Ang kapaligiran sa pagkain
(Panoorin ang kaugnay na video: http://s.fhs.gov.hk/sr1v8)
Dapat magsaayos ang mga magulang ng magandang kapaligiran sa pagkain kapag pinakakain ang kanilang mga sanggol. Pinadadali nito ang pagpapakain sa mga sanggol at tumutulong din sa kanila na masiyahan sa pagkain, sanayin ang kakayahang pakainin ang kanilang mga sarili at bumuo ng magagandang gawi sa pagkain.
Ang magandang kapaligiran sa pagkain
- Kumain nang sama-sama bilang isang pamilya
- I-off ang TV at alisin ang mga bagay na gumagambala sa inyong sanggol
- Hayaang kumain ang inyong sanggol sa regular na upuan sa nakapirming lugar
- Umupong kasama ang inyong sanggol sa parehong level upang nakikita niya kayo
- Hayaang maupo ang inyong sanggol sa hapag-kainan o magkaroon ng sarili niyang tray sa pagkain
- Takipan ang sahig ng peryodiko o mantel
Maaaring isaayos ng mga magulang ang kapaligiran sa pagkain sa sumusunod na mga paraan:
- I-off ang TV at ilayo ang mga laruan:
- Pinananatili nitong naka-focus ang inyong sanggol sa pagkain at ginagawa siyang mas nagaganyak upang pakainin ang kanyang sarili at gumamit ng kutsara;
- Pinatataas nito ang tsansa upang makipag-usap siya sa inyo;
- Mas magiging alam niya ito kapag busog na siya upang hindi siya magpakabusog;
- Pinipigilan nito ang inyong sanggol na magkaroon ng masamang gawi ng paglalaro habang kumakain.
Ano ang nalaman ng mga mananaliksik
- Humahantong sa labis na pagkabusog ang pagkain habang nanonood ng TV;
- Iniuugnay ang panonood ng TV sa mga pagkaantala sa pag-unlad sa pagsasalita sa mga batang wala pang 2 taong gulang;
Kaya, hindi ninyo dapat hayaan ang mga batang wala pang 2 taong gulang na manood ng TV.
- Iupo ang inyong sanggol sa parehong upuan para sa bawat pagkain
- Tumutulong ito sa inyong sanggol na matutunan na nangangahulugan ang 'pag-upo rito' na 'oras nang kumain', at na mabuo ang gawi ng pag-upo upang kumain.
- Maaaring pumili ang mga magulang ng angkop na mataas na upuan, booster chair o isang upuan ayon sa kaayusan ng bahay.
- Hayaang magkaroon ang inyong sanggol ng sarili niyang tray ng pagkain o maupo sa hapag-kainan
- Mas magiging kasiya-siya ang oras ng pagkain dahil naaabot niya ang pagkain at nagagamit nang madali ang kutsara;
- Masasahod din ng tray ang natapong pagkain para sa mabilis na paglilinis kinalaunan.
Paano pakainin ang inyong sanggol
Mausisa sa kanilang kapaligiran ang mga sanggol na 6 hanggang 11 buwang gulang. Madali silang nagagambala habang pinakakain.
Sa pagsunod sa mga payong nasa ibaba, matutulungan ninyo ang inyong sanggol na kumain nang mabuti at mapaunlad ang kanyang mga kakayahang makipagkapwa at pangangalaga sa sarili.
Naghahatid ng mas maraming kasiyahan ang mas maraming pakikisalamuha
- Tumugon sa mga aksyon ng inyong sanggol upang maramdaman niyang siya ay minamahal. Masisiyahan siya sa pagkain;
- Makipag-usap sa kanya tungkol sa pagkain;
- Purihin siya kapag gumawa ng mabuti.
