Pangangalaga o Panggigipit
Pangangalaga o Panggigipit
Sa ngayon, sabik ang mga magulang na matiyak na handang-handa ang kanilang mga anak para sa kanilang tagumpay sa pag-aaral. Gayunman, totoo rin na ang sobrang panggigipit sa ating mga anak ay makasasama sa ikabubuti ng kanilang pag-unlad.
Pag-unlad ng Utak: ang mga Pangunahing Kaalaman
Mahalagang malaman kung paano umuunlad ang utak ng bata upang mapadali ang kanyang pagkatuto.
- Napakahalaga ang pag-unlad ng utak na malusog at sa lahat ng aspekto dahil pinagagana ng utak ang mga pagganap ng katawan, saloobin at pag-uugali.
- Magkakaugnay ang mga kadahilanang likas at nasa kapaligiran at parehong mahalaga ang mga ito para sa malusog na pag-unlad ng utak. Habang ang mga likas na kadahilanan, tulad ng mga namamana at kapaligiran para sa pag-unlad ng sanggol sa sinapupunan ay hindi mababago pagkatapos isilang ang bata, maaaring mabago ang mga kadahilanan sa kapaligiran. Kabilang sa mga kadahilanan sa kapaligiran na pangunahin sa pag-unlad ng utak ang pagbibigay sa mga bata ng angkop na nutrisyon, positibong relasyon ng magulang-anak at matatag at ligtas na kapaligiran sa tahanan.
- Nagiging mas kumplikado ang istruktura ng mga neural circuit ng utak at mahusay ang paggana sa paglaki ng bata. Patuloy na umuunlad ang utak hanggang sa maagang paggiging adulto. Nangyayari ang pinakamabilis na pag-unlad ng utak sa pagitan ng pagsilang at sa edad na tatlo ngunit mahusay pa rin pagkatuto ng mga bata pagkatapos ng edad na tatlo.
Ngayong alam na ninyo na umuunlad ang utak ng bata mula sa simple hanggang sa mas kumplikadong istruktura, dapat sumusulong din ang pagkatuto ng mga bata tulad ng mga building block. Dapat kayong magbigay ng pampasigla ayon sa antas ng pag-unlad ng inyong anak. Gawing halimbawa ang pag-aaral ng wika, dapat magtatag ng matibay na pundasyon upang mapadali ang pag-aaral ng bata sa hinaharap. Dapat alam ng inyong anak ang mga salita bago niya ito magawang pangungusap.
Hindi makatutulong ang panggigipit upang mapalakas ang kapangyarihan ng utak na lampas sa antas ng kanyang pag-unlad. Natatangi ang bawat bata. Kailangan nating iangkop ang pag-aaral ng mga bata ayon sa kanilang mga kalakasan at kakayahan upang tulungan silang mapaunlad ang kanilang ganap na kakayahan.
Paano ang Tungkol sa mga Klase para sa Talino at mga Klase sa Pagsasanay?
Medyo sikat sa Hong Kong ang mga klase para sa talino at mga klase sa pagsasanay. Gayunman, karamihan sa mga sinasabing pagiging epektibo ay dahil lamang sa mga pansamantalang epekto ng pagsasanay na may mahinang siyentipikong suporta at hindi dapat bigyang-kahulugan bilang pagpapahusay sa pag-unlad ng utak ng mga bata. Upang maging pangmatagalan ang bagong natutunang kakayahan, dapat na madalas itong isagawa sa pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, hindi magiging makabuluhan ang pag-aaral ng banyagang wika nang hindi ito ginagamit nang araw-araw.
Maaaring mapabayaan ang mga pangunahing pangangailangan ng isang bata sa labis na pagsasanay at labis na iskedyul ng pag-aaral ng bata, na nagreresulta sa serye ng mga negatibong epekto:
- Kaunting pagkakataon ng pakikipag-ugnayan ng magulang-anak – Bukod pa rito, maaari ding mangyari ang salungatan ng magulang-anak kung hindi gustong kuhanin ng bata ang mga klase. Mahalaga ang positibong relasyon ng magulang-anak para sa pag-unlad ng bata kabilang ang pag-unlad ng pagkontrol ng emosyonal at kasanayan sa pakikisalamuha sa lipunan.
- Pagkawala ng kasayahan at kasiyahan sa pag-aaral – maaaring mawala ang motibasyon sa pag-aaral ng mga bata sa katagalan na maaaring makaapekto sa kanilang pag-aaral at pag-unlad.
- Kaunting oras para sa pagpapahinga at paglalaro – Maaaring dumami ang stress sa hindi sapat na oras upang makapagrelaks.
- Hindi balanseng pag-unlad – Maaring magkulang ang mga pagkakataon ng mga bata na mapaunlad ang iba pang mahahalagang kakayahan tulad ng pagtuklas, pagsasarili, paglutas ng problema, mga kasanayan sa pakikisalamuha sa lipunan at pagkontrol ng damdamin.
Kailangan ba ang Pagsusuri ng IQ?
