Pagiging Magulang Serye 1 - Paghahanda para sa Pagiging Magulang

(Binago ang nilalaman 03/2018)

Malapit nang isilang ang inyong sanggol. Bilang magiging magulang, maaari kayong maging abala sa paghahanda sa mga bagay tulad ng kuna at mga damit ng sanggol. Gayunman, naglaan na ba kayo ng oras upang pag-isipan ang mga darating na pagbabago? Maraming dapat matutunan upang maging magulang. Makatutulong sa inyo ang polyetong ito na maunawaan ang mga pagsubok sa hinaharap at maghanda para sa inyong bagong tungkulin bilang magulang.

Ang mga Tungkulin ng mga Magulang

Ginagampanan ng mga magulang ang iba’t ibang tungkulin sa paglaki at pag-unlad ng kanilang anak:

  • Tagapagbigay - Pagbibigay ng mga kinakailangan ng inyong anak para sa pinakamainam na pisikal na paglaki, hal. pagbibigay ng balanseng diyeta at pagtiyak ng pang araw-araw na kalinisan.
  • Tagapangalaga - Pagtiyak ng ligtas at walang panganib na kapaligiran para sa inyong anak. Kailangan ninyong matiyak ang:
    • Pisikal na Kaligtasan - Pagbibigay ng pisikal na proteksyon para sa inyong anak, kabilang ang kaligtasan sa bahay, kaligtasan sa daan at pag-iwas mula sa pang-aabuso.
    • Katatagan ng Pananalapi - Nag-aambag ang pagpaplano ng pananalapi sa isang walang panganib na kapaligiran para sa inyong anak sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng kanyang mga pangmatagalang pangangailangan, hal. mga kailangan ng sanggol at mga bayarin sa pag-aaral sa hinaharap
    • Pakiramdam ng Kaligtasan - Tumutulong sa bata ang maayos na samahan sa pamilya pati na rin ang regular at mga inaasahang gawain upang mabuo ang ganitong pakiramdam. Karaniwang nakakaramdam ng walang kapanatagan ang mga batang nagmula sa magulong pamilya.
  • Guro / Gabay - Kayo ang unang guro ng inyong anak. Sa buong kurso ng kanyang pag-unlad, sinuman ang mga guro at iba pa, patuloy ninyong siyang turuan ng mga bagong kasanayan at gabayan siya sa mga pagsubok.
  • Modelo - Pagiging magandang halimbawa tungkol sa mga gawi, pag-uugali, moralidad, pagpapahalaga…atbp upang gayahin at igalang ng inyong anak. Maaaring kailangan ninyong suriin ang inyong mga sariling gawi at itigil ang mga hindi kanais-nais, hal. paninigarilyo at pagmumura, kung ayaw ninyong gayahin kayo ng inyong anak.
  • Tagapagpaginhawa at Tagasuporta - Higit pa sa pagbibigay ng kanyang mga pisikal na pangangailangan ang pagmamahal sa inyong anak. Kailangan kayo ng inyong anak upang hikayatin siya sa kanyang mga pagsisikap at ibahagi ang kanyang mga nararamdaman.
  • Sariling Eksperto ng Inyong Anak sa Pagiging Magulang - Kabilang dito ang:
    • pagkikilala sa mga nagbabagong pangangailangang pisikal at sikolohikal ng inyong anak habang lumalaki siya. Pagtuklas sa mga interes ng inyong anak dahil nagbabago ang mga ito habang tumatanda sila. Makatutulong ito upang mapahusay ang inyong komunikasyon sa kanya.
    • pagpapatuloy sa kaalaman at mga kasanayan ng pagiging magulang, hal. sa pamamagitan ng pagdalo sa mga programa ng pagiging magulang, pagbabasa ng mga aklat at magasin, at pagsurf sa internet atbp.
    • pagpapahusay ng inyong mga kasanayan sa pagiging magulang sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng mga karanasan sa iba pang magulang.

Pangmatagalang pangako ang pagiging magulang dahil walang makakapalit sa magulang. Maaaring makatulong ang mga kamag-anak, kasambahay at mga guro sa paaralan ngunit panghabang-buhay na responsibilidad ang pagiging magulang.

Ang Mga Kasiyahan at Pagsubok sa Hinaharap

Pagkatapos maging magulang, hindi maiiwasan ang mga pagbabago sa inyong buhay. Maaari ninyong maramdaman ang mga pagbabagong ito bilang ang mga pakinabang pati na rin mga kawalan, o bilang mga kasiyahan o pagsubok. Narito ang ilang halimbawa ng mga pagbabago sa hinaharap:

Mga Pakinabang/Kasiyahan

  • Bago ninyong sanggol
  • Bagong titulo na 'Ama' o 'Ina''
  • Bagong karanasan at kagalakan mula sa nakikita ninyong pag-unlad ng inyong sanggol
  • Kasiyahang nakakamit mula sa nakikitang malusog na paglaki ng inyong anak
  • Ang kasiyahang nagmula sa matalik na pakikipag-ugnayan sa inyong anak
  • Matamis na pakiramdam ng pag-ibig sa inyong anak
  • Kasiyahan kapag nakikita ang nakatutuwang mukha ng inyong anak
  • At napakarami pang iba...

Mga Kawalan/Pagsubok

  • Nabawasang oras ng pahinga, lalo na sa unang buwan
  • Mga limitasyon sa kalayaan
  • Nabawasang oras sa paglilibang, kasayahan at mga aktibidad sa buhay panlipunan
  • Tumaas na mga gastusin
  • Nabawasang pagkakataon para sa pag-unlad ng karera (kung nais ninyong maglaan ng mas maraming oras sa inyong sanggol)
  • Nabawasang pakikipagtalik sa inyong asawa dahil sa pagod
  • Nadagdagang mga alalahanin, pagkabigo at stress

Anuman ang inyong pananaw, hindi ninyo makakamit ang isa nang wala ang isa pa. Sa katunayan, nakabatay sa inyong inaasahan kung paano nararamdaman ang mga bagong personal na karanasang ito bilang magulang. Tutulong ang pagkakaroon ng makatotohanang mga inaasahan ng inyong sarili at inyong anak upang makaangkop nang maayos sa mga pagbabago hangga't maaari.

Mga Inaasahan sa Inyong Anak at sa Inyong Sarili

Sa Inyong Anak:

Mga Dapat

  • Pagkakaroon ng makatotohanang mga inaasahan.
  • Tandaan na walang perpektong bata. Pahalagahan ang mga katangian na mayroon ang inyong anak.
  • Maintindihan na natatangi ang bawat bata. Magkakaiba sila sa ugali at bilis ng pag-unlad.
  • Alagaan ang inyong anak ayon sa kanyang mga katangian, hal. ilang bata ang may kakaunting gana, kaya maaaring kailangang madalas na pakainin ng mga kaunting pagkain; maaaring mangailangan lamang ang ilan ng kaunting pagtulog.

Mga Hindi Dapat

  • Maging hindi makatotohanan sa inyong anak, hal. maliliit na magulang na umaasang lumaki at tumangkad ang kanilang anak.
  • Ikumpara ang inyong sanggol nang hindi kanais-nais sa iba pang sanggol.

Sa Inyong Sarili:

Mga Dapat

  • Pagkakaroon ng makatotohanang mga inaasahan.
  • Tandaan na walang perpektong magulang
  • Unawain na walang isang perpektong paraan upang palakihin ang anak. Kayo ang taong pinakanakakaintindi sa inyong anak.
  • Tandaan na hindi ninyo makokontrol ang lahat ng bagay. Isaalang-alang ang bawat karanasan bilang pagkakataon sa pagkatuto.
  • Unawain na nanggagaling sa mga negatibong saloobin ang paninisi sa sarili dahil sa panlulumo ng kalooban.
  • Unawain na hindi kasing sama ng iniisip ninyo ang mga bagay-bagay.

Mga Hindi Dapat

  • Maging hindi makatotohanan, hal. gustuhin ang inyong sarili na maging perpektong magulang sa pagpapalaki ng anak.
  • Ikumpara ang inyong sarili nang hindi kaaya-aya sa iba pang magulang.
  • Sisihin ang inyong sarili at manahan sa mga pagkabigo na hindi na mababago, hal., pag-asam ng sanggol na lalaki ngunit babae ang isinilang; hindi gustong pagbubuntis; may sakit ang anak.

Paano Makakayanan ang mga Positibo at Negatibong Damdamin sa Panahon ng Yugto ng Pag-a-adjust?

Mga Dapat

  • Tanggapin na magkakaroon ng mga pagbabago sa buhay ng pamilya matapos maisilang ang inyong sanggol. Karaniwan ang mga pabago-bago ng emosyon sa panahong ito ng pag-a-adjust.
  • Pag-aralan at alamin ang inyong sariling mga emosyon. Kung nangingibabaw ang kalungkutan, pagkamayamutin, pagkabalisa o kawalan ng pag-asa, harapin ito sa lalong madaling panahon.
  • Ikuwento ang inyong mga damdamin sa iba.
  • Maglaan ng oras upang magpahinga at mag-relaks.
  • Subukang balansehin ang pangangalaga sa bata, mga gawain sa bahay, pahinga at buhay pamilya. Magplano at maglaan ng oras at atensyon nang naaayon. Maaari ninyong iwasan mismo ang mga hindi kailangang gawaing-bahay upang magkaroon ng mas maraming oras para sa inyong pamilya at sa inyong sarili.
  • Maglaan ng ilang oras upang ipakita ang inyong pagmamahal sa iba pa ninyong anak. Ihanda ang kanilang emosyon upang tanggapin ang bagong silang na kapatid.
  • Bigyang-pansin ang inyong asawa upang mapanatili ang pagkakasundo bilang mag-asawa.
  • Kung maaari, humanap ng suporta sa pag-aalaga sa bata at gawaing-bahay upang mapawi ang inyong pagkabahala.
  • Unawain na maaaring mayroon ding hindi magandang saloobin ang inyong asawa katulad ninyo sa pagkaya sa mga stress na dulot ng mga pagbabago sa buhay.
  • Hayaan ang inyong asawa na makibahagi sa responsibilidad.
  • Mag-isip nang positibo. Subukang magkaroon ng tamang pananaw sa mga bagay-bagay. Pahalagaan ang mga kasiyahan ng pagiging magulang, Panatilihin ang ugaling mapagpatawa. Gaya ng sinasabi ng kasabihan, "Maaayos din ang mga bagay sa huli" at "Laging mayroong paraan".
  • Kung nahihirapan kayong kontrolin ang inyong mga emosyon o hindi agad makuha ang suporta ng pamilya, humingi ng propesyonal na tulong.

Mga Hindi Dapat

  • Isipin na wala nang pag-asa ang sitwasyon.
  • Huwag pansinin o pigilin ang mga negatibong damdamin o ilabas ito sa mga miyembro ng inyong pamilya.
  • Isipin na walang tutulong sa inyo.
  • Magpakapagod dahil sa mga hindi makatotohanang pag-utos sa inyong sarili.
  • Ilaan ang lahat ng inyong enerhiya sa inyong sanggol na mapababayaan ang iba pang miyembro ng pamilya. Maaaring makaramdam na napababayaan at naiinggit sa sanggol ang asawa at kapatid.
  • Sisihin ang bawat isa.

Mga Serbisyong Sumusuporta

  • Makipag-usap sa mga kaugnay na tauhan ng pangangalaga ng kalusugan tungkol sa anumang problema sa pag-aalaga ng bata, tulad ng mga problema sa pagpapakain, pagbabakuna, pagiging regular ng pagdumi at pag-unlad ng bata.
  • Mangyaring basahin ang aming mga polyeto ng impormasyon“Kalusugan ng Isipan Pagkatapos Manganak” at “Buntis siya! Paano ko mapangangalagaan ang kanyang mga damdamin?”, panoorin ang aming video “ Maging mabuti sa inyong sarili” at dumalo sa anumang workshop na inorganisa ng mga MCHC.
  • Kung nahihirapan kayong kontrolin ang inyong mga emosyon o nababahala sa mga isyu sa pamilya, maaari kayong humingi ng tulong mula sa mga Family Service Centre sa inyong komunidad.
  • Malugod na tatanggapin ang inyong pakikipag-ugnayan sa aming mga tauhan ng pangangalaga sa kalusugan para sa higit pang impormasyon sa mga institusyon ng serbisyo.

Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng "Masayang Pagiging Magulang!" para sa mga magiging magulang, mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.