Pagiging Magulang Serye 7 - Pakikipag-ugnayan sa Inyong Sanggol – Para sa mga Magulang na may Sanggol na Wala pang Isang Taong Gulang
Ang Paraang Interaktibo
Sa mga unang buwan, nakikipag-ugnayan at nakikipag-usap ang mga magulang sa kanilang mga sanggol sa pamamagitan ng pisikal na pakikipag-ugnayan, mga ekspresyon ng mukha at boses. Habang lumalaki ang inyong sanggol, mas marami nang paraan ng pakikipag-ugnayan ang maaring gawin. Mararamdaman ninyo na mas malapit kayo sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagsasalita, pagkanta, paglalaro o pagbabasa na kasama siya sa paraang interaktibo at magkasundo. Binubuo ng mga interaksyong ito ang pundasyon kung saan nabubuo ng inyong sanggol ang kanyang emosyonal na ugnayan sa inyo, isang malaking hakbang sa pag-unlad ng kanyang emosyon sa pakikipag-ugnayan. Bukod dito, mahahalagang paraan ang mga ito para turuan ang inyong sanggol at mas mapadali ang kanyang pag-unlad.
Kailan dapat makipag-ugnayan sa inyong sanggol?
- ANUMANG ORAS basta’t hindi siya pagod at handa kayo.
Anong maaaring gawin nang magkasama?
- ANUMANG BAGAY na ligtas gawin. Walang itinakdang partikular na lugar o gamit hal. maaaring gawing laruan ang panyo mula sa inyong bag para makipaglaro sa inyong sanggol.
- KAYO ang pinakamahalagang 'instrumento'! Mararamdaman ng inyong sanggol ang inyong pagmamahal sa pamamagitan ng inyong maaalalahaning tingin, matamis na ngiti, banayad na haplos, halik o yakap. Kasabay nito, mararamdaman ninyo na mas malapit kayo sa isa’t isa sa pamamagitan ng kanyang tugon.
- Maaari ninyo siyang basahan ng may maindayog na boses para kunin ang kanyang atensiyon. Tutugon siya sa pamamagitan ng pagtingin sa inyo nang mabuti o gumalaw-galaw pa dahil sa tuwa.
- Kaakit-akit para sa mga sanggol ang mga aklat na gawa sa tela o karton na may makukulay na larawan. Nagbibigay ng karagdagang sigla ang mga aklat na may iba’t ibang texture, tunog at amoy.
- Napakagandang paraan ang musika para makipag-ugnayan sa inyong sanggol. Maaari kayong sumayaw sa tugtog ng musika habang iniuugoy siya nang banayad o iugoy ang kanyang mga braso at binti habang humuhuni.
- Habang natututo na siyang tumayo, maaari ninyo siyang isayaw sa pamamagitan ng pag-alalay o paghawak sa kanya sa inyong kandungan. Maaari din kayong sumayaw sa harap ng salamin.
- Magandang paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga sanggol ang paglalaro ng bulagaan, pagkiliti, pagkanta ng mga nursery rhyme na may mga aksyon.
- Masaya ang kahit anong uri ng laro hangga’t sangkot ang inyong katawan at isipan.
Paano makipag-ugnayan?
- Hayaan ang inyong sanggol na tumingin sa inyo nang harapan. Maaari kayong tumitig sa kanyang mga mata o kandungin siya.
- Obserbahan ang ekspresyon ng kanyang mukha at mga kilos ng katawan.
- Makinig sa kanya.
Makinig at tumugon sa kanya nang naaayon. Maaaring may gusto siyang sabihin sa inyo sa kanyang mga paghuni. - Bigyang-pansin ang kanyang mga pinapanood.
- Tumugon kaagad sa kanya sa pamamagitan ng:
- Pagtulad sa kanyang mga tunog o kilos.
- Kapag tumugon kayo sa kanya sa pamamagitan ng pagtulad sa kanya, malalaman niya na interesado kayo sa kanyang ginagawa. Maaari din ninyong gabayan siya na tularan kayo bilang tugon.
