Pagiging Magulang Serye 2 - Pakikipag-ugnayan sa Inyong Sanggol nang may Pagtugon na Pangangalaga
Ang Kahalagahan ng Relasyon ng Magulang at Anak
Ipinakita ng pananaliksik na malamang na maging mas magaling sa pakikipag-ugnayan sa ibang tao sa kanilang paglaki ang mga batang nagkaroon ng magandang ugnayan sa kanilang mga magulang sa kanilang pagkabata. May mas mahusay na kakayahan sila sa paglutas ng problema, mas mataas ang marka sa paaralan at mas malamang na lumaki bilang mahuhusay na magulang.
Ipinanganak ang isang sanggol nang may likas na kakayahan para iparating ang kanyang mga pangangailangan sa ibang tao – Gusto niyang tumingin sa mga mukha at lumilingon kapag nakaririnig ng boses ng tao, umiiyak kapag gutom o may nararamdamang sakit, tinutularan ang mga ekspresyon ng inyong mukha at humuhuni bilang tugon. Sa paglipas ng panahon, matutukoy ninyo ang kaibahan ng kanyang mga iyak, ekspresyon ng mukha at paggalaw at maibibigay ang kaniyang mga pangangailangan nang naaayon sa pamamagitan ng pagpapasuso o pagpapakain, pagpapalit ng lampin, pagyakap sa kanya na ginagaya ang kanyang mga kilos o paghuni para makipaglaro sa kanya. Bilang resulta, masisiyahan ang inyong sanggol sa inyong pagtugon at patuloy na makikipag-ugnayan sa inyo. Sa mga panahong ito ng patuloy na ugnayan sa pagitan ninyo at ng inyong sanggol, nagbigay kayo ng pagpapasigla sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng pagdama para sa pag-unlad ng isip ng sanggol. Napatunayan sa pananaliksik na isa sa mahahalagang dahilan sa pag-unlad ng isip ng sanggol ang naturang karanasan ng malapit na ugnayan mula nang isilang sila. Nabubuo rin ang maayos na ugnayan sa pagitan ninyo at ng inyong sanggol bilang basehan kung saan nabubuo ang ugnayang panatag at may pagtitiwala.
Matalik na Ugnayan ng Magulang at Anak
Kapag nabuo ang matalik na ugnayan, panatag ang pakiramdam ng inyong sanggol kapag naroon kayo. Natutunan niyang sa tuwing nakararamdam siya ng kawalang-ginhawa, pananakit o takot, nariyan kayo para aliwin at protektahan siya, bigyan siya ng mga angkop na limitasyon at patnubay. Kayo ang kaniyang “ligtas” na lugar kung saan siya makadarama ng kapanatagan at kalayaang makipagsapalaran sa labas upang tuklasin ang mundo. Tumutulong sa kanya itong pakiramdam ng kapanatagan at pagtitiwala upang matuto at lumaking hindi umaasa sa iba at may kakayahan, nagagawang maunawaan ang ibang tao, at unti-unting nagkakaroon ng kakayahang makisalamuha sa lipunan, nakakaya at matatag na hinaharap ang mga kagipitan at pagsubok.
Pakikipag-ugnayan nang may Pagtugon na Pangangalaga
Maaari ninyong ipakita ang inyong atensiyon at pagmamahal sa inyong sanggol sa pamamagitan ng:
- Madalas na pagkakaroon ng pisikal na pakikipag-ugnayan sa kanya. Haplusin o ihele siya nang banayad sa inyong braso. Gawin ang ilang ehersisyong pambata para sa kanya, tulad ng pag-iinat at pagbaluktot ng tuhod o pagpapalit ng posisyon ng kanyang katawan. Magagandang paraan ito ng ugnayan.
- Pagpapanatili ng madalas na pakikipagtitigan sa kanya. Manatili sa kanyang paningin (20 hanggang 25 cm o 8 hanggang 10 pulgada para sa bagong silang), tumingin sa kanyang mga mata at makipaglaro gamit ang eksaheradong ekspresyon ng mukha.
- Pakikipag-usap, pagtugon sa ginagawa niyang tunog, pagkanta at paghuni sa kanya nang mahinahon. Mas naaakit ang mga sanggol sa matitinis at malalambing na boses ng mga ina. Mas tatagal ang inyong ugnayan kapag tumutugon kayo sa kanya.
Sasabihin sa inyo ng inyong sanggol ang kanyang mga pangangailangan sa pamamagitan ng mga tunog, ekspresyon at galaw. Subukang tingnan nang mabuti ang mga senyales na ito mula sa kanya at agad na tumugon sa kanyang mga pangangailangan. Halimbawa, kapag umiiyak ang inyong sanggol, maaari ninyong tingnan kung basa ang kanyang lampin, kung naiinitan o giniginaw siya, o kung nabusog siya sa kanyang huling kinain. Maaari din ninyong isaalang-alang ang iba pang posibilidad gaya ng kung nakapulupot ang kanyang mga paa o kung nakagat siya ng lamok. Hayaang makita ng inyong sanggol ang inyong mukha at marinig ang inyong maamong tinig habang tinitingnan ninyo ang kanyang mga pangangailangan. Kung hindi sanhi ang mga nabanggit na dahilan ng pag-iyak ng inyong sanggol, malamang na kailangan pa niya ng inyong pagpapatahan tulad ng pagpapatugtog ng ilang malumanay na musika, pagbalot sa kanya sa malambot na kumot, o pagkarga at banayad na paghele sa kanya sa inyong mga braso.
Mapapalayaw ko ba ang aking bagong silang na sanggol sa sobrang pagkalong sa kanya?
May pangunahing tungkulin ang pag-iyak ng bata na paghudyat ng mga pangangailangan. Sa pagdampot sa kanya kapag kailangan niya ang inyong pagpapatahan, ipinakikita ninyo ang inyong sarili na sensitibo sa kanyang mga pangangailangan. Mararamdaman ng inyong sanggol ang inyong pangangalaga at pagmamahal at kaya pinabubuti ang matatag na kaugnayan sa inyo. Kapag kalmado at alerto ang inyong sanggol, ito ang pagkakataon ninyo na masiyahan sa mga matalik na pakikipag-ugnayan kabilang ang pagkalong sa kanya. Nasisiyahan ang inyong sanggol sa inyong atensyon at natututunan na makukuha niya ang maginhawang pakiramdam na ito kapag kalmado siya, kaya pinatitibay ang kaugnayan sa pagitan ninyong dalawa. Hindi ninyo palalayawin ang inyong sanggol.
Mga Bagay na Isasaalang-alang sa Pagpapa-alaga ng Bata
Walang kapalit ang pangangalaga ng mga magulang. Hindi dapat ganap na ipasa ng mga magulang ang kanilang tungkulin bilang mga magulang sa ibang tao. Kung ihahabilin ninyo ang inyong sanggol sa isa pang tagapag-alaga, dapat ninyong isaalang-alang ang mga sumusunod:
-
Ang mainam na tagapag-alaga ay dapat:
- mapagkakatiwalaan bilang isang tao at handang maging tagapag-alaga,
- isang maalagang tao na may tiyaga at oras.
- kayang unawain at tugunan ang mga pangangailangan ng sanggol tulad ng pag-alam kung paano siya hahawakan sa komportableng paraan at nauunawaan kung bakit siya umiiyak.
- kayang makipag-usap sa inyong sanggol, makipaglaro sa kanya at mahalin siya.
- Bigyan ng panahon ang tagapag-alaga at ang sanggol na magkaroon ng matatag na ugnayan. Kaya subukang hindi magpalit ng tagapag-alag nang madalas.
- Kung magkakaroon ng iba pang tagapag-alaga (kabilang ang mga magulang, lolo at lola at tagapag-alaga ng bata), makatutulong sa sanggol na makibagay nang mas madali ang kasunduan sa pagitan ng mga tagapag-alaga sa mga paraan ng pag-aalaga sa sanggol.
- Gawin ang lahat ng makakaya para maglaan ng oras sa inyong sanggol at masiyahan sa pakikipag-ugnayan sa kanya. Panatilihin ang magandang komunikasyon sa tagapag-alaga para maunawaan ang mga rutina ng sanggol at para iayon ang paraan ng pag-aalaga ng isa’t isa sa sanggol.
Pagbati!
Unang hakbang sa pagtulong sa paglaki ng inyong anak ang pagkilala sa kahalagahan ng pagtatatag ng matibay na ugnayan sa pamamagitan ng pagtugon. Kasama ang inyong pagmamahal at malasakit sa kanya, papunta na kayo sa pagiging matagumpay na mga magulang
Mayroon kaming serye ng mga workshop at polyeto ng “Masayang Pagiging Magulang!” para sa mga magiging magulang at mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.
- Pagtugon sa pangangailangan – mas maaga, mas mabuti
- Makipag-usap at makipaglaro sa inyong anak
- Huwag itago ang pagpuri sa perpektong pag-uugali
- Magtakda ng mga makatotohanang inaasahan at limitasyon
- Maging positibo, natatantiya at hindi pabagu-bago