Gabay sa Pagpapasuso sa Bote

(Binago ang nilalaman 12/2019)

Mga pagsasaalang-alang para sa pagpapasuso ng pormula para sa sanggol

Kung para sa ilang dahilan, hindi magpapasuso ang mga magulang o nakapagdesisyon na hindi magpapasuso ng gatas ng ina sa sanggol, maaari lamang nila siyang bigyan ng pormula para sa sanggol sa kanyang unang ilang buwan ng buhay.

Dapat maunawaan ng mga magulang na kapag pinasuso ang sanggol ng pormula para sa mga sanggol, kaunting gatas na lang ang magagawa ng dibdib ng ina. Maaari ding humina ang intensyon ng ina na magpasuso.

Magastos ang pormula para sa sanggol. Maaaring kailanganing gumastos ng mga magulang ng malaking halaga ng pera sa pormula para sa sanggol sa unang taon (halimbawa, nagkakahalaga ang isang lata ng 900 gram ng pormula para sa sanggol ng $250 at kumukonsumo ang sanggol ng 3 hanggang 4 na lata kada buwan. Gagastos ang mga magulang ng $9,000 hanggang $12,000 sa unang taon).

Magagamit ang pormula para sa sanggol sa dalawang anyo: ang pangkomersyal na isterilisado at handang ipainom na likidong pormula at pulbos na pormula para sa sangol. Hindi isterilisadong produkto ang pulbos na pormula para sa sanggol. Mahalaga ang ligtas na paghahanda ng gatas na pormula at paggamit ng kagamitan sa pagpapasuso na tama ang isterilisasyon upang maprotektahan ang sanggol mula sa panganib na makakuha ng impeksyon.

Ang gatas ng ina ay higit pa sa natural na pagkain ng sanggol...

Mainam na mapagkukunan ng mga sustansiya ang gatas ng ina para sa paglaki at pag-unlad ng sanggol. Nagtataglay rin ito ng antibodies at buhay na mga selula ng imyuno mula sa ina, mga enzyme, at iba pang mahahalagang sustansya na hindi makukuha mula sa pormula para sa sanggol. Pinahuhusay ng mga sangkap na ito ang imyunidad ng sanggol at binabawasan ang tsansa na maipasok sa ospital dahil sa impeksyon sa dibdib o pagtatae. Tumutulong din ang gatas ng ina sa pagtunaw at pagsipsip ng mga sustansiya.

Maginhawa, matipid sa oras, matipid sa pera at mainam sa kapaligiran ang pagpapasuso ng gatas ng ina. Pinatitibay nito ang ugnayan sa pagitan ng ina at sanggol, at nakakaramdam ng kaligtasan ang sanggol. Nakikinabang din ang mga ina sa pagpapasuso. Mas kaunti ang tsansa ng mga nagpapasusong ina na magkaroon ng anemia at matinding pagdurugo pagkatapos manganak. Sinusunog nito ang mga kaloriya at tumutulong sa matris na bumalik sa normal na laki, kaya mas mabilis na bumabalik sa dating pangangatawan ang mga nagpapasusong ina. Pinoprotektahan din ng pagpapasuso ang mga ina mula sa kanser sa obaryo at suso.

Nilalaman

Ano ang pormula para sa bata?

  • Ang karamihang pormula para sa sanggol ay gawa mula sa gatas ng baka na naproseso upang gawing angkop para sa mga sanggol. Mayroon ding mga pormula para sa sanggol na gawa mula sa gatas ng kambing o protina ng soya.
  • Dapat matugunan ng mga sangkap na pangnutrisyon ng mga pormula para sa sanggol ang pamantayan ng Codex Alimentarius Commission, at masapatan, nito mismo, ang mga kinakailangang pangnutrisyon ng mga sanggol sa mga unang buwan ng buhay hanggang sa pagpapakilala ng angkop na karagdagang pagpapakain.1

Paano pumili ng angkop na pormula para sa bata?

  • Angkop para sa kalusugan ng mga sanggol mula pagsilang ang mga pormula para sa sanggol na gawa sa gatas ng baka, kadalasang tinatawag na "Stage 1 formulae".
  • Maaaring gamitin ang mga pormula para sa sanggol na gawa sa soya kapag may galactosaemia (namamanang sakit na nagpapahina sa kakayahan ng katawan na magproseso at gumawa ng enerhiya mula sa asukal na galactose) ang sanggol o kapag hindi siya maaaring uminom ng pormula na gawa sa gatas ng baka dahil sa kultura o relihiyon.
  • Magkakapareho ang sangkap na pangnutrisyon ng mga pormula para sa sanggol. Maaari kayong magpasya ayon sa supply sa merkado o pansariling pagpili. Kung kailangan, maaari kayong humingi ng payo mula sa inyong doktor o nars. Sa pangkalahatan, hindi dapat makaapekto sa kalusugan ng sanggol ang paglipat sa ibang tatak.
  • Mas mahina laban sa mga impeksyong sanhi ng bakterya ang mga sanggol na isinilang nang kulang sa buwan at mga sanggol na may mahinang sistema ng imyunidad. Kung maaari, dapat piliin ang ligtas sa mikrobyo at handa nang ipainom na likidong mga pormula para sa sanggol.2

Maliban kung ipinayo ng doktor, dapat lang bigyan ang mga sanggol na wala pang 6 na buwang gulang ng pormula para sa sanggol.