Pagpapakain sa sariling bilis ng inyong sanggol
- Obserbahan ang inyong sanggol habang kumakain siya;
- Huwag siyang madaliin;
- Maaaring humantong ang pagpapakain nang napakabilis sa pagkabulunan o sobrang pagkai
Pagpapakain ayon sa mga pangangailangan ng inyong sanggol
(Panoorin ang kaugnay na video: http://s.fhs.gov.hk/2r48i)
- Karaniwang nabubusog ang mga sanggol sa loob ng 15 hanggang 20 minuto;
- Kapag busog na ang inyong sanggol, mababawasan ang kanyang interes sa pagkain at babagal;
- Habang tumatanda siya, mas lumalakas ang kanyang reaksyon sa paghihikayat na kumain matapos siyang mabusog, halimbawa maaari niyang itulak palayo ang kutsara.
Pagtugon sa pangangailangan ng sanggol habang pinakakain
Habang pinakakain, maaaring ipakita ng inyong sanggol ang mga sumusunod na pag-uugali upang ipakita ang kanyang pangangailangan. Tumugon sa mga pangangailangan ng inyong sanggol sa pagpapakain at kumilos nang naaayon.
“Tumatangging kumain”
Maaaring nag-aatubiling kumain ang mga sanggol kung nalantad sila sa isang bagong pagkain, pagbabago sa mga texture ng pagkain o isang bagong lasa ng pagkain. Maaaring subukan ng mga magulang ang iba't ibang paraan ng pagluluto, mga kombinasyon ng pagkain, lasa at i-adjust ang mga texture ng pagkain. Maaari din ninyong hayaan ang inyong sanggol na subukan ang bagong pagkain pagkalipas ng ilang araw.
Kapag busog ang sanggol, tumatanggi siyang kumain, o kung minsan ay maaaring ipasak ang pagkain sa bibig. Maaari siyang malumanay na tawagin ng mga magulang upang maibaling ang kanyang pansin sa pagkain. Kung hindi pa rin siya nagpapakita ng interes sa pagkain, malamang na busog na siya.
“Pagpasak habang lumulunok”
Kapag hindi sanay ang mga sanggol sa magaspang na texture ng pagkain, o mas malalaking piraso ng pagkain, maaari nilang pasakan ang kanilang bibig. Nangyayari din ito kapag pinakain sila nang napakabilis o binigyan nang marami sa isang pagkakataon. Kung mangyari ito, dapat manatiling kalmado ang mga magulang. Matapos silang linisin, subukang muli sa mas kaunting dami, bagalan ang pagpapakain. Kung may kaugnayan ito sa pagbabago sa texture ng pagkain, maaaring gawin ng mga magulang na mas malambot ang pagkain at hindi gaanong magaspang upang muli nilang subukan.
“Inaagaw o itinuturo ang pagkain”
Karaniwang ipinahihiwatig ng mga sanggol na gusto pa nila sa pamamagitan ng pag-agaw o pagturo sa mga pagkain. Dapat siyang patuloy na pakainin ng magulang. Kung gusto niyang hawakan ang pagkain, maaari ninyo siyang alukin ng finger food o isang kutsara upang pakainin ang kanyang sarili.
Pag-angkop sa isang bagong paraan ng pagkain
Habang nasa panahon ng paglipat ng pag-aaral na kumain ng matigas na pagkain, natututo rin ang mga sanggol na kumaing mag-isa. Kapag pinapakain sila, dapat gawin ng mga magulang ang sumusunod na dalawang pagbabago: hayaang kumain ang inyong sanggol na kasama ninyo bilang isang pamilya, at tulungan ang inyong sanggol na matutong pakainin ang kanyang sarili.
Pagkain nang magkakasama bilang isang pamilya
Gustong kumain ng mga sanggol na kasama ang kanilang mga magulang, at mga matatandang pamilyar sa kanila. Ang pagkain na kasama ang iba pang miyembro ng pamilya ay nakatutulong sa kanila na mabuo ang magagandang gawi sa pagkain.
- Ilantad siya sa mas maraming sari-saring pagkain sa hapag-kainan ng pamilya. May mas maraming pagkakataon ang mga sanggol na makatikim ng mga bagong pagkain at mga pagkaing pampamilya. Tumutulong ito sa kanila na tanggapin ang mga bagong pagkain nang mas madali.
