Pagiging Magulang Serye 17 – Masayang Pag-aaral I
Lagi bang hindi gustong magsanay sa pagtugtog ng piano ang inyong anak? Kailangan ba niya ang madalas na panghihikayat upang mabilis na matapos ang isang trabaho, o hindi ba niya gustong magbasa ng aklat?
Inilarawan ng mga nabanggit na pag-uugali ang isang batang hindi pa handang matuto. Isinilang ang mga batang may pananabik at interes na tumuklas. Sa ngayon, hinihingi ng maraming paaaralan at pamilya sa mga bata na matuto nang marami at magkaroon ng mas mataas na pagganap. Maaaring mabilis na mawalan ng motibasyon na matuto ang mga batang pinipilit. Kung gayon, maaaring gamitin ng mga adulto ang lahat ng uri ng paraan kabilang ang pananakot at panunuhol upang subukang hikayatin sila. Bilang resulta, may posibilidad na matuto ang mga bata dahil sa mga gantimpala, para sa pakikipagkumpitensya o pagpapasaya sa iba. Dapat panatilihin ng mga magulang at mga tagapag-alaga ng bata ang pagkamausisa ng mga bata at palakasin ang kanilang motibasyon na matuto. Sa paggawa nito, magiging aktibo mag-aaral ang mga bata at magpapakita ng interes upang kilalanin ang mundo.
Pagtulong sa mga Bata na maging Aktibong Mag-aaral
Hindi madaling sumuko ang mga batang may motibasyong matuto. Susubok sila ng iba't ibang paraan upang malutas ang problema. Sa kadahilanang hindi nila nakikita ang mga marka sa pagsusulit bilang tanging layunin, karaniwang makakamit nila ang mas mahuhusay na resulta sa pag-aaral. Upang tulungan ang mga bata na maging aktibong mag-aaral, kailangan nilang maramdaman na nakalulugod at nagdudulot ng kasiyahan ang pag-aaral. Maaari ninyo silang tulungang makamit ito sa pamamagitan ng pagpapahusay ng kanilang pagpapahalaga sa sarili, kahulugan ng tagumpay, pagtitiyaga at pagkamalikhain.
1. Pagpapanatili ng magandang ugnayan ng magulang-anak
- Kailangan ng mga bata ang atensyon at suporta ng magulang. Mahalaga ang pagkakaroon ng magandang ugnayan sa inyong anak. Makipag-ugnayan nang madalas sa inyong anak at kausapin siya. Nakasalalay ang kahalagahan ng kalidad ng oras sa pagkakasangkot ng mga magulang sa bata at hindi sa dami ng inilaang oras. Mauunawaan ninyo siya nang mas mabuti, mapadadali ang pag-unlad ng kanyang wika, at maituturo sa kanya ang matatag na emosyon at kooperasyon para sa pag-aaral.
2. Pagtatakda ng mga pang-araw-araw na karaniwang gawain
- Tulungan ang inyong anak na magtatag ng magagandang pag-uugali at gawi sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga regular na pang-araw-araw na karaniwang gawain simula sa kanyang pagkabata, hal. regular na oras ng pagtulog, oras sa pag-aaral, paglalaro at pagbabasa. Makatutulong ito sa inyong anak na mapaunlad ang pagsasarili at disiplina sa sarili sa pang-araw-araw na pamumuhay.
- Panimulang punto ang araw-araw na pagbabasa kasama ang inyong anak upang linangin ang kanyang mga interes at gawi sa pagbabasa. Pumili ng mga kawili-wiling aklat upang basahin na kasama siya at talakayin ang mga nilalaman nang magkasama. Tandaan na para sa kasiyahan ang pagbabasa sa yugtong ito. Kaya huwag ibaling ang pagbabasa sa gawaing pagtukoy ng salita.
3. Pagkakaroon ng makatotohanang inaasahan
- Pagpapahalaga sa indibidwal na pagkakaiba at mga paraan ng pag-aaral
- Natatangiang bawat bata at isinilang na may mga indibidwal na pagkakaiba. Unawain ang kanyang mga katangian mula sa pag-oobserba sa kanyang paglalaro, pakikipag-ugnayan sa mga kaedad o iba pang mga pang-araw-araw na pag-ugali. Magkaroon ng mga makatotohanang inaasahan sa kung paano niya matututunan at tanggapin ang mga pagkakaiba. Matutunang pahalagahan ang kanyang mga kakayahan sa iba’t-ibang aspekto.
- I-adjust ang bilis ng pag-aaral, bigyan sila ng maraming paggabay at tuklasin ang kanilang mga potensyal para sa mga batang mas mahina ang kakayahan. Para sa mga batang may higit na kakayahan, maaari kang magtakda ng medyo mas mataas na layunin para malaman nila ang kanilang buong potensyal habang pinananatili ang kanilang mga interes sa pag-aaral.