Pagkatapos ng 6 na buwan, maaari silang magpatuloy sa pormula para sa sanggol. Pagkatapos ng 12 buwang gulang, maaari na silang magsimulang uminom ng purong gatas ng baka.

1Sumasailalim sa regulasyon ng batas ang sangkap na pangnutrisyon ng pormula para sa sanggol na ibinebenta sa Hong Kong. Dapat itong magbigay ng etiketa ng nutrisyon na nagpapakita ng mga taglay na enerhiya at sustansya. Bisitahin ang webpage ng Sentro para sa Kaligtasan ng Pagkain (Centre for Food Safety) para sa mga detalye.

2Sentro para sa Kaligtasang ng Pagkain (Centre for Food Safety), Kagawaran ng Pagkain at Kalinisan ng Kapaligiran (Food and Environmental Hygiene Department). Focus sa Kaligtasan ng Pagkain (Food Safety Focus) (ika-28 Isyu, Nobyembre 2008).

T. Mayroon bang anumang pormula para sa sanggol na nagpapababa ng panganib na magkaroon ng allergy ang sanggol?

  • Pinakamahusay na paraan ang pagpapasuso ng gatas ng ina upang maprotektahan ang mga sanggol mula sa pagkakaroon ng allergy.
  • Walang naipakitang mga produktong pormula para sa sanggol na may makabuluhang epekto upang makaiwas ang malulusog na sanggol mula sa pagkakaroon ng allergy. Kung mayroong miyembro ng pamilya na mayroong allergy, pinakamahusay na pasusuhin ng gatas ng ina ang inyong sanggol. Humingi ng payo sa inyong doktor kung isinasaalang-alang ninyong pasusuhin ang inyong sanggol ng pormula para sa sanggol.

T. Ano-ano ang mga pagpipiliang pormula para sa sanggol ang may allergy sa gatas ng baka?

  • Kumonsulta sa inyong doktor kung nag-aalala kayo na may allergy sa gatas ng baka ang inyong sanggol. Para sa mga sanggol na na-diagnose na may allergy sa protina ng gatas ng baka, maaaring ireseta ng mga doktor ang espesyal na pormula3, gaya ng pormula na na-hydrolyze nang husto at pormula na amino acid. Importante na sundin ang mga tagubilin ng mga doktor tungkol sa pagpili ng mga produkto.
  • Hindi angkop ang mga pormula na gawa sa soya o gatas ng kambing para sa mga sanggol na may allergy sa gatas ng baka dahil maaaring may allergy din ang mga sanggol na ito sa soya o gatas ng kambing.

3Nangangahulugan ang ”Special formula” na pormula para sa espesyal na mga medikal na layunin para sa mga sanggol at maliliit na bata.

T. Matigas ang dumi ng aking sanggol. May kaugnayan ba ito sa pormula para sa sanggol?

  • Sa pangkalahatan, hindi karaniwan ang pagtitibi sa mga sanggol sa unang anim na buwang gulang. Gayunman, maaaring mangyari ang pagtitibi nang pansamantala kapag lumipat sila mula sa gatas ng ina papuntang pormula para sa sanggol o lumipat sa isang bagong tatak ng pormula. Bukod dito, maaaring magtibi ang mga sanggol kung hindi inihanda nang tama at kakaunti ang tubig na idinagdag sa pormula para sa sanggol. Tingnan ang mga tagubiling nasa pakete ng pormula. Siguraduhing ginagamit ang tamang dami ng tubig at pulbos na pormula para sa sanggol sa paggawa ng ipaiinom na gatas. Laging ilagay nang una ang tubig sa bote at idagdag pagkatapos ang pulbos na pormula. Kung kinakailangan, maaari ninyong bigyan ng kaunting tubig ang inyong sanggol sa pagitan ng mga pagkain.

T. Paano ko tutulungan ang aking sanggol na lumipat sa ibang tatak ng pormula para sa sanggol?

  • Walang partikular na patakaran kung paano lilipat sa mga tatak ng pormula para sa mga sanggol. Kung medyo madaling tanggapin ng inyong sanggol ang bagong lasa, maaaring basta na lang lumipat ang mga magulang sa bagong tatak sa iisang pagsubok. Bilang kapalit, maaari ninyong dagdagan ang bilang ng mga pagpapasuso ng bagong tatak nang unti-unti.
  • Nag-iiba-iba ang ratio ng pulbos na gatas at tubig sa iba't ibang tatak. Hindi ninyo dapat paghaluin ang dalawa o higit pang tatak ng pulbos na gatas kapag naghahanda ng ipaiinom na gatas.
  • Sa paglipat sa ibang tatak ng pormula, maaari ninyong mapansin ang pagbabago sa dumi ng inyong sanggol. Karaniwang dulot ito ng banayad na pagkakaiba sa komposisyon ng mga sangkap ng iba't ibang tatak, at hindi nakakaapekto sa kalusugan ng sanggol.

