Bakuna laban sa Diphtheria at Tetanus (DT)

(Binago ang nilalaman 07/2017)

Diphtheria

Sanhi ng bakterya ang diphtheria. Ang mga apektadong tao ay maaaring magkaroon ng lagnat, pananakit ng lalamunan na may mga patse ng kulay-abo na lamad na nakadikit sa lalamunan at kahirapan sa paghinga. Sa malulubhang kaso, maaari itong magdulot ng pagbara sa daanan ng hangin, pagpalya ng puso, pagkapinsala ng nerbiyo o maging kamatayan. Naikakalat ang sakit sa pamamagitan ng kontak sa pasyente o tagapagdala. Hindi gaanong karaniwan, maaaring mahawa ang isang tao sa pamamagitan ng kontak sa mga baga na nadumihan ng mga inilalabas ng mga apektadong tao.

Tetanus

Sanhi ng bakterya ang tetanus, na pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng sugat sa balat at gumagawa ng lason na umaatake sa sistema ng nerbiyo. Maaari itong magdulot ng masakit na paninikip ng katawan at paninigas ng panga, kaya hindi maibukas ng nahawang tao ang kanyang bibig o hindi makalunok. Kapag naapektuhan ng tetanus ang mga kalamnan na tumutulong sa paghinga, maaaring agad na mamatay ang pasyente.

Bakuna laban sa Diphtheria at Tetanus (DT)

A. Bakit magpapabakuna?

Maaaring mabisang mapigil ng DT na bakuna ang nabanggit na 2 malulubhang sakit. Sa Hong Kong, inirerekomenda para sa rutinang pagbabakuna sa pagkabata ang Bakuna laban sa Diphtheria, Tetanus, acellular Pertussis at Hindi Aktibong Poliovirus (DTaP-IPV na Bakuna). Gayunman, ang mga batang hindi makatanggap ng bakunang nagtataglay ng pertussis ay hindi dapat mabakunahan ng DT na Bakuna.

B. Kailan dapat magpabakuna ang aking anak?

Upang makamit ang maganda at pangmatagalang proteksyon, dapat makatanggap ang bata ng 3 dosis ng DT na bakuna sa unang taon ng buhay (sa 2, 4 at 6 na buwang gulang), at isa pang booster na dosis sa 18 buwang gulang. Ibibigay ang dalawang iba pang booster na dosis sa mga mag-aaral ng unang baitang at ika-anim na baitang sa primarya. Maaaring ibigay ang DT na bakuna kasabay ng iba pang bakuna.

C. HINDI dapat tumanggap ng bakuna laban sa DT ang mga sumusunod na indibidwal

  • Malubhang reaksyon na allergy sa alinman sa mga bahagi ng bakuna o kasunod ng dating dosis ng DT na bakuna
  • Malubhang reaksyon na allergy sa ilang preservative

D. Ano-ano ang masasamang epekto?

  • Walang malubhang reaksyon ang karamihang tao matapos makatanggap ng DT na bakuna. Paminsan-minsan maaaring may banayad na lagnat (kadalasang nangyayari sa loob ng 3 araw pagkatapos ng pagbabakuna) o banayad na pamamaga sa paligid ng lugar ng iniksyon. Maaaring gumamit ang mga magulang ng gamot laban sa lagnat upang maibsan ang mga sintomas.
  • Kung magkaroon ang bata ng kahirapan sa paghinga o coma (na sobrang bihira) pagkatapos ng pagbabakuna, mangyaring dalhin siya kaagad sa Departamento ng Aksidente at Emergency ng mga ospital para sa pamamahala

Kung mayroon kayong anumang tanong, mangyaring makipag-ugnayan sa Maternal & Child Health Centre ng Kagawaran ng Kalusugan.