- Hayaan siyang panooring kumakain ang ibang tao. Sa pamamagitan ng panonood at pagkopya kung paano kumakain ang iba, natututunan ng mga sanggol na pakainin ang kanilang mga sarili at nasisiyahang kumain ng mas marami.
- Tulungan siyang mabuo ang mga kasanayan sa pakikisalamuha. Aktibong nag-uusap ang mga miyembro ng pamilya sa isa’t-isa sa mga oras ng pagkain. Magugustuhan ng mga sanggol na sumali.
Paano kumain na kasama ang aking sanggol?
- Hayaan ang inyong sanggol na kumaing kasama ang mga miyembro ng pamilya nang hindi bababa sa isang pagkain bawat araw;
- Payagan siyang hawakan ang pagkain para kainin o tuklasin ang kutsara habang pinapakain ninyo siya;
- Sa simula, kailangan ninyong ihanda ang pagkain para sa kanya nang hiwalay;
- Hayaan siyang tikman ang mga pagkaing pampamilya na angkop para sa kanya. Tumutulong ito sa kanya na umangkop sa pagkain ng pamilya.
Pag-aaral na pakainin ang kanilang mga sarili
Mula edad na 8 hanggang 12 buwan, pinupulot ng mga sanggol ang mga bagay na pang-araw-araw at sinusubukang unawain ang gamit ng mga ito. Natututo rin silang uminom mula sa tasa at hawakan ang pagkain upang kainin sa yugtong ito. Sumangguni sa “Paano tulungan ang inyong sanggol na matutong pakainin ang kanyang sarili”, at “Paano tulungan ang inyong sanggol na matutong uminom mula sa tasa” para sa karagdagang detalye.
Paano tulungan ang inyong sanggol na matutong pakainin ang kanyang sarili
- Handa na ang inyong sanggol na matutong pakainin ang kanyang sarili kapag inaabot niya ang pagkain.
- Tabihan siya sa oras ng pagkain. Panoorin siya at tumugon sa kanya nang naaangkop.
Mga kapaki-pakinabang na payo
Linisin ang mga kamay at mukha ng inyong sanggol bago at pagkatapos ng mga pagkain. Iwasang punasan ang kanyang mga kamay nang madalas habang kumakain, dahil maaaring magambala nito ang kanyang interes sa pagkain.
Pagpapakain sa pamamagitan ng daliri
Kapag inaabot ang pagkain ng inyong sanggol, maaari kayong maghanda ng pagkain na madaling hawakan at kainin ng inyong sanggol. Hiwain ang mga kamote, tangkay ng gulay, carrot at broccoli sa 7 hanggang 10 cm na haba ng piraso at lutuin ang mga ito nang malambot. Kapag binibigyan ang inyong sanggol ng mga tangkay ng gulay, alisin muna ang matigas na balat, o alukin siya ng bago sa sandaling makain ang malambot na bahagi ng tangkay ng gulay. Maaari din ninyong bigyan siya ng mga biskwit na para sa sanggol (paminsan-minsan).
Kapag pinupulot ng inyong sanggol ang maliliit na bagay gamit ang kanyang mga daliri, hiwain ang pagkain sa maninipis na hiwa o mga tipak para sa inyong sanggol upang pulutin gaya ng maninipis na hiwa ng saging, malalambot na prutas, mga cube ng keso, maliliit na piraso ng tinapay, malambot na lutong macaroni o pasta.
Paggamit ng mga kutsara
Kapag inaabot ng inyong sanggol ang kutsara, dapat maghanda ang magulang ng kutsarang gawa sa materyal na ligtas para sa sanggol na may maliit na bilog na dulo at may makapal na hawakan. Bigyan siya ng kutsara para tuklasin. Pakainin siya gamit ang isa pang kutsara.
Sa halos 12 buwan gulang, maaaring isawsaw ng inyong sanggol ang kutsara sa mangkok at pagkatapos ay isubo ito sa kanyang bibig. Nagiging mas may kasanayan siya sa paggamit ng kutsara sa 12 hanggang 18 buwang gulang. Hayaan siyang subukang pakainin ang kanyang sarili gamit ang kutsara habang pinapakain ninyo siya. Bigyan siya ng ilang iba pang pagkain para hawakan sa kanyang mga kamay at kainin.