Hindi angkop ang <follow-on na pormula >para sa mga sanggol na wala pang 6 na buwan

Nagtataglay ng mas maraming protina ang kasunod na pormula (iyon ay "Stage 2" o "Stage 3 na pormula"). Maaaring i-overload ng labis na protina ang mura pang mga bato ng mga bagong silang na sanggol at maaaring humantong sa pagkaubos ng tubig sa katawan, pagtatae o pinsala sa utak.

Mga uri ng gatas na iiwasan para sa mga sanggol na wala pang isang taong gulang:

  • Gatas ng kambing
  • Gatas na gawa sa soya
  • Gatas na ebaporada
  • Gatas na kondensada
  • Purong gatas o gatas na mababa sa taba

Anong kagamitan ang kailangan sa pagpapasuso ng gatas sa bote?

  • Mga gamit sa pagpapakulo (gaya ng malaking kaldero, de-kuryente o microwave na pasingawan upang maisterilisa)
  • Mga bote sa pagpapasuso ng gatas at mga tsupon na angkop ang laki at materyal
  • Brush ng bote at brush ng tsupon
  • Mga panipit para makuha ang mga bote at tsupon matapos pakuluan

Paano pumili ng mga bote at tsupon?

Pagpili ng mga bote

  • Gumamit ng babasaging bote o boteng plastik na walang bisphenol A (BPA).
  • Hindi dapat matapyas kaagad at dapat na hindi mapanganib ang mga kulay ng mga dekorasyon at mga marka na nasa mga bote.
  • Malinaw ang mga bote na may madaling basahin na marka sa gilid. Madaling makita ang mga loob na bahagi ng mga bote.
  • Dapat na madaling linisin ang mga ito.
  • Dapat angkop ang mga laki ng bote.

Pagpili ng mga tsupon

  • Dapat angkop ang laki ng mga tsupon para sa edad ng sanggol.
  • Karaniwang walang ipinagkakaiba sa pagpapasuso ang hugis at materyal ng tsupon. Malambot at nababaluktot ang mga tsupon na gawa sa latex. Mas matibay ang mga tsupon na silicone at mas matagal na nananatili ang hugis.
  • Dapat na angkop ang laki ng butas ng tsupon upang tumulo ang gatas sa bilis na halos isang patak kada segundo kapag nakatagilid ang bote. Kung napakaliit ng butas, maaaring mapagod ang sanggol sa pagsipsip. Kung napakalaki, maaaring mabulunan ang sanggol sa gatas dahil masyadong mabilis na lumalabas ang gatas.
  • Gumamit ng mga bote at tsupon na sumusunod sa pamantayan ng kaligtasan (gaya ng European standard EN 14350). Suriin na walang bisphenol A (BPA) ang mga bote.
  • Palitan ang mga bote kapag malabo na ang mga marka.
  • Itapon ang mga basag o sirang bote at tsupon.

Paano linisin, pakuluan at itabi ang mga gamit sa pagpapasuso?

Dapat hugasang mabuti at pakuluan ang lahat ng gamit sa pagpapasuso ng gatas ng ina o pormula para sa mga bata. Kabilang sa mga ito ang mga bote, tsupon, takip ng bote, ring at iba pang aksesorya gaya ng mga panipit at kutsilyo.

  1. Paano linisin ang mga gamit sa pagpapasuso
    • Bago linisin ang mga gamit sa pagpapasuso, hugasan ang inyong mga kamay gamit ang sabon at tubig. Linisin ang ibabaw ng lugar ng paggawa gamit ang mainit at may sabong tubig.
    • Hugasan kaagad ang mga bote, tsupon at panipit sa maligamgam at may sabong tubig pagkatapos magpasuso gamit ang malinis na brush ng bote. Siguraduhin na walang anumang natirang gatas na naiwan sa loob. Pagkatapos ay banlawan nang mabuti ang kagamitan sa dumadaloy na tubig.

    Mabilis na dumarami ang bakterya sa mga bitak. Tingnang mabuti kapag hinuhugasan ang mga bote at tsupon. Itapon ang mga sirang gamit.

