Pagiging Magulang Serye 9 - Pag-aaral ng Pagsasalita Para sa 1-2 Taong Gulang

(Binago ang nilalaman 03/2018)

Ginagamit ang wika para ipahayag ang mga ideya at damdamin, iniisip at natututunan. Mahalaga ang tungkulin nito sa pag-unlad ng pag-unawa, emosyon at pakikisalamuha sa lipunan ng bata.

Paano Matututo ng Wika ang mga Bata?

How Do Children Acquire Language?
Mahalaga ang parehong kadahilang henetiko at kapaligiran sa pag-unlad ng wika. May ilang paunang kalagayan upang makapagsalita ang isang bata. Dapat mayroon siyang normal na pandinig pati na rin normal na istruktura ng bibig at lalamunan. Dapat siyang handa sa pag-unlad at may mabuting layuning makipag-usap. Bilang karagdagan, mahalaga rin ang pagbibigay ng nanghihikayat na kapaligiran ng wika na may mga pagkakataong matuto, lalo na sa unang limang taon ng buhay.

Kailan Natututong Magsalita ang mga Bata?

Bago sabihin ng bata ang kanyang unang salita, handa na siyang ipahayag ang kanyang mga pangangailangan sa pamamagitan ng pag-iyak, pagsasa-tinig, at mga ekspresyon ng mukha at katawan. Nag-iiba-iba sa mga bata ang tiyempo ng pag-unlad ng wika, lalo na sa edad na kung kailan nagsisimulang magsalita ang isang bata.

Nasa ibaba ang maikling pangkalahatang paglalarawan ng mga pagsulong ng pag-unlad ng wika para sa mga batang mula 6 na buwan hanggang 2 taon. Mababasa ang marami pang detalye sa serye ng polyeto na Pag-unlad ng Bata.

Tinatayang Edad

Pag-unawa

Pagpapahayag

6-9 na buwan

  • Tumutugon sa mga pamilyar na salita na may mga pahiwatig ng ibig sabihin hal. 'gatas'
  • Ngumangawa ng mga katinig gaya ng 'ba', 'da','ka'

9-12 buwan

  • Tumutugon sa mga pamilyar na salita na may mga pahiwatig ng kilos. hal. kumaway ng 'bye bye', 'hindi'
  • Binibigkas ang mga hanay ng pantig o sinasabi ang ilang makahulugang salita gaya ng 'mama', 'dada'

1-1½ taon

  • Kinikilala ang mga pangalan ng mga pamilyar na tao at bagay
  • Naiintindihan ang ilang pang-araw-araw na mga salita at parirala hal. ibigay kay mommy, 'umupo' na may unti-unting pag-aalis ng mga pahiwatig ng kilos
  • Nagsisimulang gumamit ng mga iisang salita, karamihang mga pangngalan hal. 'sanggol', 'dolly'; tapos ilang pandiwa ang nasasalita hal. 'punta', 'talon'

1½-2 taon

  • Sinusunod ang mga simpleng tagubilin gaya ng 'ibigay mo sa akin ang bola'
  • Itinuturo ang mga bahagi ng katawan kapag tinanong
  • Nakikilala ang mga karaniwang larawan
  • Nagsasabi ng mas maraming iisang salita
  • Simulang pagsamahin ang mga salita hal. 'akin iyan', 'umalis daddy'

Paano Natin Tutulungang Magsalita ang mga Bata?

Bago matutong ipahayag ng bata ang kanyang sarili sa pagsasalita, kailangan muna niyang maintindihan ang mga salita. Mahalaga ang pagbibigay ng isang kapaligirang mayaman sa wika upang mapadali ang pag-unawa at pag-unlad ng pagsasalita ng inyong anak, Narito ang ilang mga puntong tatandaan:

  1. Makinig muna, tapos ay magsalita

    Kuhanin ang atensyon ng inyong anak sa pamamagitan ng pagtitig sa kanyang mata at pagtawag sa kanyang pangalan o pagtapik sa kanya. Maghintay hanggang tumingin siya sa inyo bago kayo magsimulang makipag-usap sa kanya, Tumutulong din sa inyong anak ang isang tahimik na kapaligiran na may kakaunting gambala upang pansinin kung ano ang inyong sinasabi.