- Pahalagahan na may iba’t-ibang paraan ng pag-aaral ang mga bata. Halimbawa, gusto ng ilan na mag-isip at magpahayag ng kanilang sarili, habang mas gusto ng iba na matuto sa pamamagitan ng panonood at paghawak. Upang padaliin ang pagkatuto ng mga naunang nabanggit, maaari ninyong pasiglahin ang kanilang pag-iisip sa pamamagitan ng pagsasagawa ng talakayan kasama sila. Maaaring matuto nang mas mabuti ang mga huling nabanggit sa pamamagitan ng aktuwal na pagpapakita at mga panlabas na aktibidad.
- Alamin ang mga kalakasan at kahinaan ng inyong anak at tulungan siyang magkaroon ng matatagumpay na karanasan sa pag-aaral. Sa paggawa nito, iisipin ng inyong anak na kapaki-pakinabang siya, pauunlarin ang kanyang mga kakayahan at pahuhusayin ang kanyang pagpapahalaga sa sarili. Kapag nakikita ng mga bata na wala silang silbi, kulang ang kanilang tiwala sa pagsubok ng mga bagong bagay, hayaan silang ganap na tuklasin nang mag-isa ang kanilang mga kakayahan.
- Payagan ang inyong mga anak na harapin ang mga pagsubok
- Kailangang maranasan ng mga bata ang mga pagsubok nang mag-isa, matuto sa mga pagkakamali at kayanin ang mga pagkabigo upang malaman pa ang tungkol sa mundo at mapatatag ang tiwala sa sarili. Huwag sobrang protektahan ang inyong anak o magtakda ng napakaraming limitasyon para sa kanya dahil sa takot na maaari siyang mabigo o magkamali.
- Hayaan ang inyong anak na lutasin ang mga problema nang mag-isa. Huwag magbigay ng direktang tulong o mga sagot. Payagan ang mga pagkakamali. Halimbawa, kapag naghirapan siya sa paglutas ng isang puzzle, obserbahan kung paano niya muna hinaharap ang problema. Hikayatin siya kapag kinakailangan sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay tulad ng, "Tingnan natin kung aling piraso ang may kaparehong kulay tulad nito."
- Magtakda ng makatotohanan at panandaliang layunin kasama ang inyong anak. Halimbawa, maglalaro siya ng walong bar nang tumpak kapag nagsasanay siyang mag-piano. Hikayatin siyang makamit ito.
- Sa sandaling natapos ng inyong anak ang gawain, purihin siya sa pagsubok na malampasan ang mga hirap at hamon. Maaari din ninyong talakayin sa kanya ang prosesong pinagdaanan, suriin ang kanyang mga pamamaraan sa pag-aaral at tukuyin ang isang bagay na maaari niyang pahusayin. Kapag natapos ng bata ang gawain na may mabuting pagsisikap, magiging motibasyon para sa pag-aaral ang naramdamang tagumpay.
4. Pagpapalakas ng loob at mga pagpuri
- Kung hindi angkop na ginamit ang mga papuri, magiging sobrang bilib sa sarili at mayabang ang bata. Kaya naman magreresulta ito na makadama siya ng pagkainis at pagkawala ng tiwala kapag hinaharap ang mga pagkakamali at pagsubok.
- Pahalagahan at purihin ang sigla at mga pagsisikap ng inyong anak na nagawa sa pag-aaral sa halip na purihin sa kanyang mga kakayahan. Sa halip na sabihin ang mga bagay tulad ng, "Napakagaling mo sa pagtapos ng gawain", ilarawan nang direkta kung ano ang ginawa ng inyong anak, "Ipinagmamalaki ko ang pagsisikap mo na matapos ang gawain!"
- Purihin bago kayo magbigay ng mga mungkahi sa kanya. Kailangang nakatutulong at magagawa ang mga mungkahi, “Sa susunod, maaari mong kulayan muna ang guhit sa gilid ng hugis bago kulayan ang nasa loob upang hindi lumampas ang kulay sa linya.” Iwasang bansagan ng ibang mga pangalan o maging mapamintas, gaya ng pagtawag sa kanya ng “bobo”. Huwag hingin sa kanyang ulitin ang ginawa dahil maaari nitong maapektuhan ang kanyang pagkasabik na matuto.
5. Pagtukoy sa mga interes at paghikayat ng pagkamalikhain
- Masisigla ang mga batang nasa preschool, inuusisa ang mga bagay sa paligid nila at interesadong tumuklas. Hayaan ang inyong anak na malayang tumuklas sa isang ligtas na kapaligiran na may kakaunting paghihigpit. Halimbawa, hayaan siyang gumuhit sa isang partikular na lugar o hayaan siyang paghiwa-hiwalayin ang kanyang mga laruan sa mga bahagi upang masiyahan ang kanyang pagkamausisa.
- Himukin ang pagkamalikhain ng inyong anak. Isangkot siya sa mga aktibidad na nagbibigay-daan sa imahinasyon at pag-iisip gaya ng pagguhit, pagbuo ng mga bloke, paglalaro ng clay at dough o laro ng pagkukunwari. Maaari din ninyong gabayan siya sa paggamit ng mga gamit sa bahay (hal. mga lumang magasin at plastik na bote) upang gumawa ng mga laruan.