  2. Pagpapakulo ng gamit sa pagpapasuso sa bote

    Maaari kayong pumili mula sa mga sumusunod na paraan sa pagpapakulo ng gamit sa pagpapasuso:

    1. Pag-iisterilisa sa pamamagitan ng pagpapakulo
      • Siguraduhin na maaaring pakuluan ang kagamitan.
      • llagay ang mga nalinis na kagamitan sa isang malaking kaldero. Lagyan ang lahat ng item ng tubig at siguraduhin na walang bula ng hangin na na-trap.
      • Ilagay ang takip sa kaldero. Pakuluan ang kagamitan sa pagpapakain nang 10 minuto. Pagkatapos ay i-off ang init at hayaang lumamig ang tubig.
      • Panatilihing may takip ang kaldero hangga't kailangan ang kagamitan sa pagpapasuso.*
    2. Pag-isterilisa sa singaw gamit ang de-kuryente o microwave na pang-isterilisa
      • Sunding mabuti ang mga tagubilin ng tagagawa.
      • Siguraduhin na nakataob sa pang-isterilisa ang mga bibig ng bote at tsupon.
      • Alisin lang ang gamit sa pagpapasuso kapag maghahanda kayo ng pakain.
      • Kapag nabuksan na ang pang-isterilisa, kailangang muling maisterilisa ang laman nito.*
    3. Using chemical sterilising solution
      • Sundin ang mga tagubilin ng tagagawa para sa isterilisasyon at pagpapalit ng solusyon ng pag-isterilisa. Para sa karamihang produkto, palitan ang solusyon bawat 24 na oras.
      • Ilagay ang mga kagamitan sa pagpapasuso sa solusyon ng pag-isterilisa. Siguraduhing walang na-trap na bula ng hangin sa loob ng mga bote at tsupon. Maglagay ng lumulutang na takip sa ibabaw ng kagamitan upang mapanatiling nasa solusyon ng pag-isterilisa ang lahat ng item.
      • Iwanan ang lahat ng item sa solusyon ng pag-isterilisa nang hindi bababa sa 30 minuto.

      *Kung inalis ang kagamitan mula sa pang-isterilisa bago ito kailanganin, mangyaring sumangguni sa 'Pagtatabi ng kagamitan sa pagpapasuso na inisterilisa'

  3. Pagtatabi ng kagamitan sa pagpapasuso na inisterilisa
    • Upang maiwasan ang muling kontaminasyon, mainam na alisin ang kagamitan sa pagpapasuso bago lamang ito kailanganin.
    • Bago alisin ang kagamitan mula sa pang-isterilisa, hugasang mabuti ang inyong mga kamay gamit ang sabon at tubig, at pagkatapos ay tuyuin ang mga ito gamit ang malinis na tuwalya. (Mangyaring sumangguni sa polyeta na "Kalinisan ng Kamay --- isang madali at mabisang paraan upang maiwasan ang impeksyon".)
    • Kung hindi ginamit kaagad ang inisterilisang mga bote at iba pang kagamitan, alisin ang mga ito gamit ang isterilisadong mga panipit at ilagay ang mga tsupon at takip pabalik sa mga bote. Itabi ang lahat sa isang malinis at may takip na sisidlan.

Paano ihanda ang gatas na pormula para sa sanggol nang ligtas?

Sundin ang mga hakbang na ito:

  1. Pakuluan ang tubig

    Pakuluan ang sariwang tubig sa gripo o distilled water. Kung gumagamit kayo ng de-kuryenteng takure, dapat pakuluan ang tubig hanggang mag-off ang supply ng kuryente ng takure.

  2. Linisin ang ibabaw para sa paghahanda ng gatas at hugasan ang inyong mga kamay

    Linisin at idisimpekta ang ibabaw kung saan kayo gagawa ng gatas na pormula para sa sanggol. Hugasan ang inyong mga kamay gamit ang sabon at tubig, at pagkatapos ay tuyuin ang mga ito gamit ang malinis na tuwalya o papel na tisyu.

  3. Alisin ang isterilisadong bote

    Kumuha ng isang isterilisadong bote at ipagpag ang tubig sa loob ng bote at tsupon. Kung inalis ang bote mula sa solusyon na pang-isterilisa, ipagpag ang sobrang solusyon at banlawan ito gamit ang pinakulong tubig mula sa takure.

    Nakaboteng tubig

    • Nagtataglay ang tubig na mineral ng mataas na antas ng asin. Hindi ito dapat gamitin sa pagpapadodo sa mga sanggol.
    • Kung ginagamit pa rin ang nakaboteng distilled water, pakuluan ito bago gumawa ng gatas na pormula para sa sanggol.

Basahin ang mga tagubilin sa pakete ng pormula para sa sanggol. Sukatin nang tumpak ang dami ng tubig at pulbos na gatas.

Gumamit ng tubig na hindi bababa sa 70°C sa paggawa ng mga gatas na pormula. Gumawa ng sariwang bote ng pormula sa tuwing kailangan ng sanggol ng gatas. Tumutulong ang mga gawing ito upang mabawasan ang panganib ng mga impeksyon sa inyong sanggol.

  1. Punuin ang bote ng tamang dami ng mainit na tubig

    Ilagay ang tamang dami ng mainit na tubig sa isterilisadong bote. Hindi dapat mas malamig sa 70ºC ang tubig. Karaniwan, mananatiling nasa 70ºC o mas mataas ang tubig sa loob ng 30 minuto matapos pakuluin.