  2. Magsalita ng malinaw at masigla

    Magsalita gamit ang banayad at maindayog na boses upang gawing masaya ang karanasan sa pagsasalita at pakikinig ng inyong anak. Magsalita nang dahan-dahan at malinaw sa inyong anak upang tulungan siyang maintindihan kung ano ang ibig ninyong sabihin.

  3. Magsalita ng simple

    Magsalita gamit ang mga maikli at simpleng parirala ayon sa antas ng pag-unawa ng inyong anak, Halimbawa, sabihin ang 'ibigay mo kay Mommy ang tasa' sa halip na 'ipasa mo kay Mommy ang iyong tasa at ikukuha kita ng kaunting juice'. Maaari din kayong magdagdag ng mga kilos upang tulungan siyang makaintindi at gawing mas masaya ang inyong pagsasalita hal. iniaabot ang inyong kamay para sa 'ibigay mo sa akin'; ituro pataas ang inyong hinlalaki para sa 'mabuti'; at pagtapik sa inyong dibdib para sa 'ako'.

  4. Maging natural at panatag

    Hayaang magsalita ang inyong anak nang natural. Kung pinipilit ninyo siyang magsalita o kumilos sa harap ng mga tao, hahadlangan lang nito ang kanyang layuning magsalita.

  5. Sundin ang interes ng inyong anak
    • Pumili ng mga aktibidad na laro na angkop sa antas ng pag-unlad ng inyong anak at nakaaakit sa kanyang interes. Sa pangkalahatan, maganda at madaling piliin para sa lahat ng bata ang maliit na set ng gamit sa pagluluto. Mas masisiyahan ang inyong anak sa mga aktibidad at may mas mahusay na pagkadama ng pagsasanay.
    • Sundin ang kanyang interes at hayaan siyang manguna. Kung gusto niyang maglaro ng mga bloke, kausapin siya habang nilalaro ang mga ito gaya ng 'Bumubuo si Chris ng tore', 'Ilagay mo ang isa sa itaas', Wow! Tren ang nagawa mo.'
    • Makipaglaro sa inyong anak kapag masigla siya at nasa kondisyon. Hangga't pareho kayong nasisiyahan nang magkasama, hindi kailangang maging mahaba ang oras na inilaan.
  6. Gamitin ang mga pagkakataon sa pang-araw-araw na buhay
    • Kayo ang pinakaangkop na huwaran sa pagsasalita para sa inyong anak. Gamitin ang mga pang-araw-araw na sitwasyon upang sabihin sa kanya ang mga pangalan at gamit ng mga bagay na nahahawakan niya. Hikayatin siyang ulitin ang inyong mga salita nang hindi pinipilit.
      • hal.
        • Sa oras ng paliligo --
          Pag-usapan ninyo ang mga bahagi ng katawan
        • Pagpunta sa supermarket --
          Sabihin sa kanya ang mga bagay na pinili ninyo mula sa mga istante
        • Pagbabasa na kasama siya--
          Ilarawan ang mga litrato sa mga aklat o ikuwento sa kanya gamit ang mga simpleng salita
        • Paglabas ng bahay--
          Pag-usapan ang mga bagay na nakikita ninyo habang daan
    • Sabihin sa kanya kung ano ang ginagawa ninyo upang malaman niya ang tungkol sa mga gagawin. Halimbawa, kapag naghuhugas kayo ng mga pinggan, maaari ninyong sabihin na 'Naghuhugas si Mommy ng mga pinggan' o kapag nagpupunas kayo ng sahig, sabihin ang 'Nagpupunas si Daddy ng sahig'.
    • Gumamit ng mga tanong upang padaliin ang kanyang pag-unawa sa mga sinasabi at kakayahang magpahayag. Halimbawa, kapag kumakain siya, maaari ninyong itanong sa kanya, 'Masarap ba ito?' 'Busog ka na ba?' o 'Ano ang ginagawa mo?' atbp.
  7. Hikayatin siyang magsalita
    • Kapag nagsasalita ang inyong anak, matiyagang makinig sa kanya at subukang intindihin kung ano ang kanyang mga sinasabi. Huwag kaagad sabihin ang mga salita para sa kanya o hayaang sumabat ang kanyang mga kapatid sa kung ano ang sasabihin niya.
    • Hikayatin siyang sabihin ang nais niya sa mga salita. Halimbawa, kapag itinuturo niya ang mga cookie, sabihin sa kanya ang pangalan ng bagay na gusto niya at hikayatin siyang sabihin ang 'ibigay', 'cookie' o 'kumain'.
    • Kapag nabuo ng inyong anak ang kanyang bokabularyo, maaari ninyong pahabain ang sinasabi niya sa mas mahahabang parirala hal. kapag sinabi niyang 'bola' at 'sipa', maaari ninyong hikayatin siyang sabihin ang 'sipain ang bola' ngunit huwag siyang pilitin.
  8. Tumugon sa pagtatangkang magsalita ng inyong anak
    • Makinig at tumugon kaagad sa mga salita o pagbigkas ng inyong anak sa pamamagitan ng pagtango, pagngiti, pag-ulit o pagpapahaba ng mga ito.
    • Purihin ang kanyang mga pagsisikap kahit maaaring hindi niya nabigkas nang tama ang mga salita. Sabihin na lang ang salita para sa kanya.
    • Huwag kailanman gayahin ang mga maling binibigkas niya o tawanan siya.
  9. Maging positibo at mapagpahalaga

