Pagiging Magulang Serye 16 - Pamamahala ng Pag-uugali ng inyong Anak na nasa Preschool II
Pamamahala ng Hindi Kanais-nais na Pag-uugali
Dapat harapin kaagad ang maliit na maling pag-uugali upang maiwasan itong lumala. Madalas, maaari itong gawin sa mga mahinahon ngunit epektibong paraan tulad ng hindi pagpansin sa maliit na masamang asal. Gagamitin nang paunti-unit ang ilang diskarte sa pamamahala ng pag-uugali (hal. magpalamig ng ulo) dahil nakareserba ang mga ito para sa mga seryosong problemang pag-uugali. Malamang na humantong sa pagtatalo ng magulang at anak ang madalas na paggamit ng mga ito at magdudulot ng tumitinding emosyon at sitwasyon. Laging magkaroon ng mga reserbang diskarte kung sakaling hindi makikinig ang inyong anak. Pag-usapan ang mga reserbang parusa kapag tinatalakay ninyo ang mga patakaran sa kanya. Sa paggawa nito, maaari kayong magplano nang mas maaga kung ano ang gagawin at ihanda siya para sa parusa ng kanyang pag-uugali.
Mas mahusay ang pag-iwas kaysa paggamot
- Gawing ligtas para sa bata ang inyong bahay para limitahan ang hindi kanais-nais na pag-uugali ng inyong anak. Nangangahulugan ito na paglalagay ng mga kasangkapang ligtas para sa bata tulad ng paglalagay ng gate upang mapanatili siyang malayo mula sa mapapanganib na lugar; o pagkandado ng mga gamit na ayaw ninyong maabot niya tulad ng mahahalagang bagay o kendi.
- Maghanda ng mga kawili-wiling aktibidad tulad ng mga building block, pagguhit at kunya-kunyaring laro upang sumali siya. Kapag abala siya, mas kaunti ang oras para mainip siya, umungot para sa inyong atensyon o masangkot sa gulo.
- Magtakda ng mga patakaran at rutina kasama ang inyong anak upang matuto siyang gawin kung ano ang laging inaasahan. Halimbawa, oras na para magsipilyo ng ngipin at maghanda para matulog pagkatapos ng kanyang paboritong palabas sa TV. Pag-usapan ang tungkol sa gantimpala at parusa kasama siya. Maaari ninyong paalalahanan siya sa karaniwang gawain ilang saglit bago ang oras.
Mga paraan upang pamahalaan ang masamang pag-uugali
1. Nakaplanong hindi pagpansin
- Kapag nagkaroon ng ilang maliit na problemang pag-uugali ang inyong anak na hindi nakakapinsala at maaaring naghahanap lang ng atensyon (hal. pagbuhat ng laruan habang tinitingnan ang inyong pagtugon), dapat ninyong ganap na bawiin ang inyong atensyon - kabilang ang pagtingin o pagsigaw sa kanya.
- Sa sandaling huminto siya sa masamang asal, bigyan siya ng agarang atensyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanya at pagbaling sa kanyang atensyon, hal. 'Mabait kang bata sa paglalaro nang tahimik. Bihisan mo ng magandang damit si Barbie. Saan siya pupunta?' Maghanap ng pagkakataon upang purihin ang kanyang angkop na pag-uugali sa lalong madaling panahon.
- Kapag ginamit ninyo ang diskarteng ito, maging handa na maaaring lumala ang problemang pag-uugali sa simula dahil gusto ng inyong anak ang inyong atensyon. Magpatuloy at patuloy na huwag pansinin. Matututunan niyang hindi gagana ang paggawa niyon at unti-unting mababawasan ang problemang pag-uugali.
