Pagiging Magulang Serye 21 – Pagpapaunlad ng Kabutihan at Pagpapahalaga ng mga Bata 3 (4 - 6 na taon)
Ganap lang na nabubuo ang kakayahang mag-isip kung siya ang nasa kalagayan ng ibang tao sa halos edad na apat. Sa panahong ito, mas natututunan ng inyong anak ang mga pagpapahalaga na kung saan dapat niyang isaalang-alang ang mga pangangailangan ng iba at sundin ang mga patakaran at regulasyon. Habang tumatanda siya, maaaring magbigay ng mas maraming pagpapaliwanag. Maaari siyang gabayan upang asahan ang mga kahihinatnan ng kanyang mga pagkilos. Tandaan na natututo ang mga bata sa pamamagitan ng iba't ibang paraan sa magkakaibang yugto ng pag-unlad. Laging isaalang-alang ang intelektuwal na kakayahan kapag itinuturo sa mga bata ang pagpapahalaga.
Pagtutuunan ng polyetong ito ang ilan sa mga mabubuting katangian at pagpapahalaga na mas magagawa ng mas matatandang batang nasa preschool mula halos apat na taong gulang at mas matanda:
- Pagkontrol sa sarili – Upang pigilan ang sariling kapusukan
- Disiplina sa sarili – Upang laging kontrolin ang sarili na kumilos sa partikular na paraan nang hindi na kailangan pang sabihan ng iba kung ano ang dapat gawin
- Responsibilidad – Upang maging may pananagutan sa sariling mga pagkilos
- Responsibilidad sa lipunan – Upang maging maunawain sa kapakanan ng komunidad at sumusunod sa mga pampublikong regulasyon
Isipin:
Sumasang-ayon ba kayo na mahalaga ang mga nabanggit na kabutihan para sa inyong anak?
Kung sumasang-ayon kayo na mahalaga ang mga ito, ilalarawan ng mga sumusunod na talata ang mga paraan upang pagyamanin ang mga ito sa inyong anak, o maaari ninyong gamitin ang mga '6R1O' na diskarteng ipinaliliwanag sa Part I (Serye ng Pagiging Magulang 19) upang pagyamanin ang iba pang pagpapahalaga na inyong pinipili.
Pagbuo ng Pagkontrol sa Sarili sa Inyong Anak
Kadalasang nahihirapan ang mga nasa preschool na kontrolin ang kanilang kapusukan at madaling magalit. Matutulungan ninyong makasanayan ng inyong anak ang pagkontrol sa sarili sa pamamagitan ng paggamit ng mga sumusunod na diskarte:
Pagiging huwaran ng pagkontrol sa sarili
Sa araw-araw na buhay, hayaan ang inyong anak na malaman na nagpaplano kayong hindi muna gawin ang mga paglilibang hal. manonood lang kayo ng TV matapos kayong maglaba. Ipakita sa kanya kung paano ninyo ini-enjoy ang oras ng pagrerelaks at ang inyong kasiyahan kapag nagawa ninyo ang inyong target.
Ipakita sa inyong anak kung paano tumigil at magrelaks kapag nakararanas ng pagkabigo
Karaniwang nagpapakita ng mga babala ang maliliit na bata bago ang kanilang emosyon. Maaaring kasama sa mga palatandaan ang nakakuyom na mga kamao, pagsimangot, o pamumula ng mata na parang iiyak sila. Mas magiging epektibo kung matutuklasan ninyo ang mga palatandaang ito sa sandaling makita ang mga ito at gabayan siya para magrelaks bago siya mawalan ng kontrol sa kanyang mga emosyon.
- Gabayan ang inyong anak para sabihin sa kanyang sarili na 'Tumigil!' upang pigilan ang nararamdaman niyang kapusukan.
- Pagkatapos, tulungan siyang kumalma sa pamamagitan ng pag-iisip sa kanyang mga damdamin, 'Nakikita kong nayayamot ka kapag hindi mo nakukuha ang gusto mo. Puwede bang magrelaks ka muna at titingnan natin kung ano ang magagawa natin.'
- Turuan siya kung paano magrelaks sa pamamagitan ng paghinga nang malalim habang mabagal kayong bumibilang nang malakas.
Sabihin sa inyong anak na maghintay para sa gusto niya
Hayaan ang maliliit na bata na matuto kung paano maghintay para sa kung ano ang gusto nila sa pang-araw-araw na buhay, hal., sabihin sa bata na maghintay para sa gusto niyang juice dahil kailangan muna ninyong tapusin ang pagva-vacuum ng sahig.