  2. Idagdag ang tamang dami ng pulbos na pormula para sa sanggol

    Sukatin ang pulbos na pormula gamit ang panalok na kasama sa pakete o lata. Punuin ang panalok ng pulbos na pormula nang buhaghag. Pagkatapos ay patagin gamit ang tuwid na gilid ng kutsilyo.

    Sumukat ng isang lebel na panalok ng pulbos na pormula sa bawat pagkakataon. Idagdag ang eksaktong dami ng pulbos na pormula sa boteng may lamang tubig ayon sa tagubilin na nasa pakete.

    Mga pangunahing punto

    Gumawa ng mga gatas na pormula para sa sanggol gamit ang mainit na tubig na may temperaturang hindi bababa sa 70ºC. Pinapatay nito ang mapanganib na bakterya na maaaring naroon sa pulbos na pormula para sa sanggol.4

    4World Health Organization sa pakikipagtulungan sa Food and Agriculture Organization ng United Nations. 2007. Ligtas na paghahanda, pagtatabi at paggamit ng pulbos na pormula para sa sanggol: mga patnubay. World Health Organization.

  3. Banayad na kalugin ang bote

    Ikabit ang tsupon, takip at iba pang aksesorya sa bote. Kalugin/iikot hanggang matunaw ang pulbos.

  4. Palamigin ang gatas

    Palamigin ang gatas sa angkop na temperatura sa pamamagitan ng paglalagay sa bote sa umaagos na tubig sa gripo o paglalagay sa bote sa isang sisidlan na may malamig na tubig. Siguraduhing nasa ibaba ng takip ang tubig na pampalamig at hindi umaabot sa tsupon.

  5. Tingnan ang temperatura

    Upang maiwasang mapaso ang bibig ng sanggol, tingnan ang temperatura ng gatas na pormula sa panloob na gilid ng inyong pulso bago ipasuso. Ulitin ang pagpapalamig hanggang maging maligamgam ang gatas.

    Mga pangunahing punto

    Ubusin ang inihandang gatas na pormula sa loob ng 2 oras upang mapababa ang panganib ng impeksyon.

Paano itabi ang inihandang gatas na pormula para sa bata?

  • Pinakamahusay na gumawa ng sariwang gatas sa tuwing kailangan ng inyong sanggol, at ubusin ito kaagad.
  • Kung kailangan ninyong gumawa ng gatas nang maaga, palamigin kaagad ang gatas matapos itong maihanda at itabi sa refrigerator sa temperaturang 4℃ o mas mababa.
  • Itapon ang mga gatas na nasa refrigerator kung hindi nagamit ang mga ito sa loob ng 24 na oras.

Paano muling ipainit ang gatas?

  • Muling ipainit ang gatas na inilagay sa refrigerator nang hindi lalampas sa 15 minuto. Muling ipainit ang gatas sa pamamagitan ng paglalagay ng bote sa isang sisidlan na may mainit na tubig. Siguraduhing hindi umaabot ang lebel ng tubig sa takip o tsupon. Paikutin ang bote paminsan-minsan upang masiguro na umiinit nang pantay ang gatas.
  • Sundin ang mga tagubilin ng tagagawa kung gumagamit ka ng pampainit ng bote.
  • Huwag kailanman muling ipainit ang mga natirang gatas.

Mga pangunahing punto

  • Dapat ubusin ang gatas na pormula sa loob ng 2 oras ng muling pagpapainit. Itapon ito kung hindi naubos sa loob ng oras na iyon.
  • Huwag kailanman gumamit ng microwave oven upang muling ipainit ang mga gatas na pormula na galing sa refrigerator. Hindi pantay ang pagpapainit sa gatas gamit ang microwave. Maaari nitong mapaso ang sanggol.

T. Paano ako makapaghahanda ng gatas na pormula kapag malayo sa bahay?

  • Kung kailangan ninyong pasusuhin ang inyong sanggol kapag malayo sa bahay, maaari kayong pumili ng isterilasadong likidong pormula para sa sanggol na handa nang ipainom. Kung pipiliin ninyong gumawa ng gatas gamit ang pulbos na pormula para sa sanggol nang malayo sa bahay, bigyang-pansin ang mga pamamaraan at siguraduhin na isterilisado ang lahat ng kagamitan sa pagpapasuso.
  • Dahil kailangan ng oras sa isterilisasyon, pinapayuhan ang mga magulang na ihanda nang maaga ang mga isterilisadong bote at sisidlan. Bago lumabas, ilagay ang pulbos na pormula para sa sanggol sa isang tuyong sisidlan. Ibuhos ang tubig na bagong pakulo sa isang termos at ilagay ang takip nang mahigpit. Tumutulong ito na panatilihin ang temperatura ng tubig na nasa 70℃ o mas mataas para sa paggawa ng gatas na pormula.