2. Mga parusa
- Sa halip na gumamit ng mga negatibong disiplina tulad ng pagsigaw at pagpalo, maaaring gawin
ang iba't ibang parusa kapag hindi sinusunod ng inyong anak ang mga patakaran (nakalista
sa talahanayan sa ibaba ang mga halimbawa):
- Makatarungang parusa - Kapag hindi sinunod ng inyong anak ang mga patakaran, maaari ninyong alisin ang kanyang pribilehiyo kung na angkop sa sitwasyon. Karaniwang sangkot dito ang pag-aalis ng aktibidad o ang laruang dahilan ng problema.
- Tahimik na oras - Dalhin ang inyong anak sa gilid ng aktibidad. Hayaan siyang umupo nang ilang sandali habang pinanonood niya ang iba. Sa tahimik na oras, hindi siya dapat pansinin. Kung tumanggi siyang maupo, maaari ninyo siyang iupo nang marahan.
- Paghinto sa gawain - Naaangkop ang parusa sa mas seryoso o nakagagambalang pag-uugali. Katulad ng tahimik na oras ang diskarte maliban sa dadalhin sa isang kuwarto ang bata o sa isang lugar na malayo sa iba, Dapat ligtas ang lugar, maliwanag at kulang sa mga kawili-wiling bagay. Kapag ginamit ninyo ang paghinto sa gawain, huwag kailanman gamitin ito bilang matinding parusa upang bantaan ang bata at takutin siya.
- Ang bisa ng 3 parusang nabanggit ay hindi binibilang sa tagal ng oras. Karaniwang mahusay na gumagana ang makatarungang parusa sa loob ng 30 minuto. Para sa tahimik na oras at paghinto sa gawain, karaniwang matagal na ang 5 minuto para sa mga bata. Dapat magsimula ang tahimik na oras at paghinto sa gawain kapag humintong magprotesta ang inyong anak upang malaman niya na hindi makatutulong ang pagsigaw upang makaalis siya sa tahimik na oras o paghinto sa gawain. Pagkatapos ng itinakdang oras, hayaan siyang bumalik sa aktibidad at purihin siya hangga’t may naaangkop na pag-uugali. Huwag siyang pangaralan kaagad kapag natapos na ang nakatakdang parusa upang maiwasang mainis siya.
- Ang talahanayan sa ibaba ay nagpapakita ng mga hakbang sa pagharap hindi pagsunod sa mga patakaran:
Mga Hakbang | hal. Hindi Pagpapahiram | hal. hindi makontrol ang emosyon / pamamalo | hal. pagtanggi na sundin ang tagubilin upang simulan ang isa pang aktibidad |
---|---|---|---|
Lapitan ang anak, Sabihin nang malinaw sa bata kung ano ang ititigil gawin at kung ano gagawin sa halip. | 'Mandy, pakiiwanan ang laruan. Hayaang iba naman ang maglaro.' | 'Ted, itigil mo ang pamamalo sa kapatid mong babae. Magpakabait ka.' | 'Cheri, tapos na ang palabas. Pakipatay ang TV at magpunta para magsipilyo ng iyong ngipin.' |
Maglaan ng oras upang makatugon ang bata | Maghintay ng 5 segundo | Maghintay ng 5 segundo | Maghintay ng 5 segundo |
Purihin ang anak kapag sumusunod | 'Salamat sa pagsunod mo sa patakaran,' | 'Maganda ang ginawa mo para makontrol sarili mo.' | 'Salamat sa pagiging masunurin.' |
Kung tumanggi ang anak na sumunod, sabihin sa bata kung ano ang maling nagawa at ang parusa | Gawin ang makatarungang parusa, 'Hindi ka nagpahiram sa iba. Kailangan kong kuhanin ang laruan sa loob ng 3 minuto.' | 'Hindi ka tumitigil sa pamamalo sa kapatid mong babae. Ngayon ay tumahimik ka muna sa loob ng 2 minuto.' | Ulitin ang tagubilin sa ilalim ng sitwasyong ito.Repeat the instruction under this situation. Magbigay ng parusa kung ang bata ay tumanggi pa rin na gawin ang ipinagagawa. 'Hindi mo ginawa ang iniutos ko. Ngayon ay tumahimik ka muna sa loob ng isang minuto.' |
Kapag tapos na ang oras, ibalik ang aktibidad. | Tapos na ang oras. Narito ang laruan mo.' | 'Tapos na ang oras. Puwede ka nang maglarong muli, | 'Maaari ka nang huminto sa pananahimik at magpunta upang magsipilyo na ng iyong ngipin.' |
Panoorin ang bata sa pag-uugali nang maayos at purihin. | 'Maganda na alam mo kung paano magpahiram sa ibang tao.' | 'Masaya ako na kaya mong maglaro nang tahimik.’ | 'Mahusay ang ginagawa mo sa pagsisipilyo ng iyong ngipin.' |
Kung muling magkaproblema, gamitin ang reserba. | 'Hindi ka pa rin nagpapahiram. Sa pagkakataong ito kailangan kong kuhanin ang laruan sa loob ng 4 na minuto.' | 'Pinapalo mo pa rin ang iyong kapatid na babae. Ihinto mo muna ang ginagawa mo sa loob ng 3 minuto.' | 'Hindi mo pa rin ginagawa ang iniutos ko. Ihinto mo muna ang ginagawa mo sa loob ng 2 minuto.' |
Kung hindi pa rin nakikinig ang bata, muling gamitin ang reserba | 'Hindi ka pa rin sumusunod. Ngayon ay tumahimik ka muna sa loob ng 3 minuto.' | 'Hindi ka pa rin sumusunod. Ihinto mo muna ang ginagawa mo sa loob ng 4 na minuto.' | 'Hindi ka pa rin sumusunod. Ihinto mo muna ang ginagawa mo sa loob ng 3 na minuto.' |
Pagtugon sa mga sitwasyong 'mataas ang panganib'
Kung madalas na nangyayari ang problemang pag-uugali sa ilang sitwasyon, gaya ng biglaang pagtakbo ng inyong anak kapag nasa supermarket siya, ito ang mga sitwasyong ‘mataas ang panganib’. Kakailanganin ninyong maghanda nang maaga upang mabawasan ang tsansa na maulit ang pag-uugali. Pag-usapan ang mga patakaran para sa sitwasyon kasama ang inyong anak. Magtakda ng mga gantimpala sa pagsunod sa mga patakaran at parusa para sa masamang asal. Maghanda ng ilang laruan o kawili-wiling aktibidad na maaari ninyong gamitin upang malibang siya. Maaari ninyong hingin sa kanya na tumulong sa pagtulak ng kart, kausapin siya tungkol sa mga kulay ng produkto o bilangin ninyo ang dami ng pasilyo sa supermarket. Maaari din kayong magdala ng sticker o pantatak para sa agarang pagbibigay ng premyo sa angkop na pag-uugali. Purihin siya sa maayos na pag-uugali. Sa simula, panatilihing maikli ang oras ng nakaplanong gawain. Habaan ang pananatili nang unti-unti kapag nagpapakita siya ng progreso. Suriin ang kanyang pag-uugali na kasama siya pagkatapos ng sitwasyon. Upang palakasin ang loob ng bata, purihin siya sa mga bagay na ginawa niya nang maaayos bago talakayin sa kanya ang bagay na pahuhusayin sa susunod.
Tandaan na ang diskarte sa pamamahala sa positibong pag-uugali ay gumagana lamang nang mahusay kung may maganda kayong ugnayan ng inyong anak. Magbigay ng atensyon sa kanyang positibong pag-uugali, kausapin at makipaglaro sa kanya. Sa paggawa nito, mababawasan din ang pagkakaroon ng problema sa pag-uugali ng bata.
Mangyaring sumangguni sa polyetong Pamamahala ng Pag-uugali ng Inyong Anak na nasa Preschool I ng Pagiging magulang serye 15.
Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng 'Masayang Pagiging Magulang!' para sa mga magiging magulang at mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.