- Sabihin sa kanya na gumawa ng ilang aktibidad na interesado siya habang naghihintay.
- Maging maingat sa tagal ng oras na sinabi ninyo sa bata na maghintay. Nag-iiba-iba ito sa edad at kakayahan ng bata na kontrolin ang sarili.
- Purihin siya sa nyang paghihintay.
Ituro ang pagkausap sa sarili
Kailangan ng maliliit na bata na kausapin ang kanilang sarili upang sabihin sa kanilang mga sarili kung ano ang hindi tama at kung ano ang dapat gagawin upang matulungan ang kanilang mga sarili na kumilos patungo sa susunod na hakbang.
- Turuan ang inyong anak na kausapin ang sarili upang ipaalala sa kanyang sarili kung ano ang gagawin sa mga partikular na sitwasyon, hal., 'Sinabi ni Mommy na kumain ng sorbetes pagkatapos ng hapunan', 'Huwag mananakit' o 'Makipagkamay at makipagkaibigan.'
Asahan ang mga parusa dahil sa kanilang mga pagkilos
- Sabihin sa kanya ang mga patakaran at limitasyon ipakita kung ano ang mga katanggap-tanggap at kung ano ang hindi.
- Gabayan ang inyong anak kapag kinakailangan sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanya na tumigil at sa pagpapaalaala sa kanya ng mga patakaran at limitasyon.
- Ipaliwanag kung ano ang nagawa niya na hindi katanggap-tanggap at ang mga dahilan ng mga parusang ibinigay ninyo sa kanya. Halimbawa, 'Hindi mo ginawa ang iyong gawaing-bahay sa loob ng napagkasunduang oras. Nahuli ka na sa pagtapos ng iyong gawaing-bahay. Kaya hindi ka makakapanood ng paborito mong palabas sa TV ngayong gabi.'
- Purihin siya sa kanyang pagsunod at mga tamang pag-uugali. Unti-unti niyang matututunan ang mga pamantayan sa lipunan sa iba't ibang pangyayari.
Paghikayat ng Disiplina sa Sarili
Ang pagbuo ng kontrol sa sarili ang nagtatakda ng basehan para sa disiplina sa sarili.
- Maging mabuting halimbawa sa pagkakaroon ng ilang regular na rutina para sa inyong sarili.
- Tulungan ang inyong anak na magtatag ng regular na arawang rutina gaya ng pagtatakda ng oras para sa pag-aaral, paglalaro, pagkain at pagtulog upang makasanayan niya ang mabubuting gawi.
- Gabayan siya sa bawat hakbang ng mga rutina, hal. itigil ang paglalaro at hugasan ang mga kamay bago maghapunan, tapusin ang hapunan bago umalis sa mesa para manood ng TV.
- Tandaan na purihin siya para sa pagsunod sa mga rutina. Makatutulong ang paggamit ng tsart ng star. Unti-unti niyang matututunan na tumigil o ipagpaliban ang iba pang aktibidad at sundin ang mga rutina.
Pagtuturo sa Inyong Anak tungkol sa Responsibilidad
Bigyan ang inyong anak ng mga pagkakataon na tumanggap ng mga responsibilidad. Tutulong iyon sa kanya na matuto tungkol sa pagsali, kooperasyon at pangako.
- Kausapin siya tungkol sa kung ano ang mga tungkulin ng bawat isa sa pamilya upang makatulong at kasama ang pamilya sa lahat ng ito. Talakayin sa kanya kung ano-ano ang mga gawaing nagagawa niya at italaga sa kanya ang mga pang-araw-araw na gawain gaya ng paglilinis ng mesa pagkatapos kumain, pagdidilig ng mga halaman o pagpapakain sa alagang hayop.
- Isa ring uri ng responsibilidad ang pagsasagawa ng mga kasanayan sa pamumuhay nang mag-isa. Hayaan siyang asikasuhin ang mga sarili niyang gamit gaya ng pagtatabi ng kanyang mga gamit pagkatapos ng klase o pagsasabit ng uniporme pagkauwi mula sa paaralan. Maaari ninyong mapansin na kailangan ng inyong anak ng mga paalaala kasama ng pagpapalakas ng loob upang mabuo nang unti-unti ang bagong kasanayan o responsableng pag-uugali. Sa sandaling nagpasya kayong linangin ang responsibilidad sa inyong anak, huwag magkamaling tulungan siya nang napakaaga gaya ng pagdadala ng mga gamit sa paaralan kapag nakalimutan niyang ilagay ang mga ito sa kanyang bag. Kung gayon, matututunan lang niyang umasa sa inyo. Matututo siyang maging responsable nang mas epektibo sa pamamagitan ng pagdanas ng mga kahihinatnan dahil sa kanyang mga sariling pagkilos.