T. OK ba na ihanda muna ang gatas na pormula bago kami lumabas?

  • Pinakaligtas na bigyan ang inyong sanggol ng sariwang inihandang gatas sa lahat ng oras. Gumawa ng sariwang gatas kapag kailangan ito ng inyong sanggol. Kung kailangan ninyong magdala ng gatas na nauna nang inihanda, palamigin kaagad ang gatas matapos itong gawin at itabi sa refrigerator sa temperaturang 4℃ o mas mababa. Ilang sandali bago kayo umalis ng bahay, ilagay ang inihandang gatas sa isang malamig na bag na may pakete ng yelo para sa pagdadala. Tandaan na dapat ubusin sa loob ng dalawang oras ang ginawang pormula na mula sa refrigerator.

Kailan ko dapat pasusuhin ang aking sanggol?

Nagpapakita ng hudyat ng pagkagutom at pagkabusog ang mga sanggol sila man ay pinasususo o pinaiinom sa bote.

  • Kapag gutom, maghahanap ng gatas ang inyong sanggol.
  • Pasusuhin ang inyong sanggol kapag napansin ninyo itong mga maagang palatandaan ng pagkagutom:
    • Nagigising at gumagalaw
    • Hinihimod ang mga labi
    • Ibinabaling ang kanyang ulo upang maghanap na bukas ang bibig
    • Sinisipsip ang kanyang kamay o kamao
  • Kadalasang mga huling hudyat ng pagkagutom ang pag-iyak at pagiging maselan. "Sobrang gutom" na ang mga sanggol sa oras na iyon. Gayunman, maaaring umiyak ang sanggol na iba ang dahilan.
  • Ang pagpapasuso ay oras ninyo ng inyong sanggol na maging malapit sa isa't isa. Hawakan ang inyong sanggol nang nakadikit sa inyo habang pinasususo. Ginagawa nitong maramdaman niya ang hinahon, kaligtasan at init.
  • Kung hindi ninyo mapasuso mismo ang sanggol, magkaroon ng mga pagkakataong yakapin siya at asikasuhin siya sa ibang pang-araw-araw na rutina. Nakatutulong din ito sa inyong sanggol na mapalapit sa inyo.

Paano pasusuhin ang sanggol?

Irelaks ang inyong sarili. Isang espesyal na sandali ang pagpapasuso kapag maaari kayong magkaugnayan sa isa't isa ng inyong sanggol. Habang pinasususo ang inyong sanggol, panatilihin ang pagtitig at kausapin siya nang malumanay.

Pagpapasuso sa sanggol

  1. Hugasan ang inyong mga kamay bago pasusuhin ang sanggol. Ilagay ang bib sa kanya. Iposisyon ang inyong sarili nang maginhawa at kumuha ng upuang may suporta sa braso.
  2. Hawakan ang inyong sanggol na malapit sa inyo na ang kanyang ulo at leeg ay nakapahinga sa inyong siko. Kadalasang mas komportable ang mga sanggol sa paghinga at paglunok sa ganitong medyo nakatayong postura.
  3. Hayaang makita ng inyong sanggol ang bote ng gatas. Marahang ilapit ang tsupon sa kanyang mga labi. Gaganti siya at ibubukas ang kanyang bibig, pagkatapos ay ipasok ninyo ang tsupon.
  4. Bahagyang itagilid ang bote upang panatilihing puno ng gatas ang tsupon habang pinaiinom ng gatas, upang hindi makalunok ng napakaraming hangin ang inyong sanggol.
  5. Kapag huminto ang inyong sanggol o bumagal sa kanyang pagsipsip, bahagyang igalaw ang tsupon palabas. Kung gusto pa rin ng sanggol na sumuso ng gatas, hihilahin niya itong muli. Huminto upang padighayin ang inyong sanggol kung iluwa niya ang tsupon. Muling ialok ang bote pagkatapos dumighay. Ihinto ang pagpapasuso ng gatas kung magpakita siya ng mga hudyat ng pagkabusog.

Obserbahan ang sanggol habang pinasususo ng gatas:

  • Alamin ang mga hudyat ng pagkabusog ng inyong sanggol. Hayaan siyang magpasya kung gaano karami ang iinumin sa bawat pagpapasuso ng gatas. Ihinto ang pagpapasuso kapag nagpakita ang inyong sanggol ng mga palatandaan ng pagkabusog, gaya ng kung ang sanggol ay:
    • isinasara ang bibig
    • bumabagal ang pagsipsip o inihihinto ang pagsipsip
    • pinawawalan ang tsupon
    • itinutulak ang bote
    • inililiyad ang likod at ibinabaling palayo ang ulo
    • inirerelaks ang katawan at natutulog
  • Obserbahan ang paghinga ng sanggol at ang kanyang pagsisikap sa pagsipsip. Kailangan ng mga sanggol ng maraming pagsisikap upang sumipsip kung napakaliit ng butas ng tsupon. Tingnan ang laki ng tsupon kung kinakailangan. Kumonsulta sa inyong doktor kung nagdududa kayo.

Mga Importanteng Tatandaan

  • Huwag idagdag o ihalo ang anumang pagkain o gamot sa pormula para sa sanggol upang pasusuhin ang inyong sanggol.
  • Huwag kailanman tukuran ang bote o iwanang nag-iisa ang inyong sanggol habang pinasususo ng gatas. Inilalagay nito siya sa panganib na mabulunan at hindi makahinga.
  • Habang pinasususo ng gatas, iwasang hampasin ang bote, o kilitiin ang kanyang bibig gamit ang tsupon. Gagawin nitong hindi siya komportable.
  • Huwag puwersahin ang inyong sanggol na inuming lahat ang pormula. Itapon ang natirang gatas na pormula.
  • Huwag hayaang matulog ang inyong sanggol na may nakasubong bote. Maaari itong magdulot ng pagkasira ng ngipin at magresulta sa maling gawi ng pagtulog.

Paano padighayin ang sanggol?

Padighayin ang inyong sanggol pagkatapos pasusuhin ng gatas upang ilabas ang hangin na kanyang nalunok habang sumususo ng gatas.

  • Padighayin ang inyong sanggol matapos pasusuhin ng gatas o kapag nagpahinga siya sa pagsuso
  • Maaari ninyo siyang padighayin sa mga sumusunod na paraan:
    • Hawakan ang inyong sanggol nang patayo sa inyong balikat. Banayad na tapikin o haplusin ang kanyang likod.
    • Iupo siya sa inyong kandungan. Suportahan ang kanyang ulo at dibdib. Banayad na tapikin o haplusin ang kanyang likod.

Ano ang dapat kong gawin kung sumuka ang sanggol matapos pasusuhin?

Maraming bagong silang na sanggol ang sumusuka nang kaunti matapos sumuso ng gatas, habang pinadidighay, o kapag nakahiga dahil wala pa sa gulang ang kanilang daanan ng pagkain.

Tumutulong ang sumusunod na mabawasan itong mga pangyayari ng pagsuka:

  • Pasusuhin ng gatas ang inyong sanggol kapag nagpapakita siya ng mga hudyat ng maagang pagkagutom, gaya ng paghimod sa labi, pagbukas ng bibig, o paglagay ng kamay sa bibig. Tumutulong ito sa kanya na manatiling kalmado at lumunok ng mas kaunting hangin habang umiinom ng gatas.
  • Siguruhin na puno ng gatas ang tsupon kapag umiinom ng gatas.
  • Iwasan ang sobrang pagpapasuso ng gatas. Ihinto ang pagpapasuso kapag nagpapakita ang sanggol ng mga hudyat ng pagkabusog.
  • Pagkatapos pasusuhin o padighayin, panatilihing nakatayo ang inyong sanggol nang 10 hanggang 20 minuto. Maaari ninyo siyang hawakan o paupuin sa inyong kandungan.
  • Kung hindi maging maayos ang pagsuka, kumonsulta sa inyong doktor.

Gaano karaming gatas ang kailangan ng sanggol sa isang araw?

Inia-adjust ng mga sanggol ang dami ng gatas na kanilang sinususo upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan para sa paglaki at pag-unlad. Nagbabago ang kanilang gana bawat araw. Hayaang gabayan kayo ng inyong sanggol kung kailan at gaano karami ang kanyang kailangan.

  • Natatangi ang bawat sanggol. Kailangan ng ilang sanggol ang kakaunti at madalas na pagpapasuso ng gatas, habang kailangan ng ilan na pasusuhin nang mas madalang ngunit mas maraming gatas ang sinususo bawat pagkakataon.
  • Sa unang ilang araw matapos isilang, kaunti lang ng pormula para sa sanggol ang sususuhin ng mga sanggol sa isang pagkakataon dahil medyo maliit pa ang kanilang sikmura. Kailangan silang pasusuhin bawat 2 hanggang 3 oras kapag nagising sila. Sa susunod na ilang linggo, maaari silang sumuso ng halos 60 hanggang 90 ml bawat 3 hanggang 4 na oras. Kung minsan maaaring kailangan din silang pasusuhin nang mas madalas, kaya sundin ang kanilang mga hudyat ng pagsuso.
  • Kadalasang nananatili ang mga isa hanggang dalawang buwang sanggol sa kanilang sariling regular na pattern ng pagsuso ng gatas. Mula sa edad na dalawa hanggang anim na buwan, nag-a-adjust ang ilang sanggol sa regular gabi at araw na pattern. Natutulog sila nang 5 hanggang 6 na oras sa gabi at sumususo ng mas marami kapag nagising sila sa umaga.
  • Nag-iiba-iba ang dami ng gatas na pormula na kailangan araw-araw ng bawat bata. Narito ang isang sanggunian para sa malulusog na sanggol sa unang ilang buwan 5
    Edad Arawang konsumo ng gatas na pormula
    1 buwan Halos 550 - 970 ml
    2 hanggang 5 buwan Halos 630 - 1110 ml
  • Alam ng mga sanggol kung gaano karami ang kanilang kailangan para sa kanilang paglaki at mga pangangailangan ng katawan. Maaaring maging napakagana ng ilang sanggol sa loob ng ilang araw at sumuso nang kaunti sa mga sumusunod na araw. Kung mahilig silang maglaro at bumibigat ang timbang, hindi dapat ikabahala ang pagbabago ng gana.
  • Huwag subukang ipaubos sa kanya ang laman ng bote. Nagbabago ang gana ng mga sanggol bawat araw. Sundin ang kanyang mga hudyat at hayaan siyang magpasya kung gaano karami ang kanyang kailangan.

5Leung, S.S.F., Lui, S. & Davies, D.P. (1988). Mas mahusay na patnubay sa mga kinakailangan sa gatas ng mga sanggol na wala pang 6 na buwan. Australian Paediatric Journal, 24, 186-190.

Sapat ba ang nasususo ng aking sanggol?

Sapat ang nasususo ng inyong sanggol kapag mayroon siya ng mga sumusunod na palatandaan:

Mga basang lampin:

  • May 1 hanggang 2 basang lampin bawat araw sa unang dalawang araw pagkasilang.
  • May hindi bababa sa 3 basang lampin bawat araw sa ika-3 at ika-4 na araw.
  • Mula sa ika-5 araw pasulong, may hindi bababa sa 5 hanggang 6 na basang-basang lampin (halos bigat ng 3 kutsara ng tubig sa bawat lampin) at malinaw o mapusyaw na dilaw ang ihi.

Mga dumi ng sanggol:

  • Nagbabago mula sa pagdumi ng matingkad na berde na unang dumi (meconium) hanggang sa manilaw-nilaw na dumi sa unang 5 araw.
  • Nagbabago ang texture mula malabnaw at malagkit hanggang magaspang nang unti-unti.

Timbang ng sanggol:

  • Sa unang ilang araw matapos isilang, normal para sa inyong sanggol na bumaba ng kaunti ang timbang.
  • Sa una at ikalawang linggo, muling tataas ang timbang ng inyong sanggol at dahan-dahang bibigat.
  • Sa unang 2 buwan, karamihang sanggol ang bumibigat ng 0.5 kg o higit pa kada buwan sa average.

Kung mayroon kayong anumang tanong tungkol sa pagpapainom ng gatas sa bote, mangyaring kumonsulta sa inyong doktor o nurse.

Para sa karagdagang impormasyon sa kalusugan, mangyaring bisitahin ang webpage ng Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya (Family Health Service): www.fhs.gov.hk o tumawag sa 24-na oras na Hotline ng Impormasyon: 2112 9900.

Mga Pangunahing Punto para sa Pagpapasuso sa Bote

Inirerekomenda ng World Health Organization na pasusuhin ng gatas ng ina lamang ang mga sanggol sa unang anim na buwan. Sa halos anim na buwang gulang, dapat bigyan ang mga sanggol ng masusustansyang matigas na pagkain at patuloy na pasusuhin hanggang sa edad na dalawang taon o pataas. Kung hindi kaya ng mga magulang o pinili na hindi magpasuso sa kanilang mga sanggol, ang pagpapasuso sa sanggol gamit ang pormula para sa sanggol ang tanging alternatibo sa kanilang unang ilang buwan.

Pagpili ng Pormula para sa Sanggol

  • Pormula para sa sanggol (“Stage 1 formula”) ang angkop para sa mga bagong silang at mga sanggol na wala pang 12 buwang gulang.
  • Kasunod na pormula (“Stage 2 formula”) ay hindi angkop para sa mga sanggol na wala pang 6 na buwang gulang. Hindi kailangan ang paglipat sa kasunod na pormula pagkatapos ng 6 na buwang gulang.

Paghahanda ng Gatas na Pormula para sa Sanggol

  • Dapat linisin at isterilisado ang mga bote, tsupon at iba pang kagamitan.
  • Sukatin nang tumpak ang dami ng tubig at pulbos na pormula para sa sanggol ayon sa mga tagubilin na nasa pakete kapag tinitimpla ang gatas.
  • Ilagay ang tubig sa bote bago idagdag ang pulbos na pormula para sa sanggol. Dapat na 70°C o mas mataas ang temperatura ng tubig.
  • Ibigay sa mga sanggol ang bagong inihandang gatas na pormula para sa sanggol. Dapat ubusin ang gatas na pormula sa loob ng 2 oras pagkatapos ihanda.

Pagpapasuso sa sanggol

  • Tingnan ang temperatura ng gatas.
  • Suportahan ang sanggol sa bahagyang nakatayong postura at hawakan siya habang pinasususo.
  • Pasusuhin ang sanggol ayon sa kanyang mga hudyat ng pagpapasuso. Huwag siyang puwersahin na sumuso.
  • Itapon ang anumang natirang gatas.