Pag-screen ng Paningin sa Pre-school

(Binago ang nilalaman 06/2019)

Apat na taong gulang na ngayon ang inyong anak. Mangyaring makipag-ugnayan sa inyong MCHC para sa Pag-screen ng Paningin sa Pre-school.

Nagbibigay ang Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya ng Kagawaran ng Kalusugan ng pag-screen ng paningin para sa mga batang preschool sa edad na 4 hanggang 5 taon ng rehistradong optometrist/orthoptist.

Bakit kailangang tumanggap ng pag-screen ng paningin ang aking anak?

Patuloy na umuunlad ang sistema ng paningin pagkatapos ng pagsilang at gumugulang sa halos 8 taong gulang. Mapanganib ang abnormal na paningin o mga kaugnay na abnormalidad* sa proseso ng pagtanda. Kung hindi naitama, maaaring mabawasan ang paningin ng bata sa hinaharap.

Gayunman, mahirap matukoy ang mga apektadong bata sa pag-oobserba lang sa pang-araw-araw na buhay. Ang pag-screen sa paningin ang pinakamabisang paraan upang matuklasan ang mga abnormalidad na ito. Sa pag-screen ng paningin, maaaring makatanggap ang mga bata ng mas maagang paggamot upang maprotektahan ang pag-unlad ng paningin.

*Kabilang sa mga karaniwang sanhi ng abnormal na paningin ang:

  1. Amblyopia
  2. Pagkaduling
  3. Mga makabuluhang error sa repraksyon, gaya ng malayong pananaw, maikling pananaw at astigmatism

Nagsusuot ngayon ng salamin ang aking anak, kailangan ba niya ng pag-screen ng paningin?

Hindi, dapat siyang magkaroon ng regular na pagsusuri para sa paningin at mga error sa repraksyon ng kanyang optometrist o doktor ng mata.

Bakit ginagawa ang pag-screen ng paningin sa 4 na taong gulang?

  • Mas nakikipagtulungan ang mga batang nasa 4 hanggang 5 taon kaysa sa mas maliliit na bata. Mas maaasahan ang resulta ng eksaminasyon.
  • Maaaring humantong sa mas mahusay na resulta ang maagang pagtuklas at paggamot ng amblyopia.

Ano-anong pagsusuri ang kasama sa pag-screen ng paningin?

Nagsasagawa ang optometrist / orthoptist ng mga pagsusuri sa pag-screen ng paningin:

Kasama sa mga pagsusuri

  • Katalasan ng paningin
  • Paggana ng dalawang mata (para sa pagtuklas ng pagkaduling)

Para sa mga batang may nabawasang paningin:

  • Pagtantiya ng mga error sa repraksyon
  • Eksaminasyon ng likod ng mga mata

HINDI kasama sa mga pagsusuri

  • Paningin sa kulay
  • Pagsusuri para sa sakit ng mata gaya ng glaucoma o sakit ng retina
  • Detalyadong pagsusuri ng mga error ng repraksyon

Paano makatutulong ang mga magulang sa pag-screen ng paningin?

Makatutulong ang mga magulang sa mga sumusunod na paraan upang gawing mas madali ang pag-screen ng paningin para sa kanilang mga anak:

  • Magsaayos ng appointment sa mga oras na hindi inaantok ang inyong anak
  • Ipaliwanag sa inyong anak kung ano ang katulad ng pag-screen sa pamamagitan ng paggamit ng mga larawan sa polyetong ito
  • Magkaroon ng pamilyar na adultong sasama sa bata

Ano ang ibig sabihin kung pumasa ang aking anak sa pag-screen ng paningin?

Nangangahulugan ito na medyo mababa ang tsansa ng pagkakaroon ng amblyopia at makabuluhang mga error sa repraksyon Gayunman, maaaring magkaroon ang ilang bata ng mga problema sa paningin sa ibang edad. Kaya, kailangan pa rin ng inyong anak na muling maiksamen sa baitang isa sa primarya ng Serbisyo sa Kalusugan ng Mag-aaral ng Kagawaran ng Kalusugan.

Ano ang ibig sabihin kung bumagsak ang aking anak sa pag-screen ng paningin?

