Impormasyon ng magulang: Bitamina D
(Inilathala 07/2016)
Mahalaga ang bitamina D para sa kalusugan ng buto. Tumutulong ang bitamina D sa pagsipsip ng calcium sa bituka, at pinananatili ang normal na antas ng calcium at phosphate sa dugo, pinapanatiling malakas ang buto. Ginagawa ang karamihan ng bitamina D sa ating katawan kapag nalantad ang balat sa sikat ng araw. Nanggagaling mula sa mga pagkain ang kaunting dami ng bitamina D.
Epekto ng kakulangan ng bitamina D
- Sa mga sanggol at bata, maaaring magdulot ng mga ricket ang tuloy-tuloy na mababang antas ng bitamina D, na nagreresulta sa malalambot na buto, dispormado na mga buto, mga pagkabali ng buto, mahinang paglaki, at mababang antas ng calcium sa dugo na maaaring humantong sa kumbulsyon.
- Kung walang sapat na bitamina D ang mga buntis, maaaring magkaroon ang kanilang mga anak ng mababang antas ng calcium sa dugo pagkatapos isilang o may mas mataas na panganib ng pagkakaroon ng mga ricket kinalaunan sa pagkabata.
- Sa mga matatanda, maaaring magresulta ang kakulangan sa bitamina D sa osteomalacia (malalambot na buto) at osteoporosis (malulutong na buto) na humahantong sa mas mataas na tsansa ng mga pagkabali ng buto. Iniuugnay rin ang mababang antas ng bitamina D sa kanser, diabetes at mga impeksyon.
Pagkalantad sa Araw at bitamina D
- Nabubuo ang bitamina D kapag nalantad sa sikat ng araw ang balat. Hindi tumutulong sa inyo ang paglalantad sa sikat ng araw sa likuran ng salamin ng bintana upang makakuha ng bitamina D dahil hinaharangan ng salamin ay ultraviolet B (UVB) sa sikat ng araw na kailangan upang gumawa ng bitamina D. Binabawasan din ng sun screen cream at mga kulay ng balat ang pagbuo ng bitamina D dahil pinipigilan nito ang mga sikat ng UVB na makaabot sa balat.
- Nakadepende ang dami ng bitamina D na nakukuha natin mula sa pagkalantad sa araw sa kung gaano katagal at gaano kadami ang nalantad na balat, ang kulay ng balat, ang panahon, ang klima at oras ng araw. Upang makakuha ng mas maraming bitamina D, pinakamahusay na ilantad ang mas malawak na bahagi ng inyong balat (hal. mga braso, at ibabang binti) nang maikling panahon kaysa sa maliit na bahagi (hal. mukha at mga kamay) nang mas matagal na panahon.
- Para sa karamihang tao, 5 hanggang 15 minuto ng karaniwang pagkalantad sa araw ng mga kamay, mukha at mga braso dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo sa panahon ng mga buwan ng tag-init ay sapat na para mapanatiling mataas ang antas ng bitamina D. Kailangan ng mga taong may mas maitim na balat ang mas matagal na panahon ng pagkalantad sa araw.
- Karaniwang hindi gaanong matindi ang sikat ng araw sa taglamig. Maaring kailanganin ang mas matagal na pagkalantad sa araw para sa parehong antas ng bitamina D sa taglamig.
Mga mapagkukunang pagkain ng bitamina D
- Natural na nagtataglay ang ilang pagkain ng bitamina D, kabilang sa mga halimbawa ang matatabang isda (hal. salmon, sardinas, tuna), pula ng itlog at atay.
- May dagdag na bitamina D ang ilang pagkain, tulad ng gatas ng baka at mga produktong gawa sa gatas, gatas na soya, katas ng prutas, at mga breakfast cereal. Tingnan ang tatak ng pagkain upang malaman kung pinayaman sa bitamina D ang produkto.
- Tumutulong ang pagkonsumo ng mga pagkaing ito sa pagkakaroon ninyo ng bitamina D; gayunman, mahirap na kumuha ng sapat na bitamina D mula sa pagkain lamang.
Pagkuha ng bitamina D mula sa karaniwang pagkalantad sa araw
- Gawin bilang rutina ang panlabas na mga pisikal na aktibidad. Tumutulong sa katawan upang makagawa ng bitamina D ang paglantad ng mga braso, mga kamay at mukha sa sikat ng araw nang kaunting oras araw-araw sa panahon ng mga aktibidad o ehersisyo sa labas.
- Dapat dalhin ng mga magulang ang mga sanggol at mga bata sa labas nang ilang maikling oras araw-araw, ilantad ang kanilang mga ulo, braso at hita sa sikat ng araw.
Bitamina D at mga sanggol
- Nakakukuha ang mga sanggol ng maliit na reserba ng bitamina D mula sa ina bago isilang. Pagkatapos isilang, kailangan ng mga sanggol na makakuha ng bitamina D mula sa sikat ng araw, sa gatas ng ina (o gatas na pormula kung hindi sila pinasususo), at mula sa mga pagkain.
- Nagbibigay ang gatas ng ina ng pinakamahusay na sustansya para sa mga sanggol. Gayunman, hindi nakakukuha ng maraming bitamina D ang mga sanggol mula sa gatas ng ina kapag may mababang antas ng bitamina D ang kanilang mga ina. Sa ilang bansa, tulad ng UK at US, inirerekomenda sa mga sanggol na pinasususo na uminom ng mga suplementong bitamina D.
- Karaniwang hindi kailangan ng mga sanggol na pinapainom ng gatas na pormula ng suplemento dahil naidagdag na sa pormula para sa mga sanggol ang bitamina D.
Mga taong nasa panganib na hindi makakuha ng sapat na bitamina D
- Mga sanggol na premature;
- Mga sanggol na ipinanganak ng mga ina na may kakulangan sa bitamina D o hindi nalantad sa sikat ng araw, lalo na kung pinasususo lamang sila;
- Mga sanggol na pinasususo lamang na may kaunting pagkalantad sa araw;
- Mga sanggol at tao na may mas maitim na balat;
- Mga taong ginugugol ang karamihan ng kanilang oras sa loob ng bahay;
- Mga taong pinapanatiling nakabalot ang lahat ng balat sa pananamit;
- Mga taong may mga sakit sa bato, sakit sa atay at iba pang hindi gumaling-galing na sakit.
Kung nag-aalala kayo, mangyaring kumonsulta sa inyong doktor upang masuri ang pangangailangan sa mga suplementong bitamina D.