Tulungan ang mga bata na magkaroon ng mga mabuting gawi sa pagkain
Bukod sa paghahanda at paghahain ng mga pagkain, ang sumusunod ay mga payo na maaaring sundin ng mga magulang para matulungan ang kanilang mga anak na kumaing mabuti at magkaroon ng malusog na gawi sa pagkain.
Magtakda ng isang huwaran sa pagkain nang mabuti
Gustong-gusto ng mga batang nasa preschool na tularan ang iba. Malamang na kainin nila ang mga nagugustuhan ninyong pagkain at tularan ang inyong pamumuhay tulad ng antas ng mga pisikal na gawain. Subukang kumain kasama ang inyong mga anak hangga’t maaari. Ipakita sa inyong mga anak na nasisiyahan kayo sa pagkain ng mga prutas, gulay, at buong butil sa mga pagkain at meryenda. Subukan ang mga bagong pagkain kasama sila.
Hayaan ang inyong mga anak na kumain kasama ang buong pamilya
Pinahihintulutan nito ang mga bata na tumutok sa pagkain at binibigyan kayo ng pagkakataong ipakita ang mabuting gawi sa pagkain. Subukang kumain kasama ang pamilya nang madalas hangga’t maaari.
Magbigay ng iba't ibang pagkain
Tumutulong ang pagbibigay ng iba’t ibang uri ng pagkain para makuha ng mga batang nasa preschool ang mga sustansyang kailangan nila mula sa bawat pangkat ng pagkain. Mas malamang din na susubukan nila ang mga bagong pagkain at kakain ng iba’t ibang uri bilang mabuting gawi sa pagkain.
Magbigay ng mga pagkaing hindi bababa sa 3-4 na pangkat ng pagkain sa pangunahing pagkain. Piliin ang masusustansyang pagkain bilang meryenda, hal. prutas, keso o mga produktong gawa sa gatas, tinapay na buong trigo, para palawakin ang saklaw ng masusustansiyang pagkain na kinakain.
Magbigay ng mga pagkain at meryenda sa regular na iskedyul
Magbigay ng 3 pangunahing pagkain at 2 o 3 meryenda bawat araw. Lagyan ng pagitan ang mga pangunahing pagkain at meryenda nang hindi bababa sa 1.5 oras para hindi mawala ang gana sa mga pangunahing pagkain. Magtakda ng makatuwirang limitasyon ng oras hal. 30 minuto para sa pagkain. Kung hindi na interesado ang inyong anak sa pagkain, maaaring busog na siya. Subukang iwasan na dagdagan ang mga ito ng gatas o mga meryendang gusto nila pagkatapos ng pangunahing pagkain. Hihikayatin nito ang inyong anak na libanan ang pangunahing pagkain at hintayin ang mga meryenda. Maging maluwag sa iskedyul ng pagbibigay ng meryenda, kung sinasabi ng inyong anak na nagugutom siya, bigyan siya ng kaunting masustansiyang meryenda nang mas maaga.
Hayaan ang inyong anak na magpasya kung gaano karami ang kakainin
Bigyan ang inyong anak ng kaunti at katamtamang dami ng pagkain. Sabihin sa kanila na maaari pa silang kumuha ng mas marami kung nagugutom pa sila. Huwag silang pilitin na ubusin lahat ng pagkain. Hayaan ang inyong anak na matuto at tumugon sa kanilang kabusugan. Hayaan silang magpasya kung gaano karami ang kakaining pagkain. Naiiwasan nito ang labis na pagkain at labis na katabaan kinalaunan. Ginagawa rin nitong mas kasiya-siya at walang stress ang oras ng pagkain.
Huwag sumuko na sumubok ng mga bagong pagkain
Hindi palaging agad na tinatanggap ng mga bata ang mga bagong pagkain at gulay. Kung minsan, umaabot ng higit pa sa 10 pagtatangka bago kusang subukan ng mga bata ang mga bagong pagkain.
Maging mabuting huwaran para sa inyong mga anak. Mas handa silang sumubok kung pareho ang kinakain ninyong pagkain.
Maaaring mas handang tumanggap ang ilang bata ng bagong pagkain na hinaluan ng mga pagkaing pamilyar sa kanila habang ang ilan ay hindi. Subukan ang iba’t ibang paraan sa paghahain ng pagkain, hal. ihain ang bagong pagkain nang simple at panatilihing hiwa-hiwalay ang mga pagkain sa mga pinggan.
Gantimpalaan ang inyong mga anak ng inyong atensyon, HINDI pagkain
Gantimpalaan ang inyong mga anak ng yakap, halik, papuri, oras ng paglalaro, oras ng kuwentuhan o mga gawain sa labas ng bahay kasama sila.
Ang paggantimpala sa mga bata ng pagkain ay ginagawang higit na nais ng mga bata ang pagkaing iyon. Kung gagamit tayo ng mga pagkaing matatamis o sitsirya bilang gantimpala, lalo pa nilang magugustuhan ang mga ganitong uri ng pagkain. Kung sasabihin natin sa mga bata na “ubusin mo muna ang iyong mga gulay at makukuha mo ang matamis na pagkain”, magkakaroon sila ng mas matinding pabor sa matatamis at aayawan ang mga gulay.
Iwasang gumamit ng pagkain para aliwin ang mga bata kapag nababalisa sila. Tinuturuan sila nitong maaliw sa pamamagitan ng pagkain. Pakalmahin sila gamit ang inyong mga yakap at halik, o pag-uusap.
Bumuo ng positibong kapaligiran sa pagkain
Isang pagkakataon ang oras ng pagkain para pahalagahan ng isang tao ang mga pagkain. Maaaring tumulong ang mga nakatatandang bata sa mga gawaing may kaugnayan sa pagkain, hal. pag-aayos ng mesa, paghuhugas ng mga prutas o gulay. Nakatutulong ito sa mga bata na pagyamanin ang pagkadama ng pagpapahalaga sa sarili at pagsasakatuparan ng gawain.
Magbigay ng kasiya-siyang paligid sa pamamagitan ng pag-upo para kumain kasama ang mga bata. Alisin ang lahat ng gambala, tulad ng mga laruan at mga elektronikong device. Dapat i-off ang telebisyon sa mga oras ng pagkain.
Maging mabuti ring halimbawa sa pagiging pisikal na aktibo para manatiling malusog. Gawing oras ng pamilya ang oras ng paglalaro. Maglakad, tumakbo at makipaglaro sa inyong mga anak sa halip na manood ng TV.