Nangangahulugan ito na kailangan ng inyong anak ng karagdagang pagsusuri. Nasa ibaba ang karaniwang kaayusan:

  • Kapag malamang ang banayad na mga error ng repraksyon → Payuhan na magkaroon ng detalyadong pagsusuri ng mga optometrist ng komunidad
  • Kapag pinaghihinalaan ang amblyopia, o matinding mga error sa repraksyon → Sumangguni sa Mga Klinika ng Optalmolohiya (Mga Klinika ng Mata)

Hindi ba isinasama ng normal na talas ng paningin ang mga error sa repraksyon?

Hindi. Maaari pa ring magkaroon ng mga error sa repraksyon ang mga bata bagama't nakapasa sila sa pagsusuring katalasan ng paningin. Gaya ng anumang iba pang pagsusuri na pag-screen, hindi kayang matuklasan LAHAT ng problema sa paningin ng pag-screen ng paningin. Kung mayroon kayong anumang ikinababahala, kakailanganin ng inyong anak ng detalyadong pagsusuri na isasagawa ng mga optometrist ng komunidad

Dalhin ang inyong anak upang kumonsulta sa inyong doktor o optometrist kung

  • naghihinala kayo na mayroon siyang problema sa paningin.
  • nagkakaroon ang inyong anak ng abnormal na gawi sa paningin gaya ng pagkurap nang higit sa karaniwan, ikinikiling ang kanyang ulo, naduduling, pagtakip ng isang mata kapag nagbabasa o nanonood ng telebisyon, o paghawak sa mga bagay nang malapit upang makita ng kanyang mga mata.

Paano gumawa ng appointment para sa Pag-screen ng Paningin sa Pre-school?

Kung nagpatala ang inyong anak sa MCHC at umabot na siya sa 4 na taong gulang, maaari kayong makipag-ugnayan sa MCHC, o i-access ang Online Child Health Service Booking System sa aming website at sundin ang mga tagubilin sa “Automated Booking System for Child Health Service-Points to Note” upang magpareserba, baguhin, kanselahin o tingnan ang isang appointment.

Kung hindi pa nagpatala ang inyong anak sa alinmang MCHC, gumawa ng appointment para muna sa pagpapatala. Para sa mga detalye ng mga pamamaraan ng pagpapatala at mga lokasyon ng mga MCHC. maaari ninyong bisitahin ang website ng Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya (Family Health Service) www.fhs.gov.hk, o tumawag sa 24-na oras na hotline ng impormasyon 2112 9900.

MGA DAPAT GAWIN

  • Magkaroon ng balanseng diyeta at panlabas na pisikal na aktibidad araw-araw
  • Magbasa o magtrabaho sa ilalim ng kapaligiran na sapat na naiilawan
  • Panatilihin ang distansya ng pagbabasa na hindi bababa sa 30cm para sa mga aklat
  • Limitahan ang oras ng panonood sa hindi hihigit sa 1 oras kada araw para sa mga 2-5 taong gulang. Dapat nasa ilalim ng patnubay ng mga magulang ang oras ng panonood.
  • Panatilihin ang distansya ng panonood na hindi bababa sa 50 cm para sa mga screen ng computer, 40 cm para sa mga tablet na personal computer at 30 cm para sa mga smartphone. Panatilihin ang malayong distansya ng panonood ng TV, mas malayo mas mabuti.
  • Pagkatapos ng bawat 20-30 minuto ng pagbabasa at paggamit ng screen, magpahinga ng 20-30 segundo. Tumingin sa malayo upang irelaks ang mga kalamnan ng mata.
  • Magsuot ng mga goggle na pamproteksyon kapag naglalaro ng sports na sangkot ang mabibilis na bagay, gaya ng squash.
  • Kumonsulta sa doktor o optometrist kung sakaling may problema sa mata

MGA HINDI DAPAT GAWIN

  • Tumingin nang direkta sa mga nakakasilaw o magbasa sa ilalim ng malakas na liwanag
  • Manatili sa ilalim ng matinding sikat ng araw nang matagal nang hindi nagsusuot ng sunglasses
  • Magbasa sa tumatakbong sasakyan o sa kama
  • Manood ng TV sa madilim na kapaligiran
  • Kuskusin ang inyong mga mata gamit ang mga kamay. Kung pumasok sa mga mata ang alikabok, ipikit ang mga mata upang hayaang maaalis ng luha ang alikabok
  • Maglagay ng matutulis na bagay at sabon o nakakalawang sa maaabot ng mga bata o nang walang pamamahala
  • Maglagay ng eye drops nang hindi kumukonsulta sa mga propesyonal ng medisina at kalusugan