- Ipakita sa kanya kung ano ang pangako sa pamamagitan ng pagpapakita kung paano gawin ang pinakamabuti (hal. pag-aaral kung paano magluto ng cake), at pagtapos kung ano ang nasimulan (hal. pagtapos ng paggagantsilyo ng jumper). Tandaan na magtakda ng mga makatotohanang inaasahan sa kung ano ang magagawa niya. Bigyan siya ng paggabay kung kinakailangan at, ang pinakamahalaga sa lahat, pagpapalakas ng loob at pagpuri.
- Ipakita sa kanya kung paano maging responsable sa kanyang sariling pag-uugali sa pamamagitan ng paghikayat sa kanya na aminin ang kanyang mga pagkakamali at gumawa ng bagay upang mapunan ang kanyang mga pagkakamali. Halimbawa, maaari siyang humingi ng paumanhin at muli itong gawin sa tamang paraan.
Linangin ang Responsibilidad sa Lipunan
Gabayan siya sa pagtanggap ng responsibilidad sa lipunan kaugnay ng pagsunod sa mga pampublikong regulasyon at pagmamalasakit para sa komunidad.
- Turuan siyang sundin ang mga pampublikong regulasyon gaya ng pagbabayad ng tamang halaga ng pamasahe para sa kanyang edad, hindi pagkain o pag-inom sa pampublikong sasakyan.
- Ituro sa kanya ang asal sa lipunan kabilang ang hindi pananamantala sa iba (hal. hindi paglaktaw sa mga pila); hindi pagkuha ng mas marami kaysa sa kailangan (hal. paggamit lang ng sapat na tisyu sa pagtuyo ng mga kamay); at hindi panghihimasok sa pagkapribado at mga karapatan ng ibang tao (hal. pagpapatunog nang napakalakas na musika).
- Ipakita sa kanya kung paano mahalin ang kapaligiran. Bukod sa paglalagay ng basura sa basurahan at hindi pagkuha ng anumang bagay mula sa mga parke ng bansa, dapat alagaan ng tao ang mga limitadong yaman sa mundo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga prinsipyong 4R:reduce o bawasan (hal. isiping mabuti bago bumili ng anumang bagay na bago), reuse o muling gamitin (hal. sulatan ang magkabilang panig ng papel), recycle o magresiklo (hal. dalhin ang mga lumang damit at basurang papel sa mga recycling bank) at replace o palitan (hal. dalhin ang sariling bag sa pamimili sa halip na paggamit ng mga plastik na sisidlan).
Isipin:
Ano-anong pagpapahalaga ang gusto ninyong linangin sa inyong anak?
Nagugutom kayo ng inyong anak kaya pumunta kayo sa isang tindahan ng fast food. Sumugod ang inyong anak sa harap ng pila at nagsimulang umorder, sumisigaw sa inyo para magbayad. Ano ang gagawin ninyo? Matapos ninyong kuhanin ang tray ng pagkain upang humanap ng upuan, kumuha ang inyong anak ng napakaraming napkin, ilang sachet ng sarsa at asukal. Ano ang magiging reaksyon ninyo?
Kayo ang unang guro ng inyong anak. Ipakikita ng bata ang mga pagpapahalaga at kabutihan na sumasalamin sa inyong mga paniniwala at pagpapahalaga. Kung kaya ninyong mamuhay ayon mismo sa sarili ninyong mga pagpapahalaga, mas madali kayong matutularan ng inyong anak. Tiyak na makikinabang siya mula sa inyong pagkalinga at epektibong pagiging magulang at maipapasa ang mga kabutihang pinangalagaan ninyo sa bawat henerasyon.
*Ipinaliliwanag ng Polyeto 15 at 16 sa seryeng ito ng Pagiging Magulang ang mga positibong diskarte sa pagiging magulang nang mas detalyado.
Mayroon kaming serye ng mga workshop at polyeto ng 'Masayang Pagiging Magulang!' para sa mga magiging magulang at mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.