Bakit isinusubo ng aking sanggol sa kanyang bibig ang lahat ng kanyang napupulot?
Sa edad na 6 hanggang 12 buwan, gumagamit ang mga sanggol ng iba’t ibang pandama upang matutunan ang tungkol sa isang bagay, hal. paghawak, pag-amoy, pagkalampag, pagsubo nito sa bibig, at pagmamasid kung paano tumugon ang iba sa kanilang mga kilos. Tumutulong din ito sa kanila na matutunan kung nakakain ang bagay.
Bigyang-pansin ang kaligtasan sa bahay kapag tinutulungan ang inyong sanggol na matuto at tumuklas:
- Ilayo ang mga gamit na maaaring maging sanhi na mabulunan o mapinsala;
- Laging tabihan at bantayan ang inyong sanggol;
- Panatilihin ang kalinisan sa inyong bahay.
Pagtugon sa mga pagtatangka ng inyong sanggol na pakainin ang kanyang sarili
Habang pinapakain, maaaring agawin ng inyong sanggol ang kutsara, hayaan siyang kuhanin ito kung angkop ito sa kanya at pakainin siya gamit ang isa pang kutsara.
Habang pinapakain, maaaring kumalampag ang inyong sanggol gamit ang kutsara, hayaan siyang paglaruan ito nang malumanay dahil karaniwang tinutuklas ng mga sanggol ang mga bagay sa ganitong paraan. Kung nakagagambala ang ingay sa ibang tao, gambalain siya at kuhanin ang kutsara.
Maaaring matutunan ng sanggol ang tungkol sa pagkain sa pamamagitan ng paghawak, pagkurot, pagtikim, paghulog o pagtapon nito. Habang pinapakain, maaaring kumilos ang inyong sanggol na parang "nilalaro" niya ang pagkain, halimbawa sa pamamagitan ng pagkalikut nito gamit ang mga daliri, hindi ninyo kailangang patigilin siya. Ibaling ang kanyang pansin sa kutsara at pagkain. Pakainin siya kapag ibinukas niya ang kanyang bibig. Kung mukhang hindi niya pansinin ang pagkaing iniaalok ninyo sa kanya at patuloy na “naglalaro”, busog na siya. Dapat kayong huminto sa pagpapakain sa kanya.
Kapag pinapakain, maaaring pulutin ng inyong sanggol ang pagkain at kainin, dapat ninyong purihin siya.
Paano tulungan ang inyong sanggol na matutong uminom mula sa tasa
Sa edad na 7 hanggang 9 buwan, alukin ang inyong sangggol ng tasa at tulungan siyang uminom mula rito.
Maging handa:
Kapag natututong gumamit ng tasa, maaaring ibato o itumba ng mga sanggol ang tasa. Maaari din silang mahirinan habang umiinom din sila.
Mga yugto ng pagkatutong uminom mula sa tasa
Sa halos 7 buwang gulang, handa na ang inyong sanggol na matutong uminom mula sa tasa. Maaari ninyong:
- Bigyan ang inyong sanggol ng tasa ng pagsasanay o maliit na karaniwang tasa;
- Lagyan ang tasa ng kaunting tubig;
- Hawakan ang tasa malapit sa ibabang labi at itagilid ito, upang umiinom siya nang mabagal.
Mula 8 hanggang 12 buwang gulang, unti-unting natututo ang inyong sanggol na humawak sa tasa at uminom mula rito. Maaari ninyong:
- Hayaan siyang hawakan ang mga hawakan ng tasa. Habang umiinom siya, manatiling malapit at mag-alok ng tulong;
- Maaari ninyong lagyan ang tasa ng tubig, gatas o malinaw na sabaw.
Sa panahon ng edad na 12 hanggang 18 buwan, karamihang sanggol ang nakahahawak at nakakainom mula sa tasa. Sa edad na 18 buwan, tulungan ang inyong sanggol na ihinto ang pag-inom mula sa bote upang pangalagaan ang kanyang mga ngipin.