- Sumali sa mga aktibidad ng inyong anak at tapusin ang isang malikhaing proyekto kasama siya. Hayaan siyang manguna nang walang ibinibigay na mga direktang tagubilin. Tandaan na purihin siya sa kanyang mga pagsisikap at mga nakamit na resulta sa proseso.
- Gustong itanong ng mga batang nasa ganitong edad ang “bakit”. Ipinakikita ng mga tanong ang kanilang mga interes sa mga partikular na paksa. Makinig nang matiyaga sa mga tanong ng inyong anak. Gumamit ng mga patnubay na tanong upang hikayatin siya na magkaroon ng sagot sa mga tanong at upang magkaroon ng karagdagang tanong. Halimbawa, “Gusto mo bang malaman kung bakit gumagalaw ang kotse. Tingnan natin kung ano-ano ang gumagalaw kapag tumakbo ang kotse.” Sa paraang ito, tinutulungan ninyo ang inyong anak na palawakin ang kanyang mga ideya.
- Maaaring ang iniisip ninyong kawili-wili hindi ganoon para sa inyong anak. Talakayin sa kanya kapag ini-enroll ninyo siya sa mga klaseng interesado siya. Dapat ninyong pansinin ang iskedyul ng aktibidad ng inyong anak, na nagbibigay ng oras ng pahinga at libreng oras. Maaaring hindi mabuti para sa kanya ang abalang talaorasan at mapapagod ang kanyang katawan at isipan.
6. Pagpapalawak ng pag-aaral ng inyong anak
- Bukod sa panghihikayat sa inyong anak na magbasa pa at maging malikhain, maaari din ninyong madagdagan ang kanyang pagkakataong matuto sa labas ng paaralan. Sa paggawa nito, malalantad siya sa mga bagong bagay at matututo sa pamamagitan ng mga karanasan gamit ang iba’t-ibang pandamdam. Regular siyang dalhin sa mga museo, aklatan, zoo at mga harding botanikal. Isa ring halimbawa ng pag-aaral sa pang-araw-araw na pamumuhay ang pagbabasa sa mga pangalan ng pagkain na nasa menu ng isang restawran na kasama siya.
- Pinakamayamang mapagkukunan ang kalikasan upang magbigay ng inspirasyon sa pagkamausisa ng bata. Magsaayos ng maraming panlabas na aktibidad sa labas para sa inyong anak, gaya ng mga pagbisita sa mga parke at dalampasigan. Mangolekta ng mahalagang impormasyon bago ang pagbisita. Hayaan siyang tuklasin nang malaya ang kapaligiran. Talakayin sa kanya na ang mga nakikita niyang kawili-wiling bagay ay magpasisigla sa kanyang mga kakayahan sa pag-iisip at wika.
- Nagbibigay ng maraming impormasyon at mga bagong paraan ng pag-aaral ang mga produktong teknolohiya tulad ng computer, telebisyon, mga VCD, larong elektroniko, mobile phone at iba pang nabubuhat na elektronikong device. Kahit na posibleng malaman ang tungkol sa mundo nang hindi umaalis ng bahay, maaaring magkaroon ang mga bata ng pagpapakasasa kung malalantad sila sa mga produktong ito nang napakaaga. Ito ang magpapababa sa tsansa ng mga bata na tumuklas sa ibang pamamaraan at makaaapekto sa mga aspekto ng kanilang pag-unlad sa pakikisalamuha sa lipunan, pandamdam at paggalaw. Kaya limitahan ang oras na ilalaan sa paggamit ng mga device na ito sa mababa sa 1 oras araw-araw. Samahan ang inyong anak at gabayan sa aktibidad upang mapahusay ang halaga ng edukasyon nito.
7. Ugnayan sa bahay-paaralan
- Kapag pumipili ng angkop na paaralan para sa inyong anak, alamin pa ang tungkol sa mga layunin at mga paraan ng pagtuturo ng iba’t-ibang paaralan. Mahalaga ring malaman ang mga kakayahan at istilo ng pag-aaral ng inyong anak bago pumili ng paaralan. Bukod dito, makatutulong ito sa paggabay sa kanyang gawain sa paaralan sa kalaunan.
- Magkaroon ng regular na komunikasyon sa mga guro ng preschool upang maunawaan kung paano umangkop at gumanap ang inyong anak. Kausapin ang inyong anak tungkol sa kanyang mga karanasan sa preschool at gabayan siya sa kanyang pag-aaral kung kinakailangan.
8. Maging huwaran
- Para mapaunlad ng inyong anak ang mga katangiang inilalarawan sa itaas at maging aktibong mag-aaral, isabuhay kung ano ang ipinangangaral ninyo. Inilalarawan ang isang “natututong pamilya” ng pagkakaroon ng mga magulang na sabik matuto, nagpapakita ng mabuting komunikasyon ng magulang-anak at natututo ang mga miyembro mula sa isa't isa. Tandaan, magbubunga ang mga pagsisikap na ginagawa ninyo ngayon para sa magandang kinabukasan ng inyong anak!
Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng 'Masayang Pagiging Magulang!' para sa mga magiging magulang at mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.