- Subukang intindihin ang kanyang ibig sabihin.
- Kung tumitili at kumakawag sa tuwa ang inyong sanggol, maaaring gusto pa niyang ituloy ang inyong pakikipaglalaro sa kanya. Kung tumigil siya at lumingon palayo, maaaring hindi na siya interesado o napapagod na rin. Kung gayon, oras na para tumahimik at hayaan siyang magpahinga.
- Ilarawan kung ano ang inyong nakikita o naririnig upang tulungan siyang matuto.
- Sabihin ang mga salita para sa mga bagay na interesado siya, hal. sabihin ang 'bola' sa kanya kung may hawak siyang bola.
- Sabihin kung anong nangyari o nangyayari, hal. sabihin sa kanyang 'nahulog ang kutsara' habang nakaturo sa nahulog na kutsara.
- Gumamit ng kilos o mga galaw para ilarawan ang mga sinasabi ninyo. Matututunan din niya sa inyo na magpahayag gamit ang mga kilos bago siya makapagsalita
- Maghintay sa kanyang tugon. Huwag lang magsalita nang tuloy-tuloy. Huminto at hayaan ang inyong sanggol na tumugon para bigyan siya ng mas maraming tsansa na magpahayag sa sarili niyang paraan.
- Pagtulad sa kanyang mga tunog o kilos.
- Nakatutulong ang pag-uulit para makaunawa at makatanda siya. Humanap ng iba’t ibang paraan para ulitin ang mga bagong salita at kilos nang madalas hangga’t maaari. Paulit-ulit na kantahin ang mga paborito niyang nursery rhyme habang kumikilos. Nakatutulong ang mga tugmang may tono at mga paulit-ulit na salita para matuto siya. Kinalaunan, kakantahin niya ang ilan sa salita sa pamamagitan ng pagtulad sa inyo.
- Magdagdag ng bagong ideya sa pamamagitan ng paglinang sa kung anong alam na niya. Halimbawa, kung kaya na niyang dumampot ng bloke, turuan siyang ilagay ito sa timba. Kung nagsasabi na siya ng mga salita hal. 'cookie', sabihin sa kanya ang tungkol sa iba’t ibang pangalan ng pagkain tulad ng 'tinapay' at 'cake'.
- Magdagdag ng mga bagong karanasan sa pagbabasa tulad ng paghalili sa kanya sa mga tauhan sa kuwento. 'Tingnan mo! Naliligo si Sarah.' Maaari mo ring bigyang-buhay ang kuwento hal. ituro ang tuta sa larawan at sabihing, 'Matutulog na ang tuta. Dapat na ring matulog si Baby Sarah.'
- Makipag-ugnayan sa kanya nang kalmado at kaaya-aya ang kondisyon dahil nadarama niya ang inyong nararamdaman.
Sa pagtatapos ng 12-buwang gulang, kung ang inyong anak ay:
- Hindi tumitingin sa mata ng tagapag-alaga
- Hindi tumutugon sa madalas na pagtawag sa kanyang pangalan
- Hindi tumutugon sa utos na may mga hudyat na pagkilos hal. pagkaway ng “bye-bye,” “Ibigay mo sa akin”
- Hindi sinasabi ang kanyang mga gusto sa pamamagitan ng pagturo o pagsenyas hal. tinitingnan o iniaabot ang kanyang kamay
- Hindi ngumangawa
- Mukhang hindi nakakarinig nang mabuti
Mangyaring talakayin sa inyong doktor o nurse sa MCHC, doktor ng pamilya o pediatrician.
Para maging matagumpay ang pakikipag-ugnayan sa inyong anak, kailangan ninyong unawain ang pagkakaiba niya, makibagay sa kanya, obserbahan ang mga hudyat niya, at tumugon sa kanya nang naaayon. Subukan sa inyong sanggol ang mga ideya sa polyetong ito at masiyahan sa inyong pagsasama.
Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng "Masayang Pagiging Magulang!" para sa mga magiging magulang, mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.