Mas handang sumubok ang mga sanggol na gumamit ng tasa kapag:
- Umiinom ng tubig ang mga magulang. Dahil gusto nilang ginagaya ang mga matatanda;
- Sila ay nauuhaw, hal. pagkatapos kumain ng tinapay o biskwit.
Maaaring mas madali para sa mga sanggol na magsimula gamit ang tasa ng pagsasanay. Kapag ginagamit niya ito nang tama, maaari mo siyang bigyan ng maliit na karaniwang tasa na may dalawang hawakan.
Pagpili ng tasa
Ano ang angkop na tasa ng pagsasanay?
- Mga tasang hindi nakadisensyo na hindi matatapon. Malayang dumadaloy ang tubig mula sa bibig kapag itinagilid ang tasa. Gawing tasa na malayang dumadaloy ang tasang hindi natatapon sa pamamagitan lang ng pag-alis ng balbula mula sa takip.
- Maliit ang laki. Madali itong hawakan.
- Mga hawakan sa magkabilang gilid. Kayang hawakan ng inyong sanggol
ang tasa nang mas madali. - May bibig. Tumutulong ito sa inyong sanggol na uminom nang mas madali mula sa tasa.
- Malinaw na lalagyan. Makikita ninyo ang daloy ng tubig
kapag umiinom ang inyong sanggol. - Ligtas na materyal. Pumili ng mga tasa na walang bisphenol A (BPA).
Bakit mas mabuting gumamit ng tasa ng pagsasanay na malayang dumadaloy ang tubig?
Dumadaloy nang malaya ang tubig kapag umiinom ang mga sanggol mula sa tasa. Tinutulungan nito ang mga sanggol na umangkop sa pag-inom mula sa karaniwang tasa.
Hindi gusto ng aking sanggol ang bibig ng tasa ng pagsasanay!
Bigyan siya ng maliit na karaniwang tasa. Tulungan siya at payagan siyang tumuklas. Maging matiyaga. Iinom siya mula rito sa paglipas ng panahon.
Mga payo:
- Sa halos isang taong gulang, nakakainom ang mga sanggol o sumisipsip gamit ang isang straw;
- Matapos makagamit ang inyong sanggol ng tasa na may straw, dapat niyang ihinto ang paggamit ng bote.
Babala:
- Samahan ang inyong sanggol at asikasuhin siya sa tuwing kumakain siya;
- Huwag magbigay ng mga inuming may matigas na piraso o hayaan siyang sipsipin ang mga inuming ito gamit ang straw.
Misyon ng magulang sa pagpapakain
Sa panahon ng paglipat sa pagkain ng matigas na pagkain, ang inyong misyon ay upang:
- Bigyan ang inyong sanggol ng iba’t ibang uri ng masustansyang pagkain;
- Alukin ang inyong sanggol ng mga texture ng pagkain na tugma sa yugto ng kanyang paglaki at ibahin ang mga kombinasyon ng pagkain;
- Magbigay ng angkop na kapaligiran sa pagkain, iwasan ang oras ng panonood sa electronic media para sa inyong sanggol;
- Tanggapin na alam ng inyong sanggol kung gaano karami ang kanyang kailangang kainin;
- Tukuyin ang mga palatandaan ng pagkagutom at pagkabusog ng inyong sanggol, at pakainin siya nang naaayon;
- Tulungan ang inyong sanggol na matutong pakainin ang kanyang sarili at uminom mula sa tasa;
- Magtatag ng regular na iskedyul ng pagpapakain na akma sa mga gawain ng pamilya.
Pagtataguyod ng Malulusog na gawi
Natututo ang mga sanggol sa pagkopya. Dapat kumilos ang mga magulang bilang mabubuting halimbawa para sa kung paano mabuhay at kumain nang malusog.
