para sa inyong maliliit na anak na pakainin ang kanilang mga sarili? (Mula 6 hanggang 24 na buwan)
Pagkatapos ng edad na 6 na buwan, gusto ng mga sanggol na magkaroon ng kaunting kontrol sa kanilang kapaligiran. Sa pamamagitan ng mas mabuting koordinasyon ng kamay at mata, naaabot na ng mga sanggol ang mga kutsara at pagkain habang oras ng pagkain. Ito ang tamang panahon para hayaan silang matutong pakainin ang kanilang mga sarili.
Paano pinapakain ng maliliit na bata ang kanilang mga sarili?
- Sa edad na 8 buwan, kinukuha na ng mga bata ang pagkain at kinakain ito. Kinukuha na rin nila ang kutsara at isinusubo sa bibig;
- Sa halos 1 taong gulang, inilalagay na ng mga bata ang kutsara sa pagkain at saka isusubo ang kutsara sa bibig;
- Unti-unti, nagagawa ng mga bata na kumuha ng pagkain gamit ang kutsara. Kasabay nito, kaya na nilang gumamit ng tinidor;
- Sa halos 2 taong gulang, sanay na sila sa paggamit ng kutsara;
- Sa pamamagitan ng pagsasanay, magiging bihasa sila at magagawa nilang gamitin ang kutsara nang walang natatapon.
Maaring maging makalat ang pagpapakain sa sarili; ngunit mahalagang bahagi ito sa paglaki ng inyong anak. Natututo ang mga bata sa pamamagitan ng pag-eeksperimento. Kung hindi gaano bibigyan ng maliliit na pagkakataon ang mga bata na pakainin ang kanilang mga sarili alang-alang sa kalinisan, hahadlangan sila nitong matutong pakainin ang sarili sa wastong edad.
Dapat ninyong bigyang-pansin ang mga sumusunod:
- Bigyan ang inyong sanggol ng kubyertos na ligtas at madaling gamitin;
- Linisin ang kanyang mga kamay at lagyan ng bib bago pakainin;
- Alisin sa mesa ang lahat ng bagay na maaaring maging sanhi ng kapahamakan o maaaring makagambala sa kanya. Ihain ang mga pagkain sa angkop na temperatura;
- Hayaan ang inyong sanggol na pakainin ang kanyang sarili gamit ang mga daliri:
- Magbigay ng mga piraso ng pagkain na sapat ang laki para mahawakan ng inyong sanggol (tulad ng 7-10 cm na nilutong tangkay ng gulay, kamote, finger biscuit, pira-pirasong tustadong tinapay);
- Kung aagawin ng inyong sanggol ang kutsara habang pinapakain, hayaan siyang kunin ito at pakainin siya gamit ang isa pa;
- Purihin ang inyong sanggol kapag pinapakain niya ang kanyang sarili;
- Iwasang punasan/linisin ang mga kamay ng inyong sanggol nang madalas sa tuwing oras ng pagkain, dahil maaaring magambala nito ang kanyang interes sa pagkain.
Paano tulungan ang maliliit na bata na matutong kumain gamit ang kutsara?
Gamit ang dalawang kutsara na paraan, maaari ninyong pakainin nang mahusay ang inyong sanggol habang pinapakain niya ang kanyang sarili:
- Bigyan ng kutsara ang inyong sanggol habang pinapakain siya gamit ang isa pa. Kung angkop, ilagay ang pagkain sa kanyang kutsara at hayaan siyang kainin ito;
- Isa pang paraan ang pagbibigay ng kutsarang walang laman sa inyong sanggol, saka ito palitan ng kutsarang may pagkain at hayaan siyang pakainin ang kanyang sarili. Paulit-ulitin habang nilalagyan ninyo ng pagkain ang kutsara, pinapakain niya ang kanyang sarili;
- Kung hindi masandok ng sanggol ang pagkain, maaari ninyong ilagay ang pagkain sa kanyang kutsara gamit ang isa pang kutsara o hatiin sa mas maliliit na piraso ang pagkain para mas madali niya itong masandok;
- Hawakan ang mangkok para sa inyong sanggol kapag kinakailangan;
- Sa simula, makalat ang pagpapakain sa sarili at maaaring mapunta ang pagkain kung saan-saan. Ngunit maging mahinahon at matiyaga. Kung palaging ginagawa, matututo siyang kumain nang hindi ninyo tinutulungan;
- Samahan ang inyong sanggol at asikasuhin siya sa tuwing kumakain siya.
Paano tulungan ang maliliit na bata na gumamit ng tinidor?
- Ang pagtulong sa inyong anak na gumamit ng tinidor ay katulad rin sa paggamit ng kutsara. Pumili ng tinidor na mayrong maiikli at hindi matatalas na ngipin. Bigyang-pansin ang parehong texture at laki ng mga pagkain. Dapat malambot ang mga pagkain, tulad ng saging o kiwi. Hiwain nang mas maliliit ang pagkain (halos 1 cm) kung hindi pa tumutubo ang mga harap na ngipin ng sanggol. Nakatutuwa para sa inyong sanggol ang pagkain ng mga hiniwang prutas o macaroni gamit ang tinidor;
- Ipakita sa inyong sanggol kung paano gumamit ng tinidor. Hayaan muna siyang manood at saka siya pahintulutang magsanay;
- Maaaring mahirapan ang inyong sanggol sa pagkuha ng pagkain gamit ang tinidor dahil gumagalaw ang pagkain; maaari ninyo siyang tulungan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pagkain sa posisyon nito.