    Laging gumawa ng positibong paraan. Kung hindi pa handa ang inyong anak na magsalita, purihin ang kanyang pagsisikap na sumubok sa halip na ipahiya siya.

  10. Magbigay ng mga karanasang pampasigla sa labas ng bahay

    Magagandang pagkakataon para sa kanya ang pagdadala sa palaruan, pagpunta sa mga birthday party ng ibang bata, o pagpunta sa nursery upang makihalubilo sa iba pang bata at may mas maraming tsansang matutong magsalita.

Sa pagtatapos ng 18-buwan gulang, kung ang inyong anak ay:

  • Hindi tumutugon sa madalas na pagtawag sa kanyang pangalan
  • Bihirang tumitingin sa mga tao
  • Hindi naiintindihan ang pangalan ng mga kilalang tao o bagay hal. lola, tasa, gatas atbp.
  • Hindi ginagamit ang daliri upang ituro ang mga kailangan
  • Hindi nagsasalita ng anumang salita
  • Mukhang hindi nakakarinig nang mabuti

Sa pagtatapos ng 24-buwan gulang, kung ang inyong anak ay:

  • Hindi tumutugon sa mga simpleng utos nang walang pagdikta na ikinikilos hal. kumuha kayo ng karaniwang bagay, ituro sa bahagi ng katawan
  • Hindi nakikilala ang mga simpleng larawan
  • Magsalita ng mababa sa dalawampung salita

Mangyaring talakayin sa inyong doktor o nurse sa MCHC, doktor ng pamilya o pediatrician.

Magbigay ng mayamang mga karanasan sa pakikinig at pagsasalita para sa inyong anak. Mas huhusay ang pag-unlad ng kanyang wika sa paggamit ng mga nabanggit na kasanayan para sa pagpapadali ng wika sa araw-araw na buhay at sa paglalaro.

Bawat bata ay natatangi at kadalasang normal ang malawak na mga pagkakaiba sa bilis ng pag-unlad. Huwag maging sobrang matakot kung medyo iba ang bilis ng pag-unlad ng wika ng inyong anak. Maaaring inihuhudyat lang nito ang pangangailangan para sa mas maraming atensyon sa kanya. Kung mayroon kayong anumang alalahanin tungkol sa pandinig ng inyong anak o pag-unlad ng wika, mangyaring huwag mag-atubiling kumonsulta sa mga propesyonal na tagapangalaga ng kalusugan.

Nagmula sa: Pag-unlad ng Wika. Polyeto ng Union of Hong Kong Speech Therapists (Medical)

Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng "Masayang Pagiging Magulang!" para sa mga magiging magulang, mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.