Isinaalang-alang ng maraming magulang ang pagsusuri ng katalinuhan ng kanilang mga anak. Maaaring isipin ng ilan na maaaring magbigay sa kanila ng impormasyon sa mga kakakayahan ng kanilang mga anak ang IQ (intelligence quotient) at matulungan silang magplano nang mas mahusay para sa edukasyon ng kanilang mga anak. Maaaring maging sabik ang iba na kumpirmahin ang angking talino ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagsusuri upang hindi masayang ang anumang oras upang matulungang umunlad ang mga talento ng kanilang mga anak. Bago kayo magpasiyang bigyan ang inyong anak ng pagsusuri ng IQ, isaalang-alang ang sumusunod:
- Sinusukat alinsunod sa pamantayang paraan ng pagsusuri ng IQ ang mga kakayahang kognitibo ng isang indibidwal tulad ng pag-unawa, paglutas ng problema, memorya, at bilis ng pagpoproseso. Gayunman, hindi nila isinasaalang-alang ang maraming iba pang kakayahan tulad ng pagkamalikhain, pamumuno at pagkontrol ng damdamin.
- Upang suriin kung pinagkalooban ng katalinuhan ang bata, kakailanganin niyang magkaroon ng IQ sa hanay na Napakahusay pati na rin mga pambihirang tagumpay o katangian sa iba pang aspekto.
- Dahil sa mabilis na pagbabago ng pag-unlad ng utak at pangkalahatang pabagu-bagong pagganap sa mga batang nasa preschool, maaaring hindi tumpak na ipakita ng resulta ng pagsusuri ng IQ sa mga bata ang kanilang potensyal nsa katalinuhan. Sa katunayan, hindi inirerekomenda ang mga pagsusuri ng IQ para sa mga batang nasa preschool maliban kung mayroon silang kahirapan sa pag-aaral o sa pag-a-adjust sa lipunan.
- Hindi nagbibigay ang Kawanihan ng Edukasyon at Kagawaran ng Kalusugan sa Hong Kong ng rutinang pagsusuri ng IQ upang suriin lamang ang ipinagkaloob na katalinuhan sa mga bata.
- Dapat lamang isagawa ang mga pagsusuri ng IQ ng mga kuwalipikadong psychologist, tulad ng mga psychologist sa edukasyon o klinika na nakatanggap ng kaugnay na pagsasanay.
May mga limitasyon ang pagsusuri ng IQ, maaaring hindi makita ng mga magulang na masyadong nagbibigay-diin sa IQ ang kakayahan ng kanilang mga anak sa iba pang larangan ng pag-unlad. Maaari din itong magdulot ng hindi kinakailangang stress sa parehong mga magulang at anak.
Kayo ang Pinakamahusay na Facilitator para sa Inyong Anak
- Ayon sa teorya ng maramihang katalinuhan na ipinanukala ni Professor Howard Gardner ng Harvard University, maaaring magkaroon ng iba’t-ibang kakayahan ang mga bata bukod sa nakasaad na pagganap sa paaralan at mga resulta ng pagsusuri ng IQ. Kabilang dito ang mga kakayahang pangmusika, interpersonal, may kaugnayan sa katawan, likas na kakayahan at intrapersonal atbp.
- Mas kilala ninyo ang inyong anak bilang magulang. Maglaan ng ilang oras upang obserbahan at tuklasian ang mga kakayahan at katangian ng inyong anak. Maaari kayong magsaayos ng mga aktibidad na naaayon para sa kanya upang malaman ang mga ganap na kakayahan ng inyong anak sa pamamagitan ng kasayahan at mga paghamon.
- Nagbibigay sa inyong anak ang pang-araw-araw lamang na paglalaro at mga aktibidad ng iba’t-ibang pagkakataon sa pag-aaral at pag-unlad. Halimbawa, habang nagtatanim ng halaman kasama ang inyong anak, maaari ninyo siyang hikayating ilagay ang lupa (pangkatawan), bilangin ang mga dahon (lohikal-pangmatematika), ilarawan ang buong proseso (pasalita) at gumuhit ng halaman (espasyo at sining), pati na rin obserbahan ang paglaki ng halaman sa paglipas ng panahon (likas). Ang mabungang ugnayan ng magulang-anak ay higit pa sa kung ano ang maaaring makamit sa pamamagitan ng mga klase ng pagsasanay. Maaari ninyong mailigtas ang inyong anak mula sa maaagang klase ng pagsasanay.
Kung mayroon kayong anumang alalahanin kaugnay ng pag-unlad ng inyong anak, talakayin ito sa mga nurse at doktor sa alinmang MCHC o kaugnay na mga propesyonal.
Higit pang Pagbabasa:
Mga Polyeto sa Pag-unlad ng Bata, Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya, Kagawaran ng Kalusugan
http://s.fhs.gov.hk/rn7ut
FAQ, Serbisyo sa Pagsusuri ng Bata, Kagawaran ng Kalusugan
https://www.dhcas.gov.hk/en/faq.html
Edukasyon para sa Pinagkalooban ng Talino – Mga Tanong at Sagot, Kawanihan ng Edukasyon
https://www.edb.gov.hk/en/curriculum-development/curriculum-area/gifted/index.html
Mga Payo sa Pagiging Magulang: Pagkilala sa Inyong Anak na Matalino at Edukasyon para sa Pinagkaloobang ng Talino sa Hong Kong, Kawanihan ng Edukasyon
https://www.edb.gov.hk/en/curriculum-development/curriculum-area/gifted/resources_and_support/others/parent.html
FAQ, The Hong Kong Academy for Gifted Education
http://ge.hkage.org.hk/en/parents/faq
Sentro sa Umuunlad na Bata, Harvard University
http://developingchild.harvard.edu/index.php/activities/council/