- Dapat ligtas ang kapaligiran ng inyong tahanan: Mas madalas na makipaglaro sa inyong sanggol sa banig sa sahig. Hayaan siyang gumalaw sa pamamagitan ng paggulong, paggapang o pagtawid sa mga kasangkapan;
- Dapat kumain ang mga magulang ng balanseng diyeta;
- Dalhin sa labas nang madalas ang inyong sanggol para maglaro at sumagap ng sikat ng araw, hal. paglalaro at paglalakad sa isang parke araw-araw. Hayaang malantad ang kanyang braso, kamay at mga binti sa direktang sikat ng araw. Nakatutulong ito sa katawan na gumawa ng bitamina D, na nagpapalakas ng mga buto;
- Linisin ang bibig ng inyong sanggol araw-araw.
- Basain ang kapirasong gasa o panyo ng tubig na iniinom;
- Ibalot ito sa inyong daliri at pagkatapos ay malumanay na ipasok ang daliri sa loob ng bibig ng inyong sanggol;
- Kuskusin ang mga gilagid ng inyong sanggol pati na rin ang kanyang mga ngipin.
Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang www.toothclub.gov.hk.
Malusog na Pagkain para sa mga batang 6 hanggang 24 na buwang gulang "Pagpapatuloy" – Paalaala sa mga magulang
Kapag pinakakain ang isang 6 hanggang 12-buwang gulang na sanggol, dapat ninyong:
- Alukin ang inyong sanggol ng iba't ibang pagkain (kasama ang mga butil, gulay, prutas, karne at isda) habang patuloy siyang pinasususo o pinaiinom ng gatas na pormula;
- Habang kumakain ang inyong sanggol ng mas malawak na hanay at mas maraming matitigas na pagkain, mas kaunti ang kailangan niyang gatas. Painumin siya ng gatas ayon sa kanyang pangangailangan. Pagkatapos ng edad na 9 na buwan, karaniwang kumakain ang mga sanggol ng matigas na pagkain upang palitan ang 2 o 3 pag-inom ng gatas;
- Bigyan ang inyong sanggol ng pagkaing mayaman sa iron – ibig sabihin rice cereal, karne, isda o pula ng itlog, berdeng madadahong gulay o beans;
- Unti-unting palitan ang mga texture ng pagkain – mula malapot na katas papuntang malambot at buo-buong pagkain;
- Kapag halos 7 hanggang 9 na buwang gulang ang inyong sanggol, tulungan siyang matutong uminom mula sa tasa at hayaan siyang hawakan ang pagkain upang kainin;
- Paupuin ang inyong sanggol sa isang mataas na upuan upang kumaing kasama ang pamilya;
- Habang pinakakain, kausapin siya at tumugon sa inyong sanggol upang maramdaman niyang relaks at masaya.
Kung mayroon ang inyong sanggol ng mga sumusunod na kondisyon sa edad na 10 buwan, dapat kayong kumonsulta sa inyong doktor o nurse:
- Kaya lang niyang kainin ang mga katas ng pagkain o uminom ng gatas, at hindi tinatanggap ang malambot na buo-buong pagkain gaya ng lugaw na may tinadtad na karne at mga gulay;
- Tinatanggihan niyang kainin ang lahat ng pagkain sa isa o higit pang pangunahing pangkat ng pagkain, hal. pagtangging kumain ng gulay, prutas o karne.
Kung may mga problema kayo sa pagpapakain sa inyong sanggol, mangyaring kumonsulta sa inyong doktor o nurse.
Upang malaman pa ang tungkol sa malusg na pagkain para sa mga batang 6 hanggang 24 na buwang gulang, mangyaring sumangguni sa mga libritong "Pagsisimula", "Handa nang Magsimula" at "Gabay sa Pagpaplano para sa 7-araw na Malusog na Pagkain".
Kaugnay na impormasyon
- Tumatangging uminom sa tasa ang aking sanggol
- Dapat ko bang piliin ang tasang may straw para sa aking sanggol?
- Kakaunti ang iniinom na gatas ng aking anak na lalaki kapag pinaiinom ko siya ng gatas sa kanyang tasa ng pagsasanay. Ano ang maaari kong gawin?