Pagiging Magulang Serye 18 – Masayang Pag-aaral II

(Binago ang nilalaman 12/2019)

Sa Masayang Pag-aaral I, tinatalakay natin ang tungkol sa pangangailangan ng mga bata na maranasan ang mga pagsubok, matuto kung paano makayanan ang mga pagkabigo, subukang lutasin ang mga problema nang mag-isa at matuto mula sa mga pagkakamali. Gayunman, kung nagiging masyadong mahirap ang mga gawain para sa bata, maaari siyang makatagpo ng ilang problema na makaaapekto sa kanyang motibasyon sa pag-aaral at tiwala sa sarili. Ang mga magulang at tagapag-alaga ng bata ay dapat tukuyin ang antas ng pag-unlad ng bata at pumili ng mga aktibidad sa pag-aaral na angkop sa kanyang antas.*

Upang matulungang matapos ang gawain ng inyong anak ayon sa kanyang bilis at mabuo ang kahulagan ng tagumpay, iminumungkahi ang sistematikong pamamaraan na nasa ibaba:

  1. Maaaring hatiin ang bawat gawain sa mga serye ng maliliit na hakbang.
  2. Magtakda ng malinaw na layunin sa pagtuturo. Hatiin ang gawain sa ilang maliliit na hakbang. Dapat may pagkilos ang bawat hakbang at patungo sa susunod. Nakasalalay sa mga kakayahan ng bata kung ilan at kung gaano kaliliit ang mga hakbang.
  3. Gabayan ang bata sa bawat hakbang.
  4. Bigyan ang bata ng malilinaw at maiikling tagubilin. Ipakita kung paano gagawin kung kinakailangan.
  5. Obserbahan at bigyan ng oras ang bata na subukan muna nang mag-isa.
  6. Kung mabigo ang bata sa pagsasagawa ng hakbang, patnubayan siya sa pagsasabi ng kanyang mga gagawin at posisyon ng katawan upang matapos ang gawain. Kung kinakailangan, hatiin pa ang mga hakbang.
  7. Sa pagtapos ng bawat hakbang, ipakita ang inyong pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagpuri sa kanya o mga kilos gaya ng pagtaas ng hinlalaki o pagtapik sa kanya. Pagkatapos, pumunta sa susunod na hakbang.
  8. Para sa bawat hakbang, ulitin ang mga puntong 4 hanggang 7 hanggang matapos ang huling hakbang.
  9. Gantimpalaan ang bata ng maliit na premyo pagkatapos niyang makumpleto ang buong gawain sa unang yugto ng pagpapatupad ng plano. Maaaring gamitin ang tsart ng pag-uugali bilang tulong upang pataasin ang positibong pag-uugali sa pag-aaral ng bata (mangyaring sumangguni sa Pagiging Magulang Serye 15 – Pamamahala ng Pag-uugali ng Inyong Anak na nasa Preschool I”).
  10. Unti-unting magbigay ng kaunting patnubay at mga tagubilin kapag natutunan ng bata ang mga kasanayan.

Mga Halimbawa ng Paggamit

Sitwasyon 1: Pagtuturo sa bata na gumawa ng mga sandwich

  • Layunin: Gumawa ng 2 piraso ng ham sandwich at ibalot ang mga ito sa isang kahon.
  • Hatiin ang mga gawain sa maliliit na hakbang:
    1. Suriin kung ano ang mga kailangan niya sa paggawa ng mga sandwich – kutsilyo, palaman, mga hiniwang tinapay, hamon, hiniwang kamatis, kahon.
    2. Tulungan siyang ilabas isa-isa ang mga bagay.
    3. Kumuha ng palaman gamit ang kutsilyo.
    4. Ikalat ito nang marahan sa isang hiwa ng tinapay.
    5. Ilagay ang isang pirasong hamon sa ibabaw ng hiniwang tinapay.
    6. Ilagay ang dalawang hiniwang kamatis sa hamon.
    7. Kumuha ng isa pang hiniwang tinapay.
    8. Pahiran ng palaman ang hiniwang tinapay gamit ang kutsilyo.
    9. Ilagay ito sa ibabaw ng unang hiwa, magkaharap ang mga bahaging pinahiran ng palaman.
    10. Gumamit ng kutsilyo upang hiwain ang mga hiniwang tinapay sa gitna.
    11. Ilagay ang dalawang piraso ng sandwich sa kahon.
  • Hilingin sa bata na gawin ang unang hakbang at gabayan kapag kinakailangan.
  • Purihin siya kapag natapos niya ang hakbang.
  • Hilingin sa kanya kung ano ang pangalawang hakbang. Bigyan ng gabay kung kinakailangan. Ulitin ang mga puntos 4 hanggang 7 na binanggit sa itaas, at magpatuloy.

Sitwasyon 2: Ang inyong anak na lalaki ay karaniwang nanatili sa pagbabasa nang hindi lalampas sa 5 minuto. Kung nais ninyong magbasa na kasama siya at pag-usapan ninyo ang istorya, aalis siya sa kanyang upuan pagkatapos ng 5 minuto at kadalasang imposible ang bahaging talakayan.

  • Bago magtakda ng layunin, isaalang-alang kung sobrang mahirap ang aklat para sa antas ng pag-unlad ng bata. Tingnan din ang pisikal na kapaligiran. Dapat na maginhawa ito at may kakaunting sagabal. Kung maaari, paghusayin ang mga dahilang ito.
  • Isaalang-alang ang layunin ng pagtuturo. Habang ang bata ay higit na mas nakauunawa at sinasabi ang kuwento kaysa sa pagbabasa ng maraming mga salita sa edad na ito, ang pagtalakay sa kwento pagkatapos basahin ay magiging mas angkop na layunin. Makipagtulungan patungo sa isang layunin at pagkatapos ay isa pa upang maging madali para sa bata at sa gayon ay madaragdagan ang tsansang magtagumpay.
  • Obserbahan kung gaano kahusay basahin ng bata na kasabay ninyo ang isang pamilyar na aklat sa loob ng 5 minuto (hal. nasusundan ang kuwento at babasahin ang ilang pamilyar na salita kapag nagbabasa kayong kasama siya).
  • Layunin: Hilingin sa bata na manatili sa upuan sa loob ng 5 minuto upang magbasa at pag-usapan ninyo ang kuwento.
  • Mga hakbang na maaari ninyong gawin:
    1. Hilingin sa bata na piliin ang kanyang paboritong aklat.
    2. Umupo kasama ang inyong anak. Buksan ang aklat at magsimulang magbasa para sa kanya (matapos alamin ang kanyang antas ng pagbabasa ayon sa inilarawan sa itaas).
    3. Huminto sa ilang bahagi upang hayaan siyang sabihin ang mga pamilyar na salita. Purihin siya sa tuwing nagagawa niya ito.
    4. Kapag tapos na ang 5 minuto, hayaan siyang umalis sa upuan at magkaroon ng dalawang minutong pahinga.
    5. Pagkatapos ng isang minuto, paalalahanan siyang bumalik sa upuan sa loob ng isang minuto.
    6. Kapag tapos na ang oras, sabihin sa bata na bumalik sa kanyang upuan. Dalhin siya pabalik kung kinakailangan.
    7. Purihin ang bata sa pagsunod sa panuntunan.
    8. Tapusin ang pagbabasa ng aklat kasama siya at purihin siya. Pagkatapos, pag-usapan ang kuwento kasama siya. Kung naaalala niya ang ilang detalye o gumamit ng mga salita na nasa aklat, purihin siya dahil nagawa niya ito.
  • Maaaring nakakaubos ng oras ang pamamaraang ito. Gayunman, maaari kayong magtulungan patungo sa malinaw na layunin, sa gayon naiiwasan ang anumang hindi kailangang mga pagtatalo at pagkabigo. Tumutulong din ito sa bata na pahabain ang kanyang atensyon.
  • Kapag naging pamilyar ang bata sa pamamaraan, maaari kang gumawa ng paunti-unting pagbabago sa mga hakbang para sa mas magagandang resulta. Halimbawa, maaari kang gumamit ng mga hudyat ayon sa ponetika tulad ng pagsasabi ng ‘ted’ para sa ‘teddy’ upang makatulong sa kanyang alamin ang mga hindi pamilyar na salita; o hayaang ang bata na magpahinga pagkatapos ng anim na minuto ng pagbabasa sa halip na limang minuto. Kapag nasanay na ang bata sa mga pagbabago, ipakilala ang mga karagdagang pagbabago sa isang unti-unting batayan, at iba pa.

Dalawa lamang ito sa maraming halimbawa. Dapat gawin ng mga magulang at tagapag-alaga ng bata itong sistematikong paraan at ang mga diskarte sa Positibong Pagiging Magulang (sumangguni sa Pagiging Magulang serye 15 at 16) sa iba’t-ibang sitwasyon anuman ang angkop. Kung mas sinusubukan ninyo ang mga diskarte, mas nagiging sanay kayo.

Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng 'Masayang Pagiging Magulang!' para sa mga magiging magulang at mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.

* Ang Pag-unlad ng Bata serye 8A at 8B na inilathala ng Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health) ay naglalarawan ng mga katangian sa pag-unlad at nagbibigay ng mga mungkahi sa pagtataguyod ng pag-unlad ng mga batang 3 hanggang 6 na taong gulang. Naglabas ang Kawanihan ng Edukasyon (Education Bureau) ng “Gabay sa Kurikulum ng Pre-primary” bilang sanggunian para sa mga institusyon ng pre-primary at para sa mga magulang sa https://www.edb.gov.hk/attachment/en/edu-system/preprimary-kindergarten/overview/pre-primaryguide-net_en_928.pdf