Paano ko matutulungan ang aking anak na huminto sa paggamit ng mga bote ng gatas?
Kailan dapat huminto ang mga bata sa paggamit ng mga bote?
Kapag kaya na ng mga bata na uminom ng tubig at gatas mula sa tasa, dapat na silang huminto sa paggamit ng mga bote. Mas maaga silang huminto, mas magiging madali ang proseso. Sa pangkalahatan, sa panahong 18 buwang gulang na ang inyong anak, dapat na silang ganap na huminto sa paggamit ng mga boteng may tsupon.
Nadaragdagan ang panganib na masira ang ngipin at magkaroon ng impeksyon sa tainga sa pinatagal na paggamit ng mga bote. Maaari din itong humantong sa labis na pag-inom ng gatas, kaya nawawalan ng gana ang mga bata sa mga oras ng pagkain.
Mayroon bang anumang praktikal na payo para sa matagumpay na pag-awat?
Una, hayaan ang inyong anak na masanay sa pag-inom mula sa mga tasa.
Pangalawa, magkaroon ng sapat na paghahanda ng isipan. Maaaring tumanggi ang ilang bata sa pag-inom ng gatas mula sa tasa at maaaring umangal o di kaya’y umiyak para sa kanilang mga bote, lalo na sa unang ilang araw ng pag-awat sa paggamit ng bote. Kailangan ninyong ipilit na hindi bumigay sa kahilingan. Huwag hayaan ang inyong anak na uminom ng gatas mula sa mga bote. Tandaan na makabubuti sa kanyang pangmatagalang kalusugan ang pag-awat sa paggamit ng bote. Tugunan ang mga emosyonal na pangangailangan ng inyong anak sa pamamagitan ng mas maraming paghalik, pagyakap at pakikipaglaro sa kanya. Ipaalam sa kanya na mahal pa rin ninyo siya.
Pangunahing dahilan ng pagkabigo sa pag-awat sa paggamit ng mga bote ang hindi pagsuporta ng mga miyembro ng pamilya gaya ng nais ninyo at pagbabagu-bago sa pangangasiwa ng kahilingan ng inyong anak sa paggamit ng bote, na nagreresulta sa pagpapadaig sa kanya. Kaya, mahalagang pag-usapan ng mga miyembro ng inyong pamilya at huwag magpabagu-bago.
Ikatlo, mahalaga na maunawaan na ang dami ng gatas na iniinom ng bata mula sa tasa ay karaniwang mas kaunti kaysa mula sa bote. Pagkatapos ng isang taon, ang mga batang umiinom ng 360 hanggang 480 ml gatas araw-araw, kasama ang mga pang-araw-araw na pagkain, ay nagbibigay ng kinakailangan nilang calcuim. Kapag umiinom siya ng mas kaunting dami ng gatas, mas gaganahan siyang kumain sa mga oras ng pagkain. Kaya, hindi kayo dapat mag-alala na hindi sila nakakukuha ng sapat na nutrisyon.
Tila mas mahirap ang "biglaang pag-awat". Mas madaling huminto sa paggamit ng bote gamit ang unti-unti at mapagmahal na paraan:
Kadalasan, mas madali para sa mga bata na makibagay kapag mas mauunang ihinto ang pag-inom mula sa bote sa araw. Bigyan siya ng halos 120ml gatas sa tasa at hayaan siyang uminom nang nakaupo. Sa pangkalahatan, matagumpay na maihihinto ang pag-inom mula sa baso sa umaga sa loob ng ilang araw. Pagkatapos, gamitin ang matagumpay na karanasan para isa-isang ihinto ang pag-inom mula sa bote sa umaga at bago matulog.
Para sa mga batang nasanay matulog habang umiinom mula sa bote, mahalaga na magkaroon ng mainam na rutina sa pagtulog. Bigyan ang inyong anak ng kaunting meryenda o isang tasa ng gatas bago matulog kung kailangan niya. Magsipilyo bago matulog at patulugin siya. Yakapin ang inyong anak, awitan ng awiting pampatulog, kuwentuhan siya at hagkan siya bago matulog para matugunan ang kanyang mga emosyonal na pangangailangan. Sa ganitong paraan, makakatulog siya nang mahimbing nang hindi umiinom ng gatas mula sa bote.