Pagiging Magulang Serye 10——Ihinto ang Paggamit ng mga Diaper
Layunin ng pagsasanay sa paggamit ng inodoro ang pagtulong sa bata na matutong umihi o dumumi sa tamang oras at sa tamang lugar. Nakadepende sa ganap na gulang ng pisyolohiya ng bata ang kahandaan niyang kontrolin ang pagdumi at pag-ihi. Ito rin ay isang unti-unting proseso ng pag-aaral. Karamihang bata ang natututong magkontrol ng pagdumi o pag-ihi sa araw sa pagitan ng 2.5 hanggang 4 na taong gulang at may tuyong kama pagsapit ng 8 taong gulang. Nag-iiba-iba ang mga bata sa kanilang bilis ng pag-unlad. Mahalaga ang pagkaunawa sa mga katangian ng inyong anak at pagmamasid sa kanyang pagsulong para sa matagumpay na pagsasanay sa paggamit ng inodoro.
Kailan Sasanayin sa Paggamit ng Inodoro?
Walang istriktong tuntunin tungkol sa tamang edad upang magsimulang magsanay sa paggamit ng inodoro. Ang mahahalagang kondisyon ay ang kahandaan ng katawan at isipan ng bata. Sa pangkalahatan, nagsisimulang magpakita ng mga palatandaan ng kahandaan ang mga bata sa halos 18 hanggang 24 na buwan gulang.
Hindi nangangahulugan ang pagsisimula ng pagsasanay sa paggamit ng inodoro sa murang edad na matatapos nang maaga ng inyong anak ang pagsasanay sa paggamit ng inodoro. Maaaring tumutol ang inyong anak at mabigo kayo kapag minadali ang pagsasanay bago siya maging ganap na handa, na magdudulot ng problema sa inyong relasyon. Kung nagpapakita ng pagtutol, pagkabalisa o takot ang bata, huwag pilitin siya. Siya ang nagsisikap na kontrolin ang sarili niyang katawan.
Subukang iwasan ang pagsasanay sa paggamit ng inodoro kapag maaabala ang mga pang-araw-araw na rutina gaya ng pagbabakasyon, paglipat ng bahay, pagkakaroon ng bagong sanggol na kapatid, o maysakit. Sa ganoong mga pangyayari, mas mabuting ipagpaliban ang pagsasanay sa paggamit ng inodoro hanggang bumalik sa normal ang mga bagay-bagay at panatag na ang emosyon ng bata.
Mga Palatandaan ng Kahandaan para sa Pagsasanay sa Paggamit ng Inodoro
Obserbahan ang pattern ng pag-ihi at pagdumi sa loob ng ilang panahon. Maaaring ipahiwatig ng pagkakaroon ng alinman sa mga sumusunod na palatandaan na handa na siya:
- Nananatiling tuyo ang kanyang diaper sa loob ng hindi bababa sa dalawang oras sa araw, o gumigising siyang may tuyong diaper pagkatapos ng pag-idlip sa araw.
- Halos natatantiya ang kanyang mga pagdumi.
- Kaya niyang sumunod sa mga simpleng tagubilin at ipinakikita sa inyo sa kanyang mga ekspresyon ng mukha, kilos o salita na puno na ang kanyang pantog o bituka, hal. namumula ang mukha, biglang inihihinto ang kanyang mga pagkilos, hinihila ang kanyang salawal, dinadaklot ang kanyang singit, tumitingkayad o nagsasabi ng 'wee wee', atbp.
- Nagpapakita siya ng interes sa pagpunta sa inodoro o pag-upo sa arinola.
- Nababalisa siya kapag madumi o basa ang kanyang diaper.
Paghahanda para sa Pagsasanay sa Paggamit ng Inodoro
- Laging siguruhin na may sapat na arawang pagkonsumo ng likido at fibre ang inyong anak. Pananatilihin nitong malambot at madaling lumabas ang kanyang dumi, na nagpapataas ng tsansa upang gustuhin niyang pumunta sa inodoro. Nabibigyan din siya ng mas maraming tsansang magsanay sa pagpunta sa inodoro ng pagkakaroon ng laging punong pantog.
- Hayaang sumali ang inyong anak sa pagpili ng sarili niyang arinola. Dapat may malapad na patungan ang arinola na hindi tataob. Pinakamaginhawa para sa mga bata ang mga upuang may arinola na may makikinis na gilid. Mas pinipili para sa mga batang lalaki ang pagkakaroon ng pansalo sa ihi sa harap ng upuang arinola upang maiwasang mawisikan. Sa halip na gumamit ng arinola, maaari kayong maglagay ng upuang pambata sa isang inodorong pangmatanda na may bangkitong tapakan ng paa ng inyong anak para sa suporta.
- Ilagay ang arinola kung saan madaling malalapitan ng inyong anak, hal. malapit sa kanyang lugar na laruan o sa isang sulok ng salas. Dapat itong manatili sa parehong lugar.
- Bago magsimulang magsanay sa paggamit ng inodoro, hayaang makilala ng inyong anak ang arinola. Maaari ninyong hayaan siyang umupo rito habang may ginagawang ilang bagay, o naglalarong pakunwaring sinasanay ang mga hakbang ng proseso.
- Kuwentuhan siya o maglaro kayo tungkol sa pagsasanay sa paggamit ng inodoro.
- Maaaring mas madaling simulan ang pagsasanay sa paggamit ng inodoro sa mga panahong mas mainit. Tumutulong ang pagsusuot ng mas kaunti at maninipis na damit upang matutunan ng inyong anak na mas madaling ibaba ang kanyang salawal.
- Sa araw, hayaan ang inyong anak na magsuot ng maluwag na damit at salawal na madaling ibaba sa halip na mga diaper. Maaari kayong pumili ng salawal na gawa sa tuwalya para sa pagsasanay na sumisipsip ng 'mga hindi sinasadyang pag-ihi' at tumutulong sa bata na malamang basa siya, kaya inaalis ang pag-uugnay sa pagitan ng pag-ihi o pagdumi sa mga diaper at pananatiling komportable.
- Maaaring mas mahusay na matuto ang inyong anak sa pamamagitan ng paggaya sa magulang o isang kapatid na kapareho ang kasarian sa pagpunta sa inodoro.
Ano ang Gagawin sa Pagsasanay sa Paggamit ng Inodoro?
Kapag handa na kayo at ang inyong anak, maaari ninyong simulan ang pagsasanay sa paggamit ng inodoro. Tandaan na huwag magbago sa pagsunod sa rutina bawat araw:
- Pumili ng angkop na oras upang magsimula. Mas magandang magsimula kung kaya ninyong maglaan ng kalahating araw sa bahay at magrelaks.
- Obserbahan kung may regular na pattern sa pag-ihi at pagdumi ang inyong anak. Dalhin siya sa inodoro sa mga naturang oras.
- Maaari ninyo siyang sabihan na gumamit ng inodoro / arinola kapag nagising siya sa umaga, pagkatapos kumain, o bago matulog. Sa paglipas ng panahon, unti-unting aakma ang kanyang oras sa paggamit ng inodoro sa kanyang pang-araw-araw na mga rutina.
- Ipaliwanag sa inyong anak ang mga hakbang papunta sa inodoro:
- Sabihan si Mommy o Daddy
- Pumunta sa inodoro / arinola
- Alisin ang salawal
- Umupo sa inodoro/arinola
- Subukang mag-wee (umihi), o mag-poo (dumumi)
- Punasan nang malinis
- Isuot ang salawal
- Maghugas ng mga kamay
- Tingnan ang mga palatandaan kapag kailangang pumunta ang inyong anak sa inodoro. Tanuning siya kung gusto niyang umihi o dumumi, at pagkatapos ay hikayatin siyang sundin ang mga hakbang sa nakakarelaks na paraan.
- Kung tumanggi siyang pumunta, huwag siyang pilitin. Hintayin ang susunod na pagkakataon.
- Kung matagumpay siyang umihi o dumumi sa arinola, purihin siya. Kung umupo siya sa arinola nang ilang minuto ngunit hindi umihi o dumumi, kailangan ninyo pa rin siyang purihin sa pag-upo. Hayaan siyang tumayo at bumalik upang maglaro.
Mga Payo Pa
- Kapag tinuturuang umihi ang mga lalaki, huwag silang pilitin na tumayo. Sa simula ng pagsasanay, maaaring maging mas madali para sa kanila na umupo upang gawin ito.
- Kapag nagsisimula ang pagsasanay sa paggamit ng inodoro, manatili sa tabi ng inyong anak at alukin ng tulong kapag kailangan niya ito.
- Nangangailangan ng oras at tiyaga ang matagumpay na pagsasanay sa paggamit ng inodoro.
- Kapag hindi sinasadya ng inyong anak na mapadumi o mapaihi sa kanyang salawal, kalmado lang na tulungan siyang maglinis at paalalahanan siya sa mga hakbang sa pagpunta sa inodoro pagkatapos.
Ano ang dapat kong gawin kung hindi ako hinahayaan ng aking anak na alisin ang kanyang diaper?
Maaaring tumanggi ang ilang bata sa paggamit ng inodoro o arinola upang mag-poo (dumumi). Hayaan ang inyong anak na umupo sa arinola na may suot na diaper. Pagkatapos niyang dumumi, alisin ang diaper at ilagay ito sa arinola. Unti-unti, maaari ninyong subukang ilagay ang diaper sa arinola bago niya upuan ito.
Gaano Katagal Ito?
Nag-iiba ang panahon ng mga bata sa kanilang pangangailangan sa pagsasanay sa paggamit ng inodoro. Maaaring sanayin ang ilan sa loob ng 3 hanggang 4 na linggo habang mas matagal ang iba pa. Kahit tapos na ang pagsasanay sa paggamit ng inodoro, malamang na dumanas ng mga hindi sinasadyang pag-ihi o pagdumi at maging ng pag-urong kapag nai-stress. Huwag mag-alala kung mas mabagal o mas mabilis ang inyong anak kaysa sa iba. Maaaring maging mas madali ang pag-aaral na umihi kaysa sa pagdumi sa isang arinola. Normal para sa maraming bata na piliting dumumi sa kanilang mga diaper. Makatutulong ang pagpapanatili ng interes ng inyong anak sa mga aktibidad ng pagsasanay sa paggamit ng inodoro na makaalis sa pattern kinalaunan. Maging matiyaga at masiyahan sa proseso habang natututunan niya ito sa paglipas ng panahon.
Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng pag-aalaga sa bata at pagiging magulang para sa mga magiging magulang, mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.