Pag-unawa sa mga Hudyat ng Sanggol
“Sinasabi sa akin ng aking sanggol ang kanyang mga pangangailangan sa pamamagitan ng pag-iyak bago siya matutong magsalita!” Maraming tao ang nag-aakala na pag-iyak lamang ang paraan ng pakikipag-ugnayan na ginagamit ng mga sanggol. Sa katunayan, ipinapahayag ng mga sanggol ang kanilang mga pangangailangan o kagustuhan sa pamamagitan ng iba’t ibang hudyat mula sa pagsilang, kabilang ang mga pagsenyas, pagkilos, ekspresyon ng mukha at tunog. Mas mapadadali ang pag-aalaga kung magiging sensitibo sa kanilang mga hudyat at pagtugon kaagad nang naaangkop. Tumutulong ito na magkaroon ng tiwala at ugnayan sa pagitan ninyo ng inyong sanggol. Higit pa rito, tumutulong din ito na mapadali ang pag-unlad ng utak ng inyong sanggol na napakahalaga para matuto.
Sinasabi sa inyo ng mga sanggol ang kanilang gusto gamit ang mga pangkaraniwang hudyat na ito:
- Nagugutom/Busog Ako
- Pagod / Inaantok Ako
- Handa na Akong Makipaglaro
- Nababalisa Ako
Nagugutom / Busog Ako!
Ipinahihiwatig ng mga sanggol ang kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng magkakasamang paggamit ng maraming hudyat. Hindi ninyo malalaman ang pangangailangan ng inyong sanggol sa iisang senyas kundi sa pamamagitan ng pag-oobserba sa lahat ng magkakasamang hudyat. Magbibigay ang inyong sanggol ng mga unang senyas para ipahiwatig ang kanyang mga pangangailangan. Kapag hindi agad natugunan ang kanyang mga pangangailangan, magpapakita siya ng marami pang naantalang palatandaan ng pagkabalisa. Isang halimbawa ng pagkagutom at pagkabusog ang ibinibigay sa ibaba.
Alam ng sanggol kung gutom o busog siya. Gayunman, madalas nating inaakala na gutom lamang siya tuwing umiiyak siya o maaaring nakaligtaan natin ang kanyang mga hudyat ng pagkabusog. Tingnan natin kung paano sinasabi sa inyo ng inyong sanggol ang “Nagugutom ako” at “Busog ako”!
“Nagugutom Ako”
Wala pang 6 na buwang gulang
- Nagigising at gumagalaw
- Hinihimod ang mga labi
- Ibinabaling ang kanyang ulo upang maghanap na nakanganga
- Sinisipsip ang kanyang kamay o kamao
6 na buwan o mas matanda
- Tumitingin sa pagkain nang may interes
- Iginagalaw ang ulo nang mas malapit sa pagkain at kutsara
- Humihilig papunta sa pagkain
“Busog Ako”
Wala pang 6 na buwang gulang
- Bumabagal o inihihinto ang pagsipsip
- Isinasara ang bibig
- Pinawawalan ang tsupon
- Inirerelaks ang katawan at natutulog
- Inililiyad ang likod at ibinabaling palayo ang ulo
- Itinutulak ang bote
6 na buwan o mas matanda
- Hindi gaanong interesado sa pagkain
- Kumakain na pabagal nang pabagal
- Inginunguso ang kanyang mga labi
- Iniluluwa ang pagkain
- Ipinipihit ang kanyang ulo palayo
- Inililiyad ang kanyang likod
- Itinutulak o itinatapon ang kutsara at pagkain
Mga payo
- Pansinin ang mga hudyat ng pagkagutom ng inyong sanggol para pakainin siya at itigil ang pagpapakain kapag nagpakita siya ng mga hudyat ng pagkabusog. Pinahihintulutan siya nito na matutong kontrolin ang dami ng kanyang kinakain ayon sa kanyang gana. Magiging mas madali na ang pagpapakain sa kanya.
- Magsimulang hanapin ang mga hudyat na ito tuwing 1-2 oras sa mga bagong silang o tuwing 3-4 na oras para sa mga mas matatandang sanggol. Pinapayagan nito ang mas magandang paraan na gagawin kung kailan pakakainin kaysa hintayin ang nakatakdang oras.
- Kung hindi agad mapansin ang maaagang hudyat na ito, maaaring magpakita ang sanggol ng ilang kasunod na hudyat ng pagkabalisa tulad ng paglikot ng katawan at pag-iyak. Kailangang pakalmahin ninyo siya bago siya bumalik sa pagkain.
Handa Akong Maglaro!
Habang tumatanda at nadaragdagan ang kakayahan ng inyong sanggol, magbabago ang hudyat niya sa pagiging handang maglaro. Halimbawa:
Bagong silang na sanggol
- Tumitingin sa inyong mukha sa harapan niya
- Tumitingin sa inyong mga mata
2 buwang gulang
- Nasisiyahan tuwing tumitingin sa mga bagay o mga mukha ng tao
- Inililingon sa inyo ang kanyang ulo
- Humuhuni at inuulit ang mga tunog tulad ng ooh-ooh-ooh, ah-ah-ah
Pagkatapos ng 4 na buwan
Bukod sa paglingon sa inyo at pagngawa, maaaring abutin niya kayo
Pagkatapos ng 6 na buwan
Gumagamit ng maraming mga senyas para ipahiwatig ang kanyang mga pangangailangan, hal., pagtingin at pagngiti sa inyo, pagngawa at pag-unat ng mga kamay niya para makuha ang inyong atensyon
Mga payo
- Pinakamainam na makipaglaro o makipag-ugnayan sa inyong sanggol kapag napansin ninyo ang mga nabanggit na hudyat. Maaari kayong humarap sa kanya, tingnan ang kanyang mga mata, gumamit ng mga eksaheradang ekspresyon ng mukha, hikayatin siyang tularan ang inyong ekspresyon at kausapin at kantahan siya.
- Habang nakikipaglaro sa inyong sanggol, tandaan na maghintay at obserbahan ang kanyang ekspresyon at pag-uugali bago kayo tumugon. Makatutulong ito sa inyo na sundan nang mabuti ang mga pangangailangan ng inyong anak.
Para malaman ang higit pa tungkol sa mga kasanayan sa pakikipag-ugnayan ng magulang at anak, mangyaring panoorin ang aming video na ‘Pakikipag-ugnayan sa inyong sanggol (1-4m)’.
Pagod / Inaantok Ako!
Kung ang sanggol ay nasa isang lugar na mayroong masyadong maraming nagpapasigla, napapagod o nababagot, maaari niyang ipakita ang mga sumusunod na hudyat:
Wala Pang 6 na Buwang gulang
- Sinisipsip ang mga daliri o kamao
- Nakatitig sa malayo / mukhang naiinip
- Gumagawa ng mga tunog o ngumangawa habang nakasimangot para magreklamo
- Hindi interesado sa mga laruan o sa inyo, mahirap kuhanin ang kanyang atensyon
- Humihikab
- Lumilikot, inililiyad ang likod
6 na Buwan o Mas Matanda
- Kinukuskos ang kanyang mga mata
- Lumilingon palayo
- Kumakapit nang mahigpit at nagpapapansin
Mga payo
- Bawasan ang pagpapasigla hangga’t maaari tulad ng pagdadahan-dahan sa inyong mga kilos at paghina ng inyong boses para pakalmahin siya, o hayaan siyang magpahinga.
- Ihiga siya sa kanyang kuna kung pagod o inaantok siya.
- Kung hindi siya interesado o naiinip, baguhin ang gawain. Obserbahan ang kanyang mga tugon bago siya hayaang magpahinga o isali siya sa isa pang aktibidad.
Nababalisa Ako
Kung hindi matugunan ang mga pangangailangan ng inyong sanggol o kung kailangan niya ng pang-aaliw ninyo, maaari ninyong mapansin ang mga hudyat na ito:
- Pagsimangot
- Pamumula ng mukha
- Paggawa ng mga tunog / pagngawa para magreklamo
- Paglikot
Mga Payo
- Kapag nababalisa ang inyong sanggol, umaasa siya na aaliwin ninyo siya at tutugunan ang kanyang mga pangangailangan. Maaari siyang maging maselan, maligalig at umiyak kung hindi matugunan ang kanyang mga pangangailangan.
- Sa paglipas ng panahon, makikilala ninyo ang inyong sanggol at masasabi kung ano ang kanyang mga kailangan. Matutukoy ninyo ang kanyang mga unang hudyat at matutugunan agad nang angkop bago siya mayamot at umiyak. Magiging mas masaya ang pag-aalaga sa inyong sanggol.
Upang malaman pa ang tungkol sa mga pag-iyak ng sanggol, maaari kayong sumangguni sa aming polyeto na ‘Pag-iyak ng sanggol’ para sa mga detalye.
Maaaring magpakita ang mga sanggol ng iba’t ibang hudyat. Humihikab, tumititig sa malayo at tahimik na natutulog ang ilang sanggol kapag pagod sila. Nagiging maselan ang ilan at kailangang pakalmahin bago sila unti-unting makatulog nang mag-isa. Maaaring may kaugnayan ang iba’t ibang pagpapahayag ng mga hudyat ng sanggol sa pagkakaiba-iba ng kanilang pag-uugali, paglaki, pagtugon ng mga magulang, atbp. Natatangi ang bawat bata at magbabago ang kanyang mga hudyat habang lumalaki siya. Nagbibigay ang inyong pagtugon sa mga hudyat ng sanggol ng ligtas na kapaligiran para manatili siyang kalmado at matutunang pakalmahin